Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
PAGKATAPOS magbida sa Anak ng Macho Dancer mula sa direksyon ni Joel Lamangan, magbibida muli si Sean de Guzman sa isang social crime drama movie na may working title na “Fall Guy” na ang magdidirek ay si Direk Joel din.
Ang Fall Guy ay istorya ng isang social media influencer na naging biktima ng injustice system dahil sa kanyang estado sa buhay.
Ang pelikula ay isinulat ni Troy Espiritu, produced by Len Carillo of 3:16 Media Network and John Bryan Diamante of Mentorque Productions.
Masasabi ni Sean na ang Fall Guy ay kakaiba sa lahat ng mga nagawa niyang pelikula dahil hindi na pulos sex ang mapapanood dito. HIndi katulad ng mga nauna niyang nagawang pelikula na may tema ng hubaran.
“Iba ito sa mga usual films na ginagawa ko dati. Malayung-malayo siya. Hindi na sex ang sentro ng pelikulang ito. Susubukan ko namang tumawid sa pagiging dramatic actor,” sabi ni Sean sa story conference ng Fall Guy.
Hindi lang sa Anak Ng Macho Dancer nakatrabaho ni Direk Joel si Sean kundi maging sa mga pelikulang Lockdown, Bekis on the Run, Huling Babaeng Birhen Sa Lupa at Island of Desire.
Dahil nga ilang beses na niyang nakatrabaho si Sean kaya alam ni Direk Joel ang kalidad ng binata bilang isang aktor.
Puring-puri nga niya si Sean pagdating sa pag-arte. At naniniwala siya na after maipalabas ang Fall Guy ay posibleng magkaroon ng acting award para rito si Sean.
“Magkakaroon siya ng award sa pelikulang ito. Sa aking peikula siya unang nakita – Anak ng Macho Dancer, Lockdown, at yung mga kasunod pa niyang pelikula na kasama ako. Bakit ko siya pinili? Dahil nakitaan ko siya ng husay sa pag-arte. Nakitaan ko siya ng intrinsic quality ng isang mahusay na aktor na puwede pang ma-develop bilang pangunahing aktor ng ating industriya. Kaya noong binigay sa kanya ang proyekto na ito, hindi na ako nagdalawang isip,” sabi ni Direk Joel tungkol kay Sean.
Bukod sa pagiging mahusay na aktor, hinahangaan din ni Direk Joel si Sean sa pagiging mabuti nitong tao.
Makakasama ni Sean sa Fall Guy sina Glydel Mercado, Shamaine Buencamino, Vance Larena, Cloe Barreto, Quinn Carillo, Marco Gomez, Karl Aquino, Tina Paner, Jim Pebanco, Pancho Carrillo, Mark Cardona, Tiffany Grey, Azekah Alvarez, Nisa Ortiz, Hershie de Leon at Itan Magnaye.
Speaking of Glydel, reunion project nila ni Direk Joel ang Fall Guy. Una silang nagkatrabaho sa Sidhi.
Sa pelikulang ito ay naging grand slam best supporting actress si Glydel.
Aminado naman si Glydel na nakakaramdam pa rin siya ng kaba sa muli niyang pakikipagtrabaho sa award-winning direktor.
“Hanggang ngayon may nerbyos pa rin ako kay Direk Joel. Reunion project namin ito hanggang ngayon kaya kinakabahan pa rin ako. Kaya relax lang direk ha, I love you,” sabi ni Glydel.
Maipagmamalaki naman ni Glydel na disiplina ang matututunan kay Direk Joel once nakatrabaho ito ng mga artista.
“Disiplina talaga ang matututunan ninyo kay Direk Joel. ‘Yan lataga ang maipagmamalaki ko.”
Si Tina naman ay first time makakatrabaho si Direk Joel. At maituturing niya na dream come true na maididirek siya ni Direk Joel.
“Noong nabasa ko sa text na si Joel Lamangan ang makakatrabaho ko, nagdasal talaga ako. First time ko po na makaka-work ang isang mapakagaling na Direk Joel Lamangan.
Sabi ko, ‘Dyos ko! Eto na yung kaba ko.’ Pero at least makakatrabaho ko ang isang napakagaling na director,” sabi ni Tina.
Samantala, proud si Mam Len sa pagiging in-demand actor ng alaga niyang si Sean. Hindi nga niya akalain na sa lahat ng mga talent niya ay si Sean ang unang sisikat.
“Although naniniwala naman ako sa kakayahan ni Sean. Pero ‘yung siya ang unang aangat, hindi ko nakitaan ‘yun. Pero siya pala ang una, noh?” sabi ni Mam Len.
Hanga naman si Mam Len sa pagiging loyal sa kanya ni Sean.
“Itong si Sean, ‘yung pagiging loyal niya sa akin, sobra. Ilang beses ko nang pinalayas ‘yan. Mag-iimpake siya ng mga gamit, 2 hours na, hindi pa rin umaalis. Sabi niya, wala akong ma-book na grab. 2 hours na wala ka pa ring ma-book na grab?”
“Sobrang loyal niyan. Napakabait na bata talaga. Kaya deserved niya na blessed siya,” sabi pa ni Mam Len tungkol kay Sean.