Advertisers

Advertisers

MAG ISIP – ISIP

0 1,699

Advertisers

ILANG tulog at gising na lang heto na ang pagbabasbas ng taong bayan sa kung sino ang karapat dapat na maging lider ng bansa. Maselan ang gawain dahil ang kinabukasan ng bayan at mamamayan ang nakataya. Hindi kailangan magmadali sa pagpili, ang mag-isip isip mula ngayon hanggang sa umaga ng Lunes Mayo 9, na kung sino ang tunay na babasbasan upang magsilbi ng tunay para sa lahat ang siyang dapat piliin. Ang pagharap sa hamon ng kinabukasan lalo’t galing ang bayan sa maraming pagsubok mula pandemya, malalakas na bagyo, pagsabog ng bulkan at maging ang trahedyang gawa ng tao. Ilan lang ito sa haharapin ng susunod na lider. Hindi pa binabangit ang kabuhayan ng maraming Pilipino na hindi na kumilos mula ng pumasok ang pandemya at liderato ng bansa galing ng Dabaw.

Dama ni Mang Juan kung sino sa mga naglapitang mga pulitiko ang karapat dapat bigyan basbas. O baka sadyang nililito sa dami ng mga bayarang tagasunod na ang kandidatong dala ang iboto dahil dala nito ang programa para sa mamamayang may pangangailangan. O sadyang may napili na ngunit bukas pa rin ang isip at puso sa mga pagkakataon na may makausap na nagpapaliwanag ng mahusay ang mga usaping bayan, na handang magpalit. Marami ang nasa ganitong kondisyon na may napili ngunit ‘di sarado sa posibilidad na magpalit. Nariyan ang usapin may iaabot na halaga ngunit hindi tuwiran na magbabago ang napipisil na ihalal. Ngunit, kung naipaliwanag ng sapat ang mga pros & cons ng bawat kandidatong humihingi ng boto ang ‘di malayo na magpalit. Masakit sabihin ngunit talamak sa baba ang pag-aabot ng konting halaga sa maliliit na manghahalal ang pangunahing panghikayat ng tiwaling mga pulitiko para mahalal ito.

Sa tuwirang karanasan, masasabing humihigpit ang laban ngunit hindi pa tapos ito sa regudon ng mga manghahalal sa kadahilanang maraming maka Boy Pektus ang lumilipat sa panig ni Leni dahil naliwanagan. Silip ito sa antas ng mga lokal na lider na nagpalit ng dalang kandidato kahit walang kapalit na pera upang masiguro ang panalo sa antas na ilalaban. Hindi mahalaga ang halagang iaabot dahil batid ng mga lokal na lider na pansamantala lamang ito na makuha sa darating na panahon. Nariyan ang gamit na terminong naumpog sa katotohanan at hindi sapat ang abot sa layon para sa kinabukasan.



Marami ang nagsasaad ng ganitong karanasan na nakakatayo ng balahibo dahil sa kung isa ka sa nagpipilit na magmulat ng mga manghahalal, ang maka-isa, dalawa o tatlong botante ang napabaling mo sa hanay ng iyong linya, mapapabuntong hininga ka sa sarap ng pakiramdam. Mabisa ang maayos na pagpapaliwanag sa kontra sa diskarteng bayaran sa pangungumbinsi, sapagkat sa puso ang tama at ‘di sikmura. Nariyan ang mga manghahalal na tumatangap at dumadayo kung saan may abutan ng kaperahan, subalit pera – pera lang at walang personalan.

Sa hanay ng mga manghahalal, nabatid na marami ang pabor kay Boy Pektus higit sa simula ng kampanya. Ngunit sa pagdaan ng mga araw, linggo o buwan, marami ang bumaliktad dahil sa pangungumbinsi ng mga anak na pabor sa naghahanap ng tunay na pagbabago. Hindi madali ang pinagdadaanan ng mga bata, ngunit sa maliit nitong paraan lalo’t may yakap na kalakip, ang pagpalit ng ibig ihalal ng magulang ay nagaganap. Masasabing maliit ito, subalit sa dami nito ang nagdadala ng panghihikayat sa loob ng mga tahanan na nagpapalakas sa kandidatura ni Leni Robredo…

