Advertisers

Advertisers

AMA NG SUV RIDER NA NANAGASA NG SEKYU, DAWIT SA KASONG PAGPATAY SA ISANG TSINOY NOONG 1995?

0 278

Advertisers

NADISKUBRE na si Joel Sanvicente, ama ng motoristang nag-viral dulot ng hit-and-run incident sa Mandaluyong City, ay nasangkot daw sa kasong pagpatay sa isang Filipino-Chinese businessman noong 1995.

Sa ulat ni Ben Rosario ng Abogado.com.ph, isiniwalat daw ni Volunteers Against Crime and Corruption president Arsenio “Boy” Evangelista na si Sanvicente ay nadawit sa sinasabing pagpatay kay Dennis Wong kasunod ng pagtatalo ng dalawa sa harap ng isang ATM machine ng Far East Bank and Trust Company-Katipunan Avenue Branch sa Quezon City.

Ayon kay Evangelista, nakatikim ng ‘karate chops’ at kaliwa’t kanang suntok mula kay Wong ang gunman kaya’t binaril at napatay ang negosyante na kalaunan ay si Sanvicente ang inakusahang salarin.



Sa rekord naman ng Korte Suprema, binanggit na isang Joel Sanvicente ang sumuko na may dalang .45 caliber pistol na ang slugs at basyo ay tumugma daw sa mga natagpuang ebidensya sa crime scene sa FEBTC parking lot noong June 11, 1995.

Sinabi ni Evangelista na ang Joel Sanvicente na kinasuhan sa pagpatay kay Wong at ang ama ni hit-and-run case suspect Jose Antonio Sanvicente ay iisa.

Habang isinusulat ko ang kolum na ito, wala pang kumpirmasyon ang mga imbestigador ukol dito.

Magugunitang iniharap sa media ng Philippine National Police si Sanvicente, mahigit isang linggo matapos sagasaan ang sekyu na si Christian Joseph Floralde.

Batay pa rin sa rekord ng korte, ang Mercedes Benz ni Sanvicente ay narekober daw ng mga awtoridad sa Barrio Malapit, San Isidro Nueva Ecija o dalawang araw matapos ang pamamaril kay Wong.



Isang ATM card naman na nakapangalan sa isang Violeta Sanvicente ang natagpuan malapit sa bangkay ng biktima.

Sa kabila ng ebidensya na inilatag ng prosekusyon, nilinis ng mababang korte si Sanvicente makaraan ang 16 buwan na paglilitis nang maghain ng ‘demurrer to evidence’ ang mga abogado ng akusado na pinagbigyan nga ng hukom.

Noong July 25, 1997, pinawalang-bisa rin ng Court of Appeals ang hatol ng Regional Trial Court ng QC sa pagsasabing umabuso daw ito sa kapangyarihan nang absweltuhin nito si Sanvicente.

Para sa prosekusyon, matibay nang ebidensya ang “extrajudicial confession” ni Sanvicente sa kaso.

Iniakyat ng kampo ni Sanvicente ang usapin sa Supreme Court na pumabor sa petisyon, sang-ayon na rin sa naging hatol ni Associate Justice Consuelo Ynares-Santiago ng SC First Division.

Maliban nga rito, sinasabing ang “Exhibit LL” o ang “extrajudicial confession” ni Sanvicente ay idinaan nito sa kanyang abogado na si Atty. Leonardo Valmonte, bagay na ayon sa SC, ay isang “privileged communication” na hindi maaaring gamiting ebidensya.

Sa kasalukuyan, ang kaso naman ng batang Sanvicente ay kasalukuyan nang nasa piskalya.

Kaya hayaan na lang nating gumulong ang katarungan.

* * *

PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!