Advertisers
NASA mabuting katayuan at sistematiko ang programa na mamanahin ng bagong matatalagang liderato sa Games and Amusements (GAB).
Mismong si GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang nagbigay ng katiyakan na magiging maayos at walang mabigat na bagahe na magiging sagabal sa pagpapalit ng liderato sa pagsisimula ng bagong pamahalaan ng Pangulong Bongbong Marcos.
“Comes June 30 we have to submit our courtesy resignation to give way for the new administration to choose people to lead the agency. Ready na kami, nakaimpake na kami, ready to go. We’re happy na nabigyan kami ng pagkakataon na makapagsilbi sa ating mga atleta at sa professional sports. I think we leave a legacy na maibibida natin,” pahayag ni Mitra sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes via Zoom.
Ayon kay Mitra, halos walang interesadong mamahala sa GAB nang alukin siya noon ng Pangulong Duterte na pamunuan ang ahensiya, ngunit sa limang taong pangangasiwa sa professional sports, malaki ang ipinagbago sa imahe ng GAB bilang produktibong ahensiya at hindi lamang isang regulatory body na nakatuon sa boxing at PBA.
“Nabago natin ang imahe ng GAB. Ngayon, marami nang interesado. Hopefully, yung ma-appoint eh not coming from a certain group na may vested interest. Sana somebody na may puso para sa atleta at sa sports,” aniya.
Iginiit ni Mitra na bukod sa dalawang parangal na naibigay ng World Boxing Council (WBC) sa GAB bilang ‘Commission of the Year’ sa nakalipas na limang taon bunsod nang sinulong na programa na nakatuon sa aspeto ng ‘mental at health’ tulad ng libreng medical test at pagbili ng CT-scan (brain scanner) machine, ipinagmamalaki ng dating Palawan Governor at Congressman ang pagbibigay halaga at paninindigan sa ‘gender equality’.
“With the help of our friends from the WBC and other stakeholders, naisagawa natin ang kauna-unahang WBC Female Boxing Convention. Nadala natin dito ang mga babeng world champion. Nagkaroon ng pro tournament sa babae, thanx to WNBL and Philippine Volleyball League. Nabigyan ng chance ang ating mga babaeng atleta. Giving the women a chance to shine,” ayon kay Mitra sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), GAB at PAGCOR.
“Naisagawa rin natin ang professional sports summit thrice, which was not done before. We’re fortunate and happy na nakapag-host tayong ganitong malalaking event,” aniya,
Tulad ng ibang sektor, naapektuhan din ang professional sports, ngunit iginiit ni Mitra na mistulang naging ‘blessings’ ito sa pro sports dahil mas maraming organization ang nagdesisyon na magpa-sanctioned sa GAB at ang online platform ay naging pangunahing paraan na naging daan para sa paglarga ng online chess gayundin ang E-Sports.
“So far, ang E-sports ang nangunguna sa GAB ngayon. Mas maraming atleta ang nagpalisensiya, mas maraming tournament. But right now, isinusulong namin ang programa na maging balanse ang lahat sa mga e-sports athletes natin. Marami kasi sa kanila, nakakalimutan nang mag-aral pati yung responsibilidad nila sa pamilya,” ayon kay Mitra.
Umaasa si Mitra na mas mapapalakas ang sports sa pagbubukas ng bagong Kongreso bunsod nang pagkakahalal bilang Congressman ng mga sports personalities na tulad ni dating GAB Chairman at swimming champion Eric Buhain.
“With Eric (Buhain) sa Congress, mas mabilis ang proseso dahil may suporta na rin tayo sa Senado dahil nandyan pa rin sina Sen. Joel (Villanueva), Will (Gatchalian), Bong (Go) and Sonny (Angara). With the help of our beloved Senators, nakakuha ang GAB ng additional budget na siyang pinambili natin sa CT-Scan machine at mga ambulansiya,” aniya.
Dalangin ni Mita na maisulong ng bagong liderato ang ‘pension at financial benefit’ sa mga retiradong pro athletes. (Danny Simon)