Advertisers

Advertisers

Bong Go: Agri smuggling puksain

0 283

Advertisers

MULING umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa gobyerno na unahin ang kapakanan ng maliliit na manggagawang pang-agrikultura at idiniin ang pangangailangang puksain ang smuggling ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa na nakaaapekto sa kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka sa buong bansa.

Sa isang panayam matapos ang kanyang pagbisita sa mga biktima ng sunog sa Barangay Baesa, Quezon City, mahigpit na hinimok ni Go ang mga kinauukulang ahensya na mahigpit na pangalagaan ang interes ng mga Pilipinong manggagawa sa agrikultura.

Ayon sa League of Associations at La Trinidad Vegetable Trading Areas, ang mga magsasaka ay nalulugi ng humigit-kumulang P2.5 milyon kada araw kasunod ng pagbaba ng 40% na order dahil sa pagdagsa ng mga smuggled na gulay sa merkado.



Noong unang bahagi ng buwang ito, pinangalanan ni Senate President Vicente Sotto III ang ilan sa mga high-profile na personalidad na umano’y sangkot sa agricultural smuggling sa panahon ng pagdinig ng Committee of the Whole hinggil sa usapin, at hiniling sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na beripikahin ito.

“Karapatan po ng mga kababayan nating malaman ang katotohanan, kung totoo talaga ito. Kung sino itong mga involved sa smuggling, eh ilabas na kaagad, at managot (at) kasuhan. Ayaw nating merong nananamantala sa sitwasyon,” ani Go.

Muling idiniin ni Senador Go ang kanyang apela sa Department of Agriculture na ituon ang pansin sa pag-angat ng buhay ng mga Pilipinong magsasaka, at iginiit na ang pamahalaan ay dapat na isulong ang mga lokal na produkto kaysa sa mga imported na produkto.

“Ako ay nananawagan sa DA, kay Sec. (William) Dar na unahin ‘yung kapakanan ng mga maliliit na magsasaka, mga magsasaka natin. Kung hindi naman kailangan na mag-import sa ngayon eh huwag muna kayong mag-import,” anang senador.

“Always interest po ng mga maliliit na magsasaka ang dapat unahin ng ating gobyerno… Kahit na legitimate naman yung kanilang importation, unahin pa rin po dapat yung mga maliliit,” dagdag niya.



Alinsunod sa kampanya laban sa katiwalian ng administrasyong Duterte, tiniyak din ni Senator Go na kinukundena rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anumang uri ng smuggling at iligal na pagpasok ng mga produkto sa bansa.

Ikinalungkot niya na ang hindi pagsugpo sa smuggling ay isang malaking kapinsalaan sa lahat ng mga Pilipinong magsasaka na nagpagal kahit sa gitna ng pandemya para sa food security ng bansa.

Binigyang-diin ni Go na kung mapatunayang nagkasala, dapat managot ang mga sangkot sa agri smuggling.

“Kilala ko naman si Pangulo. Basta totoo lang at mapatunayan na kasangkot eh mananagot po ito. Kasuhan, dapat makulong. Kakailanganin po lalung-lalo na po yung mga nananamantala sa sitwasyon na naghihirap ang ating bayan. Sa ngayon, nasa krisis pa tayo, tapos meron pang nananamantala na mga smuggler. Dapat managot po,” ayon kay Go.