Advertisers
“VERY STRONG”.
Hindi ito lasa ng alak, kung di, ay ang pananaw ni French Ambassador to the Philippines na si Michèle Boccoz sa mga pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA).
Para kay Boccoz malakas at malinaw ang mensahe sa SONA ni PBBM. Iginigiit ng Pangulo na hindi niya hahayaang maagaw ang anumang teritoryo ng bansa sa mga banyagang mananakop nito.
Ito ang napansin ng French Ambassador, matikas na pahayag ni PBBM hinggil sa kanyang ‘foreign policy’, ang depensa at seguridad ng bansa na ayon kay Boccoz ay taglay rin ng kaniyang bayan, kung saan ang France ay nakatutok.
Kaya nga raw mayroon din silang hanay o ‘fleet’ ng mga barkong pangdigmaan sa Dagat Pasipiko.
“Not a square inch of the Philippine territory being given away,” ang sabi pa ni Boccoz.
Ito raw ay senyales ng magandang kooperasyon sa pagitan ng France at Pilipinas na kanyang inaasahang titibay pa ang samahan.
Inihayag din Boccoz na bukod sa pagtutulungan sa larangan ng seguridad ng bansa, nakahanda rin ang France na tumulong sa Administrasyon ni PBBM sa larangan ng energy, infrastructure, at economy.
Magiging “proactive” daw sila sa mga isyung ito katuwang ang Pilipinas para sa lahat ng mga Filipino.
Natalakay din