Advertisers
SI MANG Narding, 80-anyos, umaming ‘kumuha’ ng mangga sa punong siya, sabi niya, ang nagtanim sa lupang pag-aari ng ibang tao.
Agad ikinulong, ibinandera sa publiko ang mukha sa kuhang mug shots, na nakalaya rin nang mag-ambagan ang ilang pulis at private citizens ng pampiyansa.
Dugyot si Mang Narding, walang impluwensiya, walang kilalang senior police officers.
Kungdi nag-viral ang kuha sa pagbundol, at pagsagasa sa isang security guard, baka pangisi-ngisi lang ang umaming suspek na si Jose Antonio Sanvicente at baka patuloy sa pagragasa sa kalye at ulitin ang ginawa sa pamilyadong ‘jaguar.’
Nang tangkaing puntahan ng mga pulis si Sanvicente, di pinayagan ng mga sekyu ng exclusive subdivision.
Mga sekyu ang una pang kinasuhan ng obstruction of justice kaysa sa suspek — na nang sumuko at umaming ‘nataranta’ raw sa pagkasagasa sa sekyu –, sa Camp Crame pa nagpa-presscon.
At courtesy ito ng Punong Hari ng Philippine National Police (PNP): nakadidismaya, nakagagalit!
Sa pagsuko, hindi ikinulong ang suspek, at kung ano-anong teknikalidad sa batas ang ibinato sa publiko sa katwirang kahit ang mga kilalang kriminal ay may karapatan, at ito ang ‘presumption of innocence.’
At lalo pang nagpasindak sa di-parehas na trato sa mahirap at mayaman at maimpluwensiya, ay ang pahayag ni PNP Officer in Charge Lt. Gen. Vicente Danao na kaya tumakas ang suspek, kasi raw, ‘natakot’ at ‘nataranta’ sa pagbundol at kusang pagsagasa — marahil ay para tuluyang mamatay — sa sekyu.
Aminado si Sanvicente sa krimen; sinagot na ng pamilya nito ang lahat ng gastos at danyos — at posible na magkaroon ng ‘amicable settlement’ sa kaso, at ito ay nasa desisyon na ng biktima: na ituloy ang pag-uusig sa korte at tiyaking maparusahan ang aminadong suspek.
Kung magpapa-areglo, OK lang iyon kung sa puso ng sekyung biktima ay mas ikabubuti at ikagiginhawa ng kanyang pamilya.
Iisa lamang ang madalas nating nakikita at napatutunayan: hindi parehas, tunay na may kiling o bias ang batas laban sa walang impluwensiya at mahihirap.
Sa may pera, makapangyarihan, hawak nila ang hustisya na laging panig sa kanila.
Tama ang sabi ng lolo ko: langaw at insekto at maliliit na ibon lanang ang maaaring mahuli at mabitag ng sapot ng higanteng gagamba.
Pero wasak ang sapot at ang higanteng gagamba ay pagkain lamang sa mga ibong tulad ng agila.
Malinaw: Walang katarungan, walang katwiran sa mahihirap at mangmang sa batas na nilikha ng pabor sa may impluwensiya at mayayaman.
Malayo pa, suntok sa buwan na mangyaring maging parehas ang trato ng batas at hustisya sa ating bansa at malabong mangyari ang laging sinasabi na pantay ang mata ng batas sa lahat.
Na hindi pa mangyayari ang sinabi noon ni Presidente Ramon Magsaysay na dapat mas may puso at timbang ang batas na panig sa mahihirap at walang-wala sa buhay.
***
Paani naman ang kaso ng nakapiit na Sen. Leila de Lima — na dating Human Rights Chairperson at Justice Secretary?
Personal vendetta raw ito ng administrasyong Duterte?
Kaya ang hiling ng maraming kakampi ni De Lima, dapat na raw itong palayain kasi, binawi na, umatras na ang ilang testigo laban sa paratang na krimeng nagkamal ang senadora mula sa salaping kinita ng mga drug lords sa Bilibid.
Sabi ni Sen. Ralph Recto at Rep. Edcel Lagman sa pag-atras ng mga testigo, dapat raw palayain si De Lima, ganun?
Batikang mambabatas sina Lagman at Recto, at alam nila, di pwedeng mangyari ito, kasi ang poder na gawin ito — ay wala sa kamay ni Pres. Digong Duterte o ng malapit nang maupong Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ang kapangyarihang palayain si De Lima.
Tanging ang mga hukom na may hawak sa mga kaso ni De Lima ang makagagawa nito — ito ay matapos ang paglilitis at mapatunayang inosente nga ang papaalis na si De Lima na minalas na matalo sa nakaraang eleksyon.
Kabilang mukha naman ito ng hustisya na iba sa kaso ng matandang nagnakaw ng mangga at ng aminadong SUV driver na kinasuhan ng frustrated murder.
Kahit maimpluwensiya, kung ang estado at totoong may matitibay na ebidensiya laban sa akusado, iiral ang parehas na batas.
Pero, kokonti lang ang ganitong pangyayari: mas marami ay kiling sa mas maiimpluwensiya at may pera, kaysa sa totoong mata ng batas ang iiral na panig sa mahihirap na totoong walang sala.
Panahon na nga marahil na baguhin ang justice system sa atin at pairalin ang matagal nang panawagang gawing jury system o sistemang huradong bayan ang gawing paraan ang pag-uusig at paggawad ng hustisya sa mga akusado, makapangyarihan man o dugyot ng lipunan.
***
Wala muna siyang pipiliing Agriculture Secretary sabi ni PBBM, aniya, mas gusto niya na personal niyang hawakan ang paglutas sa problema ng food security ng bansa.
Naniniwala si President Bongbong Marcos, kapag gutom ang tao, konting himok lang, mag-aalsa ang taumbayan.
Ang inhustisya ng kumakalam na sikmura ay nakitang dahilan ng maraming nagtatagumpay na rebolusyon sa maraming monarkiya at emperyo sa mundo.
Ito ang iniiwasan ni Marcos Jr. kaya uunahin niya ang pagpapalakas ng agrikultura, ng produksyon ng pagkain at ang pagpaparami ng pagkaing hayop at isdaan upang sa mga unang taon, mangyari na mapababa niya ang mataas na presyo ng pagkain.
Suportado natin ang planong ito ni PBBM.
Nawa, mangyari ang naisin niyang gawing panatag ang isip ng pamilyang Pilipino na may sapat na kaya-sa-bulsa na pagkain sa mesa natin.
Sa Hunyo 30, kasama kami sa pahayagang ito ng pagtitiwala at panalanging sana nga, ang panawagang “Unity” ng bansa ay makamit natin sa bagong administrasyong BBM-Sara Duterte.
Tandaang iisang bangka tayo, at magkaisa tayong sumagwan para makatawid sa pandemya ng gutom, sakit at kahirapan ang minamahal nating Pilipinas.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com