Bigyan natin ng laman ang nabangit sa itaas ng mga maliliit na tagumpay sa kandidatura ng abalang pangulo. Ang liham ng isang anak na nalungkot sa hakbang ng ina na dating senador na pumanig sa grupo ni Boy Pektus, bilang isa sa kandidato nito sa senado. Hindi inakala ng bata na ang inang may mataas na prinsipyo ay papanig sa bulaang kandidato.. May pitik sa puso ang liham ng bata na kung bakit ang ina ay sumama sa panig ng Inutile ganung batid nito ang nakaraan ng sinamahang grupo. Hindi na palalalimin bagkus ang kurot ng liham ang siyang masakit na katotohanan na marami sa kabataan ang gising sa katotohanan. At ito’y isang maliit na tagumpay sa hanay ng kalimbahin. Ang isinantabi ng ina ang nararamdaman at nakikita ng anak sa ngalan ng pulitika‘y isang mapait na kaalaman para sa magulang.

OO, maaring manalo ngunit malaki ang sugat nito sa inang pumanig sa ayaw ng anak dahil sa nakaraan. Sa isang banda, malaking tulak ito sa kandidatura ng abalang pangulo, na kahit sa hanay ng mga anak ng mga katunggali sa pulitika naniniwala ang mga ito na malinis ang nakaraan ni Leni. Ang sulat ng anak ang sugat na matagal maghihilom sa puso ng ina kahit ito’y manalo pa. Ang maling pagpanig sa buktot ang maling kilos na nagpadala sa damdamin ng anak.

Pangalawa, ang usal ng anak sa ama sa isang lalawigan sa kabisayaan. Ang ama’y tunay na maka Boy Pektus sa simula pa lang. Batid na malakas ang grupong Inutile at handa ito na isama ang sarili. Sa isang hinga ng anak na mag-isip isip ang ama at unahin ang bayan bago ang sarili ang pumitik sa puso nito na magbago ng tindig at inilipat sa kalimbahin ang tayo. Hindi na kailangan isiwalat ang ngalan ng politikong nagpalit ng tindig dahil sa maliit ngunit malakas na pakiusap ng mahal nila sa buhay. Sa totoo lang ang mga maliliit na boses ng mga kabataan ang dumudurog sa puso ng magulang lalo’t para sa bayan ang pakiusap. At tunay na walang matigas na bato ang hindi mapipino sa pagsamo ng mahal sa buhay.



Pangatlo, ang sulat ng isang anak na humihingi ng paumanhin sa bayan at mamamayan sa mga nagawa ng sundalong ama ng kapanahunan nito bilang puno ng sandatahang lakas. Halos kasing tikas ito ng dating diktador ng nasa panunungkulan. Batid ng anak ang maraming nagawang kamalian ng ama. Ang pagsulat at paghingi ng paumanhin sa nagawa ng ama’y patunay na may mga naganap na kamalian sa panahon ng diktador. At sa panahong ito na naglabasan ang mga liham, patunay na dala ng sanlumikha ang kandidatura ni Leni Robredo. Ang maliliit na tagumpay sa loob ng mga tahanan ang patunay na nanunuot sa kalooban ng mapagmahal sa bayan ay nangangailangan ng tamang liderato. Ang pagpanig sa maling grupo’y pag-ayon sa madilim na kinabukasan. Ang mismong mga anak ng mga lider ng bansa na gising at gumigising kay Mang Juan ang tunay na sukatan na ang kalimbahin ang tama para sa bayan. Gumising bayan, huwag itaya ang kinabukasan ng salinlahi sa barya – baryang pamumudmod ng mga tiwaling politiko.

Ang mga maliit na tagumpay sa mga tahanan ng bata, matanda at mismo ni Mang Juan ang gawing batayan sa pagboto sa Mayo 9. Ang Kalimbahin ang ating dalahin, mula kay Leni Robredo at Kiko Pangilinan at ang mga senador sa panig nito. Mag isip – isip bayan para sa kinabukasan, hindi biro at pera pera ang laban.

Maraming Salamat po!!!