Advertisers

Advertisers

DUWAG PALA SI GENERAL YARRA?

0 605

Advertisers

MARAMI ang nagtataka sa mga body language ni PNP Region 4A Director, PBGen Antonio Yarra, kabaligtaran ngayon ang mga ikinikilos nito sa dating matikas, matatag at matapang na heneral ng Quezon City Police District.

Aaminin natin na maging ang inyong lingkod ay napabilib ng PMA Sambisig Class 1991 graduate na heneral. Para mahirang na pinuno ng isa sa premyadong lungsod at dati pang capital city ng bansa ay hindi basta-basta ang angking katangian.

Kapag pinuno ng QCPD ang isang police officer, tiyak na isa ito sa mga PNP official na may maningning na record, tinitingala ng kanyang mga kapwa at bihira ang makapapantay o makakahigit pa ng katangian.



Hindi na mabibilang sa ating mga daliri ang mga PNP top brasses na ang naging puhunan ay ang pagiging QCPD Chief, at nang lumaon ay tumaas ang pwesto hanggang sa naging PNP Director General.

Isa sa mga ito ay si retired PNP Director Gen. Guillermo T. Elezar na kung gagabayan ng tadhana at sususportahan ng sambayanang Filipino ay nakatakda pang maging senador ng bansa sa darating na May 9, 2022 election.

Ngunit sa ating pananaw ay tila malayo na ang pagitan, kung paghahambingin pa natin sina General Eleazar at General Yarra.

Ating uulitin, ang pagkakakilala ng inyong lingkod ay talagang matapang, matikas at matatag nga si General Yarra.

Sa katunayan nang nasa QCPD pa nga siya ay di ito napatinag sa kanyang paninidigan na ipatupad kung ano ang tama at naaayon sa batas.



Sa katunayan pa noong October 2021, sa kabila ng banta na ipaghaharap ito sa Office of the Ombudsman ng patong-patong na mga kaso ng Globaltech Online Corporation ay di umobra kay heneral ang mga pagbabanta laban sa kanya.

Iniutos noon ni DD Yarra sa kanyang mga tauhan na arestuhin ang mga kawani ng Peryahan ng Bayan (PnB) na pinamamahalaan ng GlobalTech Mobile Online Corporation kaugnay sa kampanya nito laban sa iilegal gambling.

Sang-ayon naman sa abogado ng Globaltech ay direktang nilabag ni General Yarra ang karapatan ng naturang kompanya na ipagpatuloy ang kanilang operasyon.

Katwiran pa ng Globaltech management ay may proper identification ang kanilang mga tauhan na nangangasiwa sa palaro kaya’t hindi maituturing na illegal gambling ang kanilang operasyon.

Napakarami pang alegasyon, katwiran at inungkat na batas ang tagapamahala at abogado ng Globaltech para bigyang daan ang anila ay ligal na pag-ooperate nila ng pasugal sa Quezon City.

Sa kabila ng lahat, ay di nga nabago ang paninidigan ni General Yarra. Para sa heneral, “The law is harsh, but it the law” (Dura lex, sed lex) at kailangang sundin at mangibabaw.

Hindi natin personal na kakilala o kaibigan man si General Yarra, ngunit talaga namang napahanga nito ang inyong lingkod sa kanyang katatagan.

Akala natin ay isang PNP Director Genera Eleazar o isang P/Maj.Gen. Elesio DC Cruz, in the making si General Yarra. Ngunit tila nagkamali yata ang inyong lingkod?

Parang bigla itong nangupite, naduwag at kung ihahambing sa isang pet dog ay puro lang kahol, ngunit di naman nangangagat, puro lamang salita ngunit kulang na sa gawa, nang maluklok na PNP Region 4A Director.

Ang nangyari pa ay taliwas, sa halip na “No Take” ang kanyang mga pulis laban sa vice operator, marami sa mga ito ay puro take and take, at kalimitan pa nga sa nakokotongan ay gambling operator na at drug maintainer pa? What is really happening general?

Nagpipista ngayon ang mga tahirang gambling/ drug maintainers tulad ng isang alias Junjun Mistica. Si Mistica ay nakapaglatag ng mga peryahan na pulos sugalan (PERGALAN) sa bayan ng Taytay sa lalawigan ng Rizal at Brgy. Lankiwa sa Biñan City, Laguna kasosyo nito ang isang Atieza.

Kabado si Gen. Yarra,na mag-alburuto si alias Mistica pagkat may litrato itong ipinagyayabang na kasama si Vice Presidential daughter, Sara “Inday” Duterte na ngayon ay vice presidential aspirant.

Ang mga larawan din ni Inday Sara ang ipinagbabanduhan ng asosasyong itinatag ng mga magpeperya na pinamumumuan ng mga matronang sina alias Evelyn at Aling Mely, at mga jueteng operator sa CALABARZON, REGION II, III, METRO-MANILA AT MIMAROPA. Gusto ng mga itong maging legal ang labag sa batas na sugal.

Ngunit hindi man mangyari ang kanilang kagustuhan ay lantaran din ang mga pasugalan sa Noveleta, Cavite, Brgy. Quilib at San Carlos sa bayan ng Rosario, na lahat ay pinatatakbo ng mag-inang alias aling Mely at Noemi at tila nganga lang dito si Gen. Yarra?

Sa mga Brgy. Subukin, ay isang alias Jocy at Brgy. Tipaz, parehong sa bayan ng San Juan, Batangas ay isang alias Danny Bakla naman ang itinurong nagpapasugal at drug pusher pa.

May mga iligal na pasugalan din sa Brgy. Sta Maria, inooperate ng isang Larry Bokbok at sa Brgy. San Pedro, kapwa sa Sto Tomas City ay isang alias Liza ang operator ng perya-sugalan na may shabuhan.

Samantala, sa Brgy. Kawit ng bayan ng Taal sakop din ng probinsya ng Batangas ay minamaneobtra naman ng isang alias Beth ang sugalan na may tingian ng shabu.

Bukod sa talamak na operasyon ng pergalan ay parang kabute ring nagsulputan ang mga operasyon ng jueteng na lalong kilala bilang Small Town Lottery (STL) bookies lalong-lalo na sa Sto Tomas City, Batangas.

Ang mga jueteng operators doon na sina Lito ng San Francisco, Alex ng San Roque, Rolly ng Sta Maria, Ollie at Diego ng San Pedro, Marlon at Aurelio ng Brgy. San Pablo, Rodel at Luis ng Brgy. San Vicente at Tabiao brother alias Kambal ng San Felix.

Pinaka-notoryus sa grupo ng Batangas-based jueteng operator ay isang alias Willy Bokbok na kumikilos sa lahat na barangay ng Nasugbu at itinuturo pang supplier ng shabu at gunrunner sa nasabing munisipalidad.

Samantala ang mag-asawang alias Hadjie at Aiza ng Brgy. San Jose, Lipa City ang hari at reyna ng jueteng sa Lipa City, pawang sa lalawigan ng Batangas. Itutuloy…

***

Para sa komento:CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.