Advertisers
MAY posibilidad nga, mangyayari nga ang laging pangamba na magpapatuloy, mangingibabaw ang higantihan, alitan at kaguluhan sa bansa, ito ay kung isa kina Vice President Leni Robredo at dating Sen. Bongbong Marcos Jr. ang mananalong pangulo sa darating na eleksyon sa Mayo 9.
Paano nga, imbes na ituon ang pansin sa mga problema ng bansa, ang matagal nang iringan, batikusan sa panig ng Pula at ng Dilaw/Pink, ay hindi na matatapos.
At kaylaking perwisyo na ang naidulot nito sa mamamayang Pilipino sa loob ng mahigit nang 35 taon.
Ang pangambang ito ay maraming ulit na sinabi ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso – na laging sinasabi niya, kung nais natin ng kapanatagan, kung gusto natin na wakasan ang alitan at nang maging tuloy-tuloy ang pagharap sa maraming problema ng bansa, ng perwisyong dala ng pandemya, ng sunod-sunod na kalamidad at krisis sa kabuhayan, at maiahon ang milyon-milyong pamilyang Pilipino sa dusa at kahit paano ang guminhawa, siya, sabi ng kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko ang pagtiwalaang ihalal na pangulo sa darating na eleksiyon.
“Naririto po ako, available ako, iniaalay ko ang sarili ko, utusan nyo ako, gagawin ko ang lahat, higit pa sa aking makakaya, kapanatagan, kapayapaan, buhay at kabuhayan ang ibibigay ko at ipaglilingkod ko sa inyo.”
‘Yan ang laging pangako ni Yorme Isko.
Pero ang babala, kung si Marcos, kung si Robredo ang mapulsuhang manalo, nangangamba si Yorme Isko, hindi na matatahimik ang mamamayang Pilipino.
Hindi lang ilang beses na nangyayari ang batuhan ng mahahayap na salita, palitan ng nakaiinsultong tawag sa isa’t isa ng mga maka-Leni at maka-BBM sa social media, sa mga debate at karaniwang pag-uusap.
Pinakahuling insidente ang sigawan, kaguluhang nangyari sa pagtatagpo ng dalawang kampo sa isang mall sa Makati City.
***
Sa social media, nagliliparan ang mga salitang “Bobo ka,” “Magnanakaw ka rin!” at mga katulad na salita ng pag-insulto ang lagi nating naririnig, nababasa, nakikita sa mga rally, kampanya at kahit sa karaniwang palitan ng parunggit sa iba-ibang social media platform.
Kaya, hindi nakatiis na magkomento sa kanyang Facebook post si Yorme Isko – patungkol sa awayan ng “Reds” at ng “Yellows/Pinks.”
Pula o Red ang opisyal na kulay ni Marcos; dating Yellow na ginawang Pink ang opisyal na kulay ni VP Leni na kandidato ng Liberal Party, ng pamilya Aquino.
“Tulad nga ng nasabi ko, hindi titigil ang awayan at higantihan ng pula at dilaw/pink. Hindi po tayo papanatag at uunlad,” sabi ni Isko sa kanyang Facebook post.
Alam ng lahat na matindi ang away politika ng pamilya Marcos at pamilya Aquino na nauwi sa pagpapatalsik sa dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at ang pamamayani ni dating Presidente Cory Aquino.
Sa loob ng mahigit na tatlong dekada, hindi napanatag ang bansa sa alitang politikal at pansariling interes ng pamilyang Aquino at Marcos, at nagpapatuloy ito ngayong halalan.
***
Si VP Robredo ang bagong mukha ng Aquino at si Bongbong sa tangkang pagbabalik ng pamilya Marcos sa kapangyarihan.
Ilang ulit nang sinabi ni Robredo, tanging nais niya sa pagtakbong pangulo ay upang pigilan ang pamilya Marcos at siya nga ay todong sinusuportahan ng pamilya Aquino, mga kaalyado at malalaking politiko at mayayamang oligarko.
Ang pangamba na maghihiganti ang mga Aquino gamit ang masunuring si Robredo laban sa mga Marcos ay lantad na katotohanan, at mangyayaring gaganti rin ang mga Marcos sa lahat ng kakampink ng mga Aquino ay katotohanan ding mangyayari, sinoman sa kanila ang manalo.
May tanging alternatibo, may iisang solusyon upang hindi na maulit pa ang ‘delubyo’ ng politikang patuloy na naghahati at nagwawasak sa ating bansa.
Itakwil, ‘wag hayaang isa man kina Marcos at kakampink na Aquino na kinakatawan ni Robredo ang magwagi sa eleksiyon sa Mayo.
Peace of mind, kapanatagan, maayos na buhay at kabuhayan at katiyakan ng mabilis na pagbangon mula sa lugmok na krisis sa ekonomya ang iniaalay ni Yorme Isko.
At hindi lang pangako ang alok ng pambatong pangulo ng Aksyon Demokratiko, sabi nga’y may pruweba na, may patunay na kongkretong resibo ng maayos na pagpapatakbo sa gobyerno.
Maayos at murang pabahay, mayroon na sa Maynila: Tondominium, Binondominium, at iba pang proyektong bahay sa mga kapos at walang-wala.
Trabaho, naririyan ang maraming infra projects sa itinayong pabahay, ospital, paaralan, COVID-19 Field hospital, maaayos na kalsada at parke, renovation ng Manila Zoo at iba pa.
Libo-libong buhay ang nailigtas ng maagap na kilos laban sa pandemya – na nakinabang din kahit hindi Manilenyo.
Konkretong plano sa pagbangon ng agrikultura, tulong sa mga negosyo, pagpapalakas ng depensa militar ng bansa; ayudang walang hinto upang mapagaan ang buhay ng biktima ng pandemya at kalamidad, at marami pang serbisyong maayos sa Pilipino.
***
Ayaw na natin sa magulong buhay; nais natin ang maayos at matinong pagbabago sa gobyerno.
Nais natin ng mabilis na aksyong nakita ng lahat na nangyayari sa Maynila, at walang tatanggi sa alok ni Yorme Isko na gagawin din niya ito sa maraming lugar sa bansa.
Ang asensong nakikita sa Maynila, dadalhin niya sa buong bansa.
Kapanatagan, hanapbuhay, matatag na kabuhayan, sino ang aayaw?
Maiba naman: Tanging si Yorme Isko ang magbibigay ng naiibang ganda ng buhay at kabuhayan na inaasam nating lahat.
Ipanalo na natin ngayong eleksiyon si ‘Presidente Isko Moreno.’
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.