Advertisers
Si Joey Venancio ay on-leave. Siya’y kandidato sa pagka-kongresista sa kanilang lalawigan, Romblon. Ang kolum na nababasa n‘yo ngayon ay gawa ng kanyang editor.
SA inaakala nilang makakukuha pa sila ng simpatya para tumaas ang kanilang rating sa presidential derby, bumalandra kina Manila mayor Isko Moreno at Senador Ping Lacson ang ginawa nilang press conference nitong Linggo kungsaan pinagwiwidro nila ang winnable na si Vice President Leni Robredo.
Oo! Dahil sa halip na matuwa sa kanila ang marami ay nagalit ang mga tao partikular ang kababaihan at napunta ang simpatya kay Robredo na pinagtutulong-tulungan nina Isko, Ping at dating Nat’l Security adviser Norberto Gonzales.
Sabi ng netizens, kung noon ay nagdadalawang isip pa sila kung sino kina Isko at Leni ang kanilang iboboto sa pagka-pangulo, ngayon ay maliwanag na si Leni na ang kanilang susuportahan.
Ang sinisisi ng political analyst sa ginawang ito nina Isko ay ang campaign manager nito na si Lito Banayo na siyang may pakana ng lahat.
Si Isko ay malayong pangatlo sa mga survey sa likod ng frontrunners na sina Bongbong Marcos Jr at Robredo.
Sa tatlong presidential aspirants na ito, bagama’t nangunguna si Marcos Jr. ay mabilis namang humahabol si Robredo na mula sa mababang rating ay halos natapyas na nito ang malaking lamang ni Marcos Jr. bunga ng puspusang kampanya at tulong ng mga volunteer na kabataan.
Ganitong ganito ang nangyari nang unang maglaban noong 2016 sina Marcos Jr at Robredo. Malaking malaki ang lamang noon ni Marcos Jr sa mga survey pero habang papalapit ang halalan ay dumikit si Robredo hanggang sa manalo ang huli ng kulang isang milyong boto sa pagka-bise presidente.
Alam ito ng kampo ni Marcos Jr. kaya naman nababahala ito na maulit ang resulta ng naging laban nila six years ago.
Sa latest survey, si Robredo ay tumalon ng higit 9 porsiyento at lumapit ng higit 10 percent na lamang ni Marcos sa nalalabing 17 days ng kampanya.
Sa tingin ko, kaya nanggagalaite itong sina Isko at Ping kay Leni ay dahil marami sa grupo ng kanilang supporters ang lumipat na kay Leni. Puede!
Isa pang rason kung bakit pinagwiwidro at binabanatan nina Isko at Ping si Leni ay upang makuha ang simpatya ni Bongbong para kung sakali na ang huli ang manalo ay mabigyan din sila ng political accomodation sa administrasyon nito. Mismo!
Kung si Leni kasi ang manalo ay siguradong walang paglalagyan itong sina Isko at Ping lalo na si Gonzales. Dahil ayaw ni Robredo ng mga politiko na walang paninindigan at mga personal na interes lang ang takbo. Yes!
Pero bago si Leni, si Marcos Jr. ang inupakan ng todo ni Isko. Katunayan ay siya ang nagpakalkal sa hindi pa nababayang estate tax ng pamilya Marcos na umaabot na sa P203 billion mula sa pagkakautang na P23 billion.
Eh hindi yata umepekto kay Marcos Jr ang mga tirada ni Isko kaya si Leni naman ang binobomba nito ngayon.
Pero ang sagot ni Leni, huwag nang pansinin ang kanyang mga kalaban, magpukos nalang sa kanilang kampanya dahil 19 days nalang eleksyon na. Oo nga!