Advertisers
Tunay na napakaganda ng bagong Ospital ng Maynila na magkakasamang pinasinayaan kelan lang nina Mayor Isko Moreno, bagong Mayor Honey Lacuna at bagong Vice Mayor Yul Servo.
Sa dami ng mga makabagong kagamitan at pasilidad nito, totoo ang sinasabi ni Mayor Isko na talagang pangworld-class nga ang nasabing ospital.
Hindi lamang dahil puro moderno at mamahalin ang mga makina at serbisyong iniaalay sa ospital, kundi dahil inaasahan din na pambato ang serbisyong matatamo ng mga magtutungo doon para sa libreng gamutan.
Matapos dumalo sa nasabing inagurasyon, ang inyong lingkod ay nagtungo sa Century Park para makipagkapihan at makipagkwentuhan sa mga kaibigan.
Doon ay isang table ng mga chairman ang aming nakahuntahan. Anila, pumapalakpak sila sa mga sinabi ni Moreno pero sa loob nila ay nanghihinayang sila, dahil balewala anila ang ganda ng mga pasilidad kung bulok naman ang pamunuan ng ospital.
Lahat sila ay may reklamo bunga ng karanasang kapalpakan sa ilalim ng pamumuno ng director ng nasabing ospital na si Dr. Oliver Laqui.
Ako mismo ay may personal na alam na kwento ng kapalpakan ni Laqui. Isang malapit na pinagpipitaganang beteranong mamamahayag ang lumapit ng tulong dahil tinamaan ng pako ang mata ng kanyang pamangkin.
Mabubulag daw pati ang kabilang mata kapag hindi naoperahan sa loob ng 24 oras. Dahil walang sapat na pera, humingi ng tulong sa Ospital ng Maynila.
Nagulat kami nang malamang lumipas ang magdamag ay walang ginawa sa pasyente. Pinayuhan daw itong magpa-swab sa labas at dalhin ang resulta sa OM bago siya galawin.
Nakapagtatakang sa labas pa pinagsu-swab samantalang laging sinasabi ni Mayor Isko sa kanyang mga pahayag na libre ang swab sa Maynila. Bakit pinagagastos pa ‘yung pamangkin nung mamamahayag at bakit pinalalabas pa ng ospital kung sa OM mismo me swab naman.
Wala daw kasing Philhealth ‘yung pasyente. So, ibig sabihin, ang gusto ng OM, may mahita ang ospital sa pasyente.
Nag-iiyak ang mamamahayag at sinabing mahirap talaga maging mahirap. Inilapit ang kanyang problema sa mataas na opisyal ng City Hall na siyang nag-atas kay Laqui na asikasuhin ang pasyente.
Nang wala pa ding nangyari, ipinaalam ito dun sa mataas na opisyal. Akalain nyo ba na umangal si Laqui bakit daw nagsumbong pa dun sa opisyal?
Kung may nangyari kaya antimano o matapos siyang atasan, kakailanganin pang paratingin dun sa opisyal?
Kung hindi nakialam ‘yung opisyal, siguradong nabulag na nang tuluyan ‘yung pasyente.
Sampol pa lang ‘yan ha. Pamangkin pa ng taga-media. Paano pa kaya kung ordinaryong mamamayan ang lumapit kay Laqui?
Ang dapat na ilagay na director ng ospital na ‘yan ay ‘yung may tunay na malasakit sa mga mahihirap hindi ‘yung ang prayoridad ay kung may mahihita sa pasyente ang ospital o wala o kung may Philhealth o wala.
‘Yung mga tunay na maralita, siguradong karamihan ay walang Philhealth. Ibig sabihin, itsa puwera na sila sa serbisyo ng OM. Haayyy.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.