Advertisers

Advertisers

SAAN HAHANTONG ANG BANGAYANG ATONG ANG AT BONG PINEDA?

0 407

Advertisers

Kumpitensiya sa negosyong sugal ang puno’t dulo ng giyerang sumiklab sa pagitan ng dalawang may tahid na gambling titans ng bansa na sina Charlie “Atong” Ang, alias Double A at Rodolfo “Bong” Pineda, aka Doce.

Kapwa may malawak na impluwensiya sa larangan ng pulitika at kapulisan sina Ang at Pineda na nakabangga noon pa man dahil sa sabong.

Unang nagkaroon nang samaan ng loob si Atong Ang at Bong Pineda nang makuha ni Pineda ang San Juan Colesium na dating hawak ni Atong Ang bago pa man mapatalsik sa poder si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.



Kapwa malapit na kaibigan ni Erap sina Atong Ang at Bong Pineda.

Nang mapatalsik sa poder si Erapsky at nakulong naman sa America si Ang, nakuha ni Pineda ang San Juan Colesium at mula noon ay naging isa na ang nasabing sabungan sa pinakasikat na cockpit arena sa buong bansa na pinagdarausan ng mga bigtime international at local derbies.

Nang magbalik sa Pilipinas si Ang, dinatnan nitong namamayagpag na sa linyada ng bigtime sabong si Bong Pineda at ang mga kakosa nitong sikat na breeders at mga sabungero gaya ng noo’y Congressman Patrick na kilala sa alyas na IDOL.

Si Pineda at Patrick Antonio ang noo’y naghahari sa mga malalaking pasabong ng mga panahon yun kung saan balwarte at home ground ni Bong Pineda ang kanyang San Juan Colesium samantala sa Pasay Cockpit Arena naman naghahari si Cong. Patrick Antonio.

May ilang taon ding pinagharian nina Pineda at Antonio ang opisyo ng bigtime sabong hangang maitatag ni Atong Ang ang grupong Pitmasters na sa high-end 7-star Resorts World Hotel nagsasagawa ng multi-million na pa-derbies.



Dahil bago, super-lakas at talagang bongga ang mga pa-derbies na isinasagawa ng grupo ng Pitmasters ni Atong Ang, unti-unting naapektuhan ang mga pa-sabong ni Bong Pineda at Patrick Antonio sa San Juan Colesium at Pasay Cockpit Arena hanggang sa tuluyan na itong humina at halos magsara.

Dahil sa paglakas ng Pitmasters, muling ginulat ni Atong Ang lahat ng mga sabungero nang umpisahan nito ang kontrobersiyal e-sabong na brainchild mismo ni Atong Ang.

Lumarga ito at lalo pang yumabong ang mga negosyo sa sabong ni Atong.

Tumindi rin ang bangayan ni Atong at Patrick Antonio na kung saan, nadiskubre ni Ang na nasa likod pala nitong si Antonio si Bong Pineda.

And the rest was history.

Ang giyerang sumiklab sa pagitan ng mga higanteng sa negosyo ng sabong ay lumaki nang lumaki.

Sumambulat ang isyu sa mga nawawalang mga sabungero at ang umano’y talamak na tiyopeang nagaganap sa mga pa-derbies sa e-sabong kung saan kapwa may prangkisa sa pamahalaan sina Ang at Pineda.

Kay Ang ibinibintang ang pagkawala ng mahigit sa 30 sabungero na sinagot naman ni Ang na posibleng kagagawan ng grupo ni Bong Pineda bilang pagsabotahe sa kanyang matagumpay na negosyo sa e-sabong.

Sinabi ni Ang na may “conspiracy” na nagaganap na kagagawan ni Bong Pineda at grupo nito kung saan pinangalanan nito sina dating Congressman Patrick Antonio at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno at mga aktibo at incumbent na pulitiko.

Magpahanggang ngayon, malabo pa sa tubig sa lubluban ng kalabaw na mabigyang kalutasan ang kaso ng mga nawawalang mga sabungero.

Pati ang police provincial director ng Laguna na si Col. Rogart Campo kung saan naglahong parang bula ang mga sabungero at nasibak na rin.

Lalong lumabo ang resolusyon ng kaso sa mga tinaguriang ‘missing sabungeros’ dahil tila nalambungang ng malaking pagdududa ang mga mismong pulis na nag-iimbestiga ng nasabing kaso.

Nais din ng Senado na ilipat sa NBI ang pag-iimbestiga para mabura sa isip ng mamamayan na posibleng ma-white wash ang naturang kaso.

Inirekomenda rin ng Senado sa pamamagitan ng unanimous number sa pangulong Rodrigo Roa Duterte na pansamantalang itigil ang e-sabong ngunit kinontra ito ng mga economic managers ng Pangulo Duterte.

Nananatiling tuloy ang operasyon ng e-sabong dahil na rin sa napakalaking tulong ito in terms of revenues na pumapasok sa kaban ng pamahalaan na iniulat na umaabot ng bilyong piso kada taon.

Parang mga bundok ang nagbabanggaan sa isyu ng e-sabong.

Kapwa maimpluwensiya sa gobyerno at sa mga pulitiko itong sina Ang at Pineda na sa pakiwari ng marami ay mga tinaguriang “King Makers” particular na ngayong panahon ng eleksyon.

Para sa inyong lingkod, sadyang kawawa ang mga taong maiipit sa gitna ng giyerang ito sa pagitan nina Double A at Doce.

Paanong hindi, kung baga, mga legal na awtoridad mula sa pulisya at militar ang mga umaaktong bodyguards at mga tauhan nina Atong Ang at Bong Pineda.

May kasunod…

Abangan!

***

PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com