Advertisers
GINAGAMIT na panindak ng grupo ng mga iligalistang sangkot sa iligal na pasugal at droga ang mga kuhang larawan ni Presidential daughter Sara Duterte para malaya ang mga itong makapaglatag ng mga pasugalan sa mga lalawigang sakop ng Metro-Manila, CALABARZON, REGION 2, Region 3 at MIMAROPA.
Habang naghihigpit ang pamunuan ng militar at pulisya na umiwas sa hayagang pagtangkilik sa partikular na pulitiko ay malaya naman ang mga iligalista sa kanilang pamumulitika para maisulong ang kanilang labag sa batas na hanapbuhay.
Sa kanilang direktiba sa mga opisyales at miyembro ng kasundaluhan at kapulisan ay ipinagdidiinan na bawal ang partisan politics.
Sina Armed Forces Chief of Staff , Gen. Andres Centino at PNP Director Gen. Dionardo Carlos ay nagbabala din sa kanilang mga tauhan na lalapatan ng kaukulang parusa ang mapapatunayang hayagang tumatangkilik sa alinmang kandidato, mapa-administrasyon man o oposisyon kaugnay ng paparating na halalan.
Palibhasa ay mga ilegalista, ang grupo ng operator ng peryahan na pulos sugalan (PERGALAN) at mga jueteng o Small Town Lottery (STL) bookies operator ay nagtayo ng isang asosasyon para maproteksyunan ang kanilang illegal gambling operations.
Tinatawag na Perya and Bookies Industry Association of the Philippines (PBIAP),ang nasabing samahan ay itinatag ng may 15 katao na nakakuha ng kanilang mga tagasuporta sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon ( CALABRZON), mga lalawigan sa Region 3 na binubuo ng probinsya ng Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, Bataan , Zambales at Aurora.
Nakapagrecruit din ang founding members ng mga naturang iligalista ng kanilang mga miyembro sa mga lalawigan na sakop ng Cagayan Valley Region na kinabibilangan ng mga lalawigan ng Batanes, Cagayan, Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya,kasama rito ang mga siyudad ng Tuguegarao, Cauayan, Ilagan, and Santiago.
Ang mga puwesto ng mga perya-sugalan ng PBIA ay matatagpuan sa bayan ng Noveleta, sa lalawigan ng Cavite, Brgy. Quilib at San Carlos sa bayan ng Rosario, na lahat ay pinatatakbo ng mag-inang alias aling Mely at Noemi at mga Brgy. Subukin, na minamantine ng isang alias Jocy, Brgy. Tipaz na pinatatakbo naman ng isang alias Danny Bakla, parehong nasa munisipalidad ng San Juan, pawang sa lalawigan ng Batangas.
May mga iligal na pasugalan din sa Brgy. Sta Maria, inooperate ng isang Larry Bokbok at sa Brgy. San Pedro, na pinamamahalaan ng isang alias Liza kapwa sa Sto Tomas City at sa Brgy. Kawit ng bayan ng Taal sakop din ng probinsya ng Batangas at minamaneobtra naman ng isang alias Beth.
Nito lamang Sabado ay iniulat na ng inyong lingkod kay Batangas PNP Provincial Director, P/Col. Glicerio Cansilao ang operasyon ng mga naturang PERGALAN sa kanyang hurisdiksyon at tiniyak naman ng ating butihing PD na kanya itong aaskyunan.
“Lalansagin nating lahat ang mga ito lalo na yaong nasa Brgy. Quilib at San Carlos”, ang pagtiyak pa ni Col. Cansilao.
Ang iba pang mga pwesto ay nasa Brgy. San Isidro sa Taytay, Rizal na pinopostehan ng isang alias Cris at alias Junjun Mustica, Brgy. Lankiwa sa Biñan City, Laguna, na inooperate nina alias Atieza at ng bogus na tabloid reporter na si alias Mistica.
Marami din mga pasugalan na pinatatakbo ng umaaktong interim PBIA President na alias Evelyn sa mga probinsya ng Rizal at San Pablo City, Laguna.
Sa mga sunod-sunod na pagpupulong ng grupo, ay nakauto ang mga ito ng ilang guest na cabinet member para dumalo sa kanilang mga serye ng meeting.
Kabilang din sa naging panauhin sa meeting na pinamunuan nina alias Manay Evelyn at alias Aling Mely ay si DILG Under Secretary for Barangay Affairs Martin Diño, at ilan pang undersecretaries na di natin kusang binanggit ang mga pangalan.
Higit sa lahat pati na si Davao City Mayor Sara “Inday” Duterte na ngayon ay Vice- Presidential aspirant ay nagoyo din ng nabanggit na grupo para maging panauhin pandangal. Naganyak pa ng mga ito ang Presidential daughter na magpakuha ng mga larawan, kasama ng mga nasabing mga lider ng kailigalan.
Ang mga larawang kuha ng mga iligalistang PBIA kasama sina Mayor Inday, ang ginagawa ngayong panakot nina alias Evelyn at Alias Aling Mely para sapilitang makakuha sila ng pwesto para sa kanilang mga iligal na pasugalan. Kung saan maraming drug addict ay doon ang mga ito naglalatag ng pergalan.Pinaniniwalaang ang mga tauhan din ng mga naturang iligalista ay siya ring shabu supplier sa mga suki nilang magsusugal.
Mukhang di makapalag sa mga nasabing iligalista ang mga PNP Regional Director tulad nina PBGen Antonio Yarra ng RD4A, PBG Mathew Baccay RD 3, PBGen Felipe Natividad, NCRPO,at PBGen Steve B. Ludan-RD 2.
Halatang takot kina alias Evelyn at alias Aling Mely ang mga nabanggit na PNP Regional Director lalo na kapag ipinakikita na sa kanila ang mga litratong kasama ng grupo ang Presidential daughter.
Ngunit ang di alam ni Inday Sara ay palihim na sumusuporta ang nasabing asosasyon sa mga opposition candidates.
Parang nadidal si Inday Sara ng mga pergalan operator, palibhasa bukod sa sakla, drop balls, beto-beto, cara y cruz, ay paborito ding pasugal ng naturang grupo sa kanilang mga pwesto ay ang napakadayang didal! Hehehe…
***
Para sa komento:CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.