Advertisers
NAPAKATAAS ng pagpapahalaga ng mga mamamayan sa hanay ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) lalo’t nasa ilalim ito ng pamumuno ni P/Maj.Gen. Eliseo DC Cruz na isa sa pinakamagaling na heneral ng Pambansang Kapulisan.
Hindi rin matatawaran ang liderato at kakayahan ni Gen. Cruz kung kaya’t siya ang nahirang na mamuno sa nasabing sangay ng tapagsiyasat at tagapaniktik ng PNP.
Bago naitalaga bilang CIDG Director ay naluklok muna bilang director ng PNP Region 4A si Gen. Cruz dahil sa napakalaki ng pagtitiwala sa kanya ni dating PNP Dir. General Guillermo T. Eleazar.
Ang naturang rehiyon ay sumasaklaw sa CALABARZON na binubuo ng mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon na may tanggapan sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Laguna.
Ito ang naging daan upang hirangin naman si PBG Cruz ng pumalit kay Gen. Eleazar na PNP Chief Dionardo Carlos para pamunuan ang CIDG na may tanggapan sa Camp Crame, Quezon City.
Kasunod ng kanyang pagkaluklok sa CIDG na kinikilalang premyadong sangay ng kapulisan ay na-promote si PBG Cruz bilang Police Major General.
Bilang pinakamataas na pinuno ng CIDG ay pawang mga eksperto sa larangan ng law enforcement ang itinatalaga ni Gen Cruz sa mga rehiyon, lalawigan at siyudad ng bansa.
Bagamat ika nga ay “crop of the crops” na ang mga hinirang ni Gen Cruz na mga ranking officer upang tumulong sa kanya sa pagpapatupad ng batas ay hindi rin nawawala ang tinatawag na “tupang itim” o mga police scalawag sa kanilang hanay..
Kaya moral responsibility ng mga mamamayan at ng tulad naming mamamahayag, ang makipagtulungan kay Gen. Cruz na maisiwalat ang lisyang gawain ng ilan nitong tauhan na naliligaw ng landas.
Kailangang masugpo ni Gen. Cruz ang protection racket ng isang alias Idolog,Tata Boy at Harry na nagbibigay ng pangit na imahe sa tanggapan ng CIDG sa CALABARZON area.
Kabilang sa raket nina alias Idolog, Tata Boy at Harry ang pananakot sa mga iligalista sa pamamagitan ng paggamit ng pangalan ng ilang police colonel ng CIDG sa Region 4A para sa pangongolekta ng protection money.
Ang kada nagsusuhol o nagbibigay sa kanila ng lingguhang lagay, payola, o intelhencia ay malayang nakapag-ooperate ng iligal na pinagkikitaan tulad ng sugal na jueteng o STL bookies, peryahang pulos sugalan (Pergalan), burikian, paihian at pasingawan, smuggling, illegal mining, quarry at logging, tupada at maging illegal terminal. Ang pinakamatindi pa ay “pumapatong din ang mga ito sa mga nagpapatakbo ng kalalakalan ng iligal na droga sa nabanggit na rehiyon.
Ang mga hindi naman naghahatag sa kanila sa lalawigan ng Batangas ay ipinahuhuli sa ilang kasabwat na mga operatiba ng CIDG. Kaya kahit sangkaterba na ang reklamo laban sa talamak na pa-jueteng ng isang Willy Bokbok sa bayan ng Nasugbu, kayTimmy na nag-ooperate din ng jueteng sa mga bayan ng Mabini at San Pascual at sa mag-asawang Hadjie at Aiza sa Brgy. San Jose, Lipa City ay hindi nakakanti ang mga ito ng operatiba ng CIDG.
Ligtas din sa pambubulabog ng CIDG ang burikian, paihian at pasingawan ng petroleum at liquefied petroleum product na pinatatakbo ng mga Violago sa garahe ng mga tanker sa Brgy. Banay-Banay II sa bayan ng San Jose at mga peryahang sugalan ng isang Mely sa Brgy. Quilib at San Carlos, parehong sa bayan ng Rosario.
May mga pergalan din sina Danny Bakla, Jocy at Jay sa munisipalidad ng San Juan at sakla-patay nina Ronnie at Oying sa halos lahat na 72 barangay sa Lipa City, pawang sa lalawigan ng Batangas, ngunit ligtas din ang mga ito sa kamay ng CIDG.
Umo-orbit din sa lalawigan ng Quezon sina Idolog, Tata Boy at Harry, kaya tuloy-tuloy ang operasyon ng pa-jueteng ng kilala ding STL bookies operator na sina Pando ng bayan Catanauan at Sariaya, Ejay ng Sariaya at Tiaong area, Rayman ng Tagkawayan, Isla S., ng Gen. Nakar at Banong ng Dolores at Tiaong area.
Ang magkasosyong Bobby at Bong naman ay parang na nagnanakaw ng mga kargamentong petrolyo ng mga tanker at capsule truck sa kanilang paihian sa Brgy. Talim, Eco Road, Lucena City at sa Brgy. Lalig sa bayan ng Tiaong sanhi ng bendisyon nina Idolog, Tata Boy at Harry na isang aktibong miyembro ng PNP.
Protektado din nilang tatlo ang operasyon ng illegal logging na talamak sa maraming bayan sa Quezon Province at umaaktong runner ng mga ito ang isang alias Rico.
Samantala kampante naman sa pagpapasugal at pagbebenta ng shabu sina Otso sa bayan ng Gen Nakar at Glenda sa Tiaong, pawang sa lalawigan ng Quezon. Kasaluyang ipinatatayo na din ni Glenda ang isa pa nitong pergalan na front din ng bentahan ng droga sa bayan ng San Antonio ng nasabi ring lalawigan.
Para hindi patuloy na gumuho ang magandang pundasyon ng pangalan ng CIDG, kailangang busisiin ni Gen Cruz kay CIDG Region 4A Commander, P/Col. Marlon Santos kung sinu-sino ang mga opisyales ng CIDG sa CALABARZON na posibleng kakutsada nina Idolog,Tata Boy at Harry. May karugtong…
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.