Advertisers
IPINAHAYAG ni Team Isko chief campaign strategist Lito Banayo na base sa pinakahuling independent survey na isinagawa ng isang malaking data research firm, na Tangere, lumalabas na patuloy na tumataas ang numero ni Aksyon Demokratiko standard bearer Isko Moreno Domagoso pagdating sa kung sino ang napupusuan ng mga botante kung kaya naman unti-unti nang natatapyasan ang agwat sa ranking sa pagitan ng huli at ni Ferdinand Marcos Jr.
“This is going to be a very-very close fight, assuming na walang aatras. It’s up to Mayor Isko to close that gap,” pagbibigay-diin ni Banayo sa isinagawang press conference sa Isko Moreno Domagoso for President National Headquarters, Intramuros, Manila, umaga ng Biyernes, Abril 8, 2022.
Ang Tangere ay isang award-winning technology and innovation-driven market research and opinion poll company na mayroong aktibo at patuloy na dumaraming respondents sa buong bansa, na ang base number nito ay nasa mahigit 600,000.
Batay sa resulta ng Tangere survey, na isinagawa sa nitong Abril 4 hanggang Abril 6 at mayroong 2,400 respondents, tumaas ang ang nakuhang numero ni Moreno, na nasa 24.21 percent kumpara sa 22 percent nito sa nakaraang March 31 survey.
Pinatunayan din ng naturang Tangere survey ang pananatili ni Moreno sa ranking nito bilang pangalawang mas pinipili ng mga respondent na kanilang iboboto sakaling ang nauna nilang tinukoy na presidential candidate ay hindi na kakandidato.
Si Moreno ay second top choice sa nakuha nitong 37.58 percent mula sa hanay ng respondents, kasunod si Senator Panfilo Lacson na may 17.33 percent habang si Marcos Jr. ay 3.75 percent lamang at si Vice President Leni Robredo ay 8.75 percent.
Ipinakikita sa resulta ng Tangere survey na 48.4 percent ng supporters ni Marcos Jr. at 53.44 percent naman ng Robredo supporters ang nagsabing si Moreno ang kanilang second choice bilang presidential candidate kung kaya lumalabas din na ang Manila Mayor ang mas hindi inaayawan sa hanay ng mga kandidato.
Matatandaan na sa isinasagawang January 18 survey, lumabas na ang Aksyon Demokratiko presidential candidate ay nakakuha ng 16.75 percent kumpara sa 16.29 percent nito sa nauang January 3 survey.
Taliwas naman dito ang nakuha ni Marcos Jr. sa Tangere surveys na nagpapakita ang tuluy-tuloy na pagbaba sa numero nito, mula sa pinakamataas na 60 percent sa January 3 survey, naging 58 percent ito sa ginawang January 18, habang nasa 54 percent sa nakaraang February 5 survey at mas lalo pa itong bumagsak sa 48 percent sa April 4-6 poll.
Sa nasabing latest survey, pinapakita rin na ang agwat sa pagitan nina Marcos Jr. at Mayor Isko ay mas lalong lumiliit na sa net difference na 24 percentage points, kumpara sa 32 percent point na pagitan ng dalawa sa February 4-5 survey run.
Samantala, si Leni Robredo naman ay nanatiling nasa ikatlong puwesto sa 21 percent nito sa kabila ng pagtaas ng kanyang numero sa itinuturing na balwarte nito, ang Bicol Region, kung saan malaking bahagi ng respondents ay doon nanggaling. Ang top three candidates ay sinundan nina Sen. Manny Pacquiao (3.29%) at Sen. Panfilo Lacson (2.54%).
Ayon kay Banayo, ang Tangere April 4-6 survey ay mas nagpapakita ng tunay na sentimyento ng mga tao kung ikukumpara sa survey ng Pulse Asia, na ipinalabas nitong nakaraang Abril 6 subalit isinagawa pa noong March 15-17.
“It’s not vice president Robredo getting 24 percent, and Isko is only 8 percent. It’s a neck-to-neck fight between the two, vis-à-vis the slowly declining numbers of Ferdinand Marcos Jr.,” tahasang sabi pa ni Banayo.
