Advertisers
HINDI perpekto ang mundo, inamin ni Aksyon Demokratiko presidential bet Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, kaya sa ngayon, mahirap na tuluyang malutas ang isyu ng korapsiyon sa gobyerno.
Pero kung may tao siya na masangkot sa katiwalian, kung siya ang pangulo, tiniyak ni Yorme Isko na pananagutin niya sa batas nang hindi pamarisan.
Gusto nga niya, sabi ni Yorme Isko na wala nang korapsiyon, pero sa ngayon, mahirap pang mangyari iyon.
“We want to create a perfect world. But we know for a fact, here is no perfect world. Sabi nga ng teacher ko, ‘you cannot solve corruption. And the only way for corruption to die is to limit human discretion in government transactions,” sabi ni Yorme Isko sa media sa isang kampanya sa Tanza, Cavite kamakailan.
Sa kampanya naman sa Bacolod City, hiniling ni Yorme Isko na kailangang maiba naman ang pamamahala sa bansa – isang bansa na walang awayan at walang higantihan.
Kung siya ang pipiliing pangulo, tatapusin niya ang away politika at handa siyang ibigay sa mamamayang Pilipino ang isang maaasahan, masasandalang gobyerno.
“Bigyan natin ng pagkakataon ang ating bayan magkaroon ng gobyernong tatrabahuhin ang kinabukasan mo. Iba naman ang piliin natin,” sabi ni Yorme Isko sa mahigit na 15,000 tao sa rally sa Bacolod Public Plaza, Huwebes ng gabi.
“Di pa huli ang lahat mga kababayan, huwag tayo magpadalos-dalos, I get things done. May awa ang Diyos,” paalaala ni Yorme Isko na ipinangakong uunahin ang paglutas sa problema sa gutom, trabaho, inhustisya at isusulong ang industrialisasyon ng buong bansa. (BP)