Advertisers

Advertisers

MANDATORY EVACUATION CENTERS SA LGUS APELA NI GO

0 368

Advertisers

BILANG pagmamalasakit sa mga nasasalanta ng kalamidad tulad ng bagyong Agaton lalo na ngayong kasagsagan ng pandemic ay umaapela si Senator Christopher “Bong” Go, na maipasa ang paglikha ng permanenteng mandatory safe and properly equipped evacuation centers sa lahat ng municipality, city at mga probinsiya sa ating bansa.

“Kapag dumating ang malakas na bagyo o kung anumang sakuna, sa mahihirap po talaga malakas ang epekto nito. Kada taon, iba’t ibang krisis ang hinaharap ng Pilipinas kaya naman dapat mabilis ang aksyon ng gobyerno upang mapaghandaan at maprotektahan ang buhay at kapakanan ng mga Pilipino,” pahayag ni Go.

“Kaya napaka importante po na tayo ay makapagpatayo ng mga safe, permanent, and dedicated evacuation centers na may sapat na emergency packs, tulad ng maayos na tulugan, tubig, gamot, at iba pang relief goods. Nakahanda na dapat ito kahit wala pang sakuna,” dagdag pa niya.



Itinataguyod ni Go ang mga panuntunang titiyak sa mga biktima ng kalamidad na magkakaroon ng pansamantalang matutuluyan na gagarantiya sa kanilang seguridad,, pakikipagkapuwa at ang kapakanan nila para makabangon at makapagpanimula sa kanilang kabuhayan.

Noong taong 2019 ay inihain ang Senate Bill No. 1228 o ang Mandatory Evacuation Center Act matapos maobserbahan ni Go sa kaniyang mga pagbibiyahe sa iba’t ibang panig ng ating bansa sa pagtulong sa mga nasalanta, na kadalasa’y nasa mga tent, barangay centers, schools, plazas, gymnasiums, o basketball courts, na kulang naman sa mga basic necessities. .

“Tinamaan na nga ng bagyo, nagsisiksikan pa sa temporary shelters habang may pandemya. Nakakaawa ang ating mga kababayan. Huwag na natin pahirapan ang naghihirap na. Solusyunan na dapat natin bago pa dumating ang panibagong sakuna,” apela ni Go.

Nilalaman ng SBN 1228 ang mga pamamaraan sa basic minimum requirements ng bawat mandatory evacuation center, tulad ng location, amenities at operation.

Nitong nakaraang April 15 at 16, si Go at President Rodrigo Duterte ay personal na bumisita at namigay ng tulong sa mga biktima ng bagyong Agaton na pansamantalang mga nanunuluyan sa Baybay City Senior High School ng Leyte at Pontevedra Elementary School sa Capiz; na ang mga biktima ay mula sa iba’t ibang lugar na hindi naman dapat mapabilang sa kanilang mga napuntahang evacuation centers.



“When disaster strikes, the Filipinos, especially ‘yung mga underprivileged, suffer. In most instances, this disaster renders their homes unlivable, leaving the victims without roofs. Ibig sabihin nasisira ang mga bahay, marami pong apektado,” saad ni Go.

“Minsan po, ‘di nagagamit ang mga paaralan kapag ginagamit ang mga eskwelahan (bilang evacuation centers)… Kaya panahon na po magkaroon tayo ng evacuation center sa bawat bayan,” pagpupunto pa nito.

Nanawagan din si Go sa kaniyang mga kasamahang mambabatas na seguruhing may matatag, typhoon-resilient at climate change-adaptive evacuation centers na ligtas mula sa pagbaha at landslide-prone areas sa kada-2 hanggang 3 magkakadikit na mga barangay.

Ang SBN 1228 ni Go ay nabibinbin pa rin sa Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation kasama ng SBN 205,
na inihain noong 2019 para sa paglikha ng Department of Disaster Resilience.

Muli ay nagbabala si Go na ang Pilipinas ay binabagyo ng halos 20 bagyo kada-taon, na ang 5 sa mga ito ay mapangwasak, kaya ang gobyerno ay dapat na laging step ahead para makapagsalba ng maraming buhay kapag nanalasa ang kalamidad.

“Nakita naman natin ang matinding pangangailangan para sa mga evacuation centers na magsisilbing panandaliang tahanan ng mga Pilipino sa tuwing may bagyo o anumang natural disaster. Huwag nating antayin na may panibagong sakuna pang dumating. Umaksyon na tayo dapat para maprotektahan lalo ang buhay ng bawat Pilipino,” giit ni Go.

Mahigit 2 milyong-katao ang naapektuhan ng bagyong Agaton ayon sa inilabas na ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong April 18.

Sa kabuuang 346,602 na nasalanta at 158,602 sa mga ito ay nanunuluyan sa mga evacuation center. May 28 schools sa Regions VI at VIII ang kasalukuyang ginagamit ngayon bilang evacuation centers.