Mga quarantine facilities sa Zamboanga at mga karatig lalawigan inutil na nga, mistulang koral ng baboy pa
Advertisers
Wala tayong masabi sa isang impormasyong nakarating sa inyong abang lingkod patungkol sa nakapanlulumong sitwasyon umano ng mga government quarantine facilities sa probinsiya ng Zamboanga partikular na yaong nasa mismong Zamboanga City at mga karatig na lalawigan gaya ng Sulu, Basilan, Sulu at Tawi-tawi.
Ano kaya ang masasabi dito ng IATF at DOH at kung bakit ganoon na lamang ka-miserable ang mga facilities na ito considering na may malaking pondong nakalaan dito ang nasyonal at lokal na pamahalaan.
Sa Zamboanga naman, iniulat na ginagawang requirement ng IATF sa nasabing rehiyon ang hotel quarantine sa mga nagdaratingang ROF o yaong mga tinaguriang returning overseas Filipinos kahit pa nga raw negatibo ang mga ito sa PCR SWAB test.
Upon arrival umano sa Zamboanga City ay kinakailangang mag-hotel quarantine ang isang ROF.
Nagkakahalaga umano ang nasabing hotel quarantine ng twenty thousand pesos (P20K) kada ulo.
Parang di ata tama ang patakarang ito na nakikita at naaamoy nating may mga ilang indibidwal na kumikita in the expense of our beleaguered ROFs.
Sa komisyon pa lamang sa mga pribadong hotels na ito ay tiyak nang may nagkakamal ng salapi.
Again, di porke’t galing ng ibang bansa ang mga nagbabalik nating mga OFWs ay may mga kuwarta ang mga itong bitbit pauwi.
Assuming na meron man, di ba dapat sa mga pamilya nila ang nasabing halaga dahil may krisis nga o pandemya.
Bakit kailangang pagastusin ng ganito kalaki. Di ba dapat gawin ng mga LGUs ay tulungan ang ating mga kababayang ito?
Wala na bang konsensiya ang mga lokal na opisyales natin diyan sa nasabing rehiyon pati na rin ang mga regional officials ng IATF?
Mahabag naman kayo sa kalagayan ng ating mga kababayang ito.
Kailangan na sigurong umaksyon ang mga namumuno sa IATF na magsagawa ng modifications sa polisiya nilang pinapatupad diyan sa ZAMBASULTA area.
At kailangan na ring sibakin ang ilang mapagsamantalang opisyal ng IATF sa nasabing lugar.
Imbestigahan ang “hotel quarantine” ekek na yan ng nasabing grupo.
Sa Zamboanga City pa rin ayon pa sa ating sources,mistulang inutil at sadyang walang silbi umano ang mga health centers dito partikular na yaong sa Barangay Campo Islam, San Roque, San Jose, Gusu, Baliwasan at Tabuk dahil bukod sa wala talagang sapat na medical equipment ay wala ring essential medicines.
Kung meron mang pakonti-konti dumarating ay pinipili pa ang pagkakalooban ng gamot gaya ng mga kaibigan, kamag-anak at mga kaalyado sa pulitika.
Nakakatang ina talaga di po ba?
May pinipiling tulungan at ayudahan, ganyan ba talaga kayo diyan sa Zamboanga City?
Kasumpa-sumpa namang opisyo ‘yan!
Bukod sa mga lokal na opisyal ng Zamboanga City, barangay officials, pati mismong mga health workers ang gumagawa ng ganitong katinding diskarte ng palakasan.
Kahit umano paracetamol o mefenamic acid ay walang gamot sa mga nasabing health centers.
Baka kahit kuritas o band aid ay wala ang mga health centers na ito dyan sa Zamboanga?
Wala rin umanong serbisyo para sa Malaria testing kung saan marami sa mga mamamayan doon ang hinihinalang may naturang sakit bukod sa covid-19.
Naninikluhod po kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kababayan nating ito na nabibilang sa poorest of the poor ng ating lipunan.
Parang nagagamit pa ang mga ito upang makapandugas ng salapi ang mga taong nasa poder halip na magserbisyo at tumulong. Di sa mga ganitong napakasamang diskarte napapamura ang mahal nating Pangulo!
Umaakyat ang dugo sa ulo ng ating Pangulong Duterte sa mga ganitong pandurugas na ang biktima ay ang mahihirap nating mga kababayan.
Sabi nga, nakawan mo na yaong mayayaman, wag lamang yaong mga isang kahig at isang tuka nating mga kapwa Pilipino.
Nasaan naman ang konsensiya nyo?
Isa pang nakakanginig ng laman ay ang tungkol sa mga quarantine facilities sa Tawi-Tawi, Basilan at Sulu na mistulang mga kulungan ng baboy.
Sira-sira ang pasilidad, walang tubig at kuryente.
Papatayin na ba natin ang mga pasyenteng dinadala sa mga quarantine facilities na ito?
Porke ba wala silang pera, mahihirap at di nakapag-aaral ay ganito na ang magiging trato ng gobyerno sa kanila. Ang pinakamasakit, pati sa pagkain tatlong beses isang araw ay tinatarantado pa ang mga pasyente.
Kung may pagkain man, delayed na ito ng ilang oras.
Alas nueve (9am) ang almusal, alas tres ng hapon (3pm) ang tanghalian at alas nueve ulet ng gabi ang hapunan.
Makatao pa ba itong masasabi?
Talaga bang mga inutil ang mga lokal na opisyal ng mga nasabing lalawigan?
Take note, nasa Mindanao po ang mga tinutukoy nating mga lugar, lugar mismo ng ating Pangulong Rody Duterte kung saan marami dito ay mga kapatid nating Muslim na di kaila namang mahal na mahal at pinagmamalasakitan ng husto ng Pangulo.
Marami sa mga dumanas ng ganito katinding karanasan ay yaong mga kababayan nating Locally Stranded Individuals (LSIs) mula dito sa Metro Manila.
Alam naman natin na bago pa man ganap na makauwi ang mga ito sa kani-kanilang bayan ay dumaan na ang mga ito sa matinding hirap at pasakit.
Pagdating pa mismo sa kanilang sariling bayan ay mga opisyal pa mismo nila ang papako sa krus sa mga kaawa-awang ito.
May kasunod…
ABANGAN!
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP NO. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com