Advertisers

Advertisers

SERBISYO NI GM MONREAL, MAHIRAP PANTAYAN; PAALAM, KAPATID NA CONRADO CHING

0 311

Advertisers

BAGO ang lahat, nais kong magparating ng taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng kasamahan sa trabaho na si Conrado Ching, pangulo ng Bureau of Immigration Press Corps at airport press at nagmamay-ari ng pahayagang Border.

Sa loob ng dekadang pagkakaibigan ay wala tayong maipipintas sa kanya dahil bukod sa masayahin ay mabait ito at matulungin sa kapwa, hanggang sa abot ng kanyang makakaya.

Kaya naman talagang nakalulungkot na mawalan ng isang mabuting kaibigan halos kapatid na rin na kagaya niya. Panalangin namin ang iyong mapayapang paglalakbay sa piling ng Panginoon.



***

Nitong nakaraang linggo ay nagpatawag ng simpleng pananghalian si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal para magpasalamat sa mga miyembro ng airport in-house media na nag-cover sa kanya sa loob ng anim na taon niyang panunungkulan.

Nagmistula na ding reunion ng mga airport reporters ang nasabing okasyon dahil mula magkapandemya ay hindi na kami nagkaroon ng pagkakataon na magkita-kita nang kumpleto talaga kaya nagpapasalamat na rin kami kay GM Monreal para sa nasabing masayang pagtitipon.

Maraming salamat din sa kanyang mga magagaling na opisyal na sina Bro. Jess Martinez, hepe ng media affairs division at Donya Connie Bungag, hepe ng public affairs office, pati na din kina Jason Estras at Jenson Nellas.

Narito ang naging mensahe ni GM Monreal: “Since 1978 hanggang ngayon, andito pa rin ako. Kahit paminsan-minsan tinitira n’yo ko, ok lang sa ‘kin ‘yun. Talagang kasama sa trabaho ‘yun.”



“Talagang ganun eh. The ride was very challenging, it was rewarding. Sana, nakapag-contribute tayo ng konte sa airport kahit paano man lang at sana naman, napagbigyan ko kayo kung nagtatanong kayo. Minsan, hindi pwede sagutin alam nyo naman, minsan may mga isyu na pansarili lang. Sana pagpasensiyaahan ninyo kung me shortcomings pa ‘ko. Maraming salamat ulit sa lahat ng tulong ninyo.”

Para sa mga di nakakaalam, itong si GM Monreal ay 1978 pa nagta-trabaho sa airport, hanggang sa noong 1982 ay kinuha siya bilang station manager ng Hong Kong-based airline company na Cathay Pacific. Nagretiro siya noong 2015 at naging consultant ng MIAA.

Nang ma-appoint bilang GM ng NAIA noong 2016, pinatunayan ni Monreal na karapat-dapat siya sa posisyon dahil nagtrabaho ito nang todo at nilutas ang masamang imahe ng airport bunga ng mga isyung ‘tanim-bala,’ pag-professionalize ng mga tauhan ng airport, pagsasaayos ng airconditiong system sa mga paliparan at ‘pilferage’ o mga bagaheng nananakawan.

Ipinakita din ni GM Monreal ang kanyang kagalingan sa gitna ng Xiamen Air incident noong 2018, nang sumadsad ang isang eroplano nito sa NAIA runway na nagbunga ng flight delays at cancellations na naka-apekto sa libong pasahero.

Sa panahon din niya pumutok ang pandemya, na naging isa ring hamon sa kanyang pamunuan. Para sa kaalaman ng lahat, itong si GM Monreal ay 24/7 ang naging trabaho araw-araw, maging piyesta opisyal at sa gitna ng pandemya.

Kung sinuman ang hahalili sa kanya ay dapat na galingan dahil baka makumpara sa performance ni GM Monreal. Pero malay natin, baka siya pa rin. Sana.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.