Nilinaw naman ng batikang campaign at political strategist na hindi naman niya minamaliit ang Pulse Asia o ang surveys na ginagawa nito, bagkus ang kinokontra lamang niya ay ang gustong palabasin ng ibang kampo.
“What I am saying lang is yung pini-frame na parang insurmountable na yung numbers ni Ferdinand Marcos Jr., as in wala na, tapos na yung eleksyon, or the contention na dalawa na lang ang nag-lalaban, is belied by the numbers here,” pagbibigay-diin ni Banayo.
Naniniwala rin si Banayo na ang patuloy na pagbaba sa survey ni Marcos Jr. ay hindi nangangahulugan na unti-unti lamang dahil may posibilidad na mangyari na sa isang iglap ay biglaan ang maging pagbagsak sa numero nito.
“A lot of things happen in a campaign, it’s a very dynamic setup. One particular issue can bring you down,” sabi pa nito kung saan ibinigay niyang halimbawa ang nangyari kay Senator Grace Poe na ang 2016 presidential run ay nadiskaril dahil sa citizenship issue nito
“Ganun din yan. There are so many elements that come in a presidential campaign that changes people’s minds quickly,” paalala ni Banayo.
P203-B Marcos Estate Tax
Hinggil naman sa kaso ni Marcos Jr., ani Banayo, isa sa mga posibleng makapagpabagsak dito ay ang mainit na isyu ng pagtanggi o pag-iwas ng pamilya nito na bayaran ang kanilang bilyones na utang sa buwis at patuloy na pagbalewala sa mga imbitasyon na dumalo sa debate.
“One I think is the P203 billion estate tax issue which the campaign has brought to the attention of the public. Another element here is refusal to be interviewed, refusal to join debates. Nakaka-turn off yun sa certain segment ng initial voting base,” sabi ni Banayo.
Patunay nito na sa Tangere survey, lumalabas na malaking bahagi ng mga botante, nasa 46 percent ng respondents, ang nagsabing dapat bayaran ni Marcos Jr, at ng pamilya nito ang obligasyon nila sa gobyerno at sambayanang Pilipino na P203 billion estate tax.
Bukod dito, ang nasa 33 percent ng mga mismong sumusuporta sa presidential bid ni Marcos Jr. ay nagsasabing dapat nang resolbahin ng huli at ng pamilya nito ang usapin ng hindi pagbabayad ng estate tax issue, habang ang malaking 59 percent ng mga panig sa iba pang presidential candidates ay ganito rin ang ipinagdidiinan.
Ipinunto ni Banayo na base sa survey results, malabong mangyari ang iniaalok ng kampo ni Robredo na “unity” sa hanay ng ibang presidential aspirants bukod kay Marcos Jr.
“What you see in the data here is ‘yung boto ni Isko Moreno, hindi pupunta kay VP Leni. Pag umatras siya o makikisama, yung boto niya pupunta kay Marcos Jr. The bulk of it goes that way. Ganun din yung the rest of the candidates,” paliwanag pa niya.
Iginiit ni Banayo na sa nasabing survey, si Robredo ang lumalabas na pinaka ayaw ng mga respondent sa hanay ng presidential candidates kung saan sa tanong na “sino ang kanilang hindi iboboto?”, ang bise-presidente ay nakakuha ng 45 percent habang 2 percent lang ang nagpahayag na hindi nila iboboto si Mayor Isko.
“Malakas ang non-preference kay Leni Robredo as against the preference for Mayor Isko,” ani Banayo, subalit hindi naman na sinasavbi na nanawagan ang Aksyon Demokratiko para kay Robredo na umatras na lamang sa kandidatura nito at sa halip ay suportahan ang presidential bid ni Mayor Isko.
“We cannot make that call. I’m just trying to explain na ‘yung sinasabi nilang it’s down to a two-way contest is absolutely false. It’s a three-way contest,” paglalahad pa ni Banayo.