Advertisers
GAGAWIN ngayon ang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr. na nasa 25 days palang ng kanyang administrasyon.
Pakinggan muna natin kung ano ang kanyang mga plano o programa para sa unang taon ng kanyang anim na taong termino bilang lider ng Pilipinas, na nalugmok sa malaking problema gawa ng magulong pamamahala ng nakaraang administrasyon.
Kaya kesa guluhin nitong mga kaibigan nating aktibista ang SONA ni PBBM, pakinggan muna natin at tandaan kung ano ba ang kanyang mga programa para sa 1st 365 days niya sa Malakanyang. Saka natin siya singilin kapag hindi niya ito natupad. Okey?
Sabi ng kanyang Excutive Secretary na si Vic Rodriguez, si PBBM mismo ang gumawa ng kanyang speech. Pinag-gugulan daw niya ng oras ang mga ilalatag niya sa publiko. Ito raw ay nakasentro sa pagpayabong ng ekonomiya, pagtugon sa Covid-19, at digitalization. Good!
Kaya mga pare’t mare, ngayong hapon, kung wala kayong mga lakad, tutok muna tayo sa radio at TV. Pakinggan natin ng live ang mga sasabihin ng ating Presidente. At bukas naman ay mababasa ng buo sa mga diyaryo kung ano-ano ang mga programa ni PBBM sa kanyang unang taon ng pagiging ama ng bansa. Okey?
***
Hindi ako kontento dito sa inanunsyo ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na magbibigay siya ng P1,000 sa makapagtuturo sa mga benepisyaryo ng P4s na hindi karapat-dapat sa programa ng gobyerno.
Ang tinutukoy rito ni Tulfo ay yung beneficiaries na hindi considered “poor” pero patuloy na tumatanggap ng ayuda mula sa gobyerno. Na kaya napasama sa 4Ps ay dahil “bata” ni Barangay Kapitan, ni Mayor, o kamag-anak ni DSWD officer.
Hindi dapat iasa ni Tulfo sa “informers” ang pagtukoy sa mga “hindi” at “dapat” maging benepisyaryo ng 4Ps. Trabaho ng mga taga-DSWD ang suriin ang status ng mga nag-aaplay sa programa. Dito sila sinusuwelduhan. Mismo!
Kapag itinuloy ni Tulfo ang P1K pabuya sa informers, maari itong samantalahin ng mga may kaya sa buhay. Aba’y sayang ang P1K, dalawang miyembro pa ng 4Ps members ang makikinabang sa halagang ito. Yes! Ang bawat benepisyaryo ay tumatanggap ng P500 kada buwan.
***
Mahigit dalawang milyon ang mga bagong botante na nagparehistro sa Commission on Election para makalahok sa Barangay at SK Elections (BSKE) sa Disyembre 5.
Sa dami ng mga bagong botanteng ito, nagpapatunay na gustong sumali sa darating na halalang lokal, dapat silang pakinggan ng nakararaming miyembro ng Kongreso.
Ilan kasi sa mga mambabatas tulad nitong sina Congressman Martin Romualdez at Richard Gomez, at Senador Jinggoy Estrada at Chiz Escudero ay isinusulong na ipagpaliban uli ang BSKE sa mga rason na sayang ang P8 billion pondo para rito at para raw maghilom muna ang sugat o ang pagkahati-hati ng mga Pinoy sa nakaraang halalan. Sus!
Ang babaw ng mga rason ng mga mambabatas na ito. Nanghihinayang sa P8B eh nakalaan talaga para sa naturang halalan ang pondong ito. Samantalang hindi nanghihinayang sa P100 million sa repair sa stage na pagdadausan ng SONA. Animal!
Remember: 3 beses nang na-postpone ang BSKE sa panahon ni Duterte. Sobrang over staying na ang bgy at SK officials. Tinalo na nila ang Presidente. Animal!
Ituloy ang BSKE sa Disyembre 5. Yan ang nasa batas! At ito ang dapat sundin, Mr. President!