Advertisers
Naghain ng panukalang batas si Sen. Ramon Bong Revilla Jr. na naglalayong bigyan ng 20 porsiyentong diskuwento ang bawat mahirap na Pilipino para sa kaukulang dokumento na kakailanganin sa kanilang pag-a-apply ng trabaho.
Ito ang Republic Act No. 11261 o ang ‘First Time Jobseekers Assistance Act’ na na makakatulong sa bawat mahihirap na kababayan para mapagaan ang kanilang mga gastusin sa pag-aaply ng trabaho na isa sa dahilan kaya tumataas ang bilang ng walang trabaho.
Ayon kay Revilla, lahat ng kompanya maging pribado man o pampubliko ay nangangailangan ng legal na dokumento na kailangang isumite ng mga aplikante mula sa mga ahensiya ng pamahalaan at lahat ito ay may kaukulang bayad.
Kung magiging isang ganap na batas ay mababawasan ng 20% diskuwento ang lahat ng babayaran ng isang mahirap na aplikante sa Barangay Clearance,NBI Clearance, PNP Clearance, Medical certificate para sa local employment mula sa kahit anong government hospital na nasa pamamahala ng Department of Health (DOH).
Kabilang din ang PSA Marriage Certificate, PSA Certificate of Live Birth, Transcript of Records, Diploma, Certificate of Good Moral Character mula sa eskuwela, CSC Certificate ng Civil Service Eligibility, National Certificate at Certificate of Competency na iniisyu ng TESDA at iba pang dokumento na iniisyu ng pamahalaan na kailangan sa paghahanap ng trabaho.
Kailangan lamang umano na magdala ng patotoo mula sa social welfare ng lokal na pamahalaan o opisyal ng barangay ang isang aplikante na isa itong mahirap at ang mga kaanib ng ‘Pantawid Pamilyang Pilipino Program’ ay awtomatikong kuwalipikado na sa panukalang ito.
Samantala, pinuri ng karamihan sa ating mga kababayan ang naging talumpati sa kauna-unahang State Of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (PBBM) sa bulwagan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Pinalakpakan ang bahagi ng speech nito na nagbibigay diin sa mga programang ilulunsad sa agrikultura gaya ng mga programang inilunsad ng kanyang ama, former President Ferdinand Marcos Sr.noong Dekada 70.
Partikular na nabanggit ang Masagana 99 na ginawa namang Masagana 150 ngayon na naglalayong pababain sa halagang bente pesos (P20) kada kilo ang presyo ng bawat kilo ng bigas.
Isa ito sa pangunahing campaign promises ni PBBM sa taongbayan.
Binanggit din ang KADIWA noon na kung saan pinamahalaan ng gobyerno ang pamamahagi at pagbebenta sa murang presyo ng mga pagkain gaya ng gulay, karne ng manok, baboy at baka at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino sa kanilang hapag-kainan.
Ang di lamang napansin natin ay ang NUTRI BAN, isang uri ng masustansiyang tinapay na pinamamahagi noon sa mga pampublikong paaralan para sa mga mag-aaral.
Parang pagbabalik-tanaw tuloy ang naging SONA ni PBBM sa dekada setenta (70s) kung saan magaan pa ang uri ng pamumuhay ng mga Pinoy.
Sariwa pa rin sa ala-ala ng ating mga tatay at nanay ang panahong ito na malimit maikuwento sa atin tuwing magkukumpara ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa ngayon.
Ang nais lamang nating punahin at sadyang hindi maiiwasang talakayin ay ang tungkol sa tila pagbabalik ng mga pasaway sa lansangan gaya ng mga petty criminals gaya ng mga snatchers at hold uppers matapos bumaba sa poder si Pangulong Rodrigo Duterte.
Pansin natin ang tila pagtamlay o pagmamalatuba ng ating kapulisan pagdating sa police visibility sa mga lansangan lalo na tuwing rush hours o pagbuhos ng malakas na ulan kung saan sinasamantala ito ng mga masasamang loob.
Wala tayong makitang mga unipormadong kapulisan tuwing mga ganitong pagkakataon.
Hindi man aminin ito ng PNP, pansin natin ang bahagyang pagtaas sa bilang ng mga petty crimes na nagaganap mula ng buwan ng Hulyo.
Makikita ang sinasabi nating datos sa mga tanggapan ng barangay kung saan unang nagrereklamo at nanghihingi ng responde ang mga biktima.
Batid naman natin na agad itong aaksyonan ng DILG ni Sec. Benhur Abalos lalo na sa pagpasok ng buwan ng Agosto kung saan magbubukas at balik na muli ang face to face classes ng ating mga mag-aaral.
Going back sa naging SONA ni Pangulong BBM,nasalamin din natin ang magandang supporta ng Senado at Kongreso sa liderato ni Pangulong Marcos Jr. base na rin sa body language ng dalawa sa mga namumuno dito na sina Senate President Migz Zubiri at Speaker Martin Romualdez na kapwa close allies ng Pangulo.
Malaking tulong ito para sa speedy recovery ng bansa in terms of our economic normalcy and eventual stability.
Kailangang-kailangan natin ito sa ngayon dahil na rin sa sapin-saping problemang pinagdaanan ng bansa gaya ng pandemya at pandaigdigang krisis sanhi sa pagtaas ng presyo ng gasolina.
So far, passing grade ang ibinibigay natin kay PBBM kung ang SONA nito ang pag-uusapan.
We could hardly see any move at the moment pagdating sa progress dahil alam naman natin na nagsisimula pa lamang ang bagong Pangulo.
In a few months time, marahil ay mararamdaman na natin ang kaibahan at mga pagbabago.
Nananatili tayong positibo sa kasalukuyang liderato na inindorso ng mahigit sa 31 milyong mga botanteng Pinoy.
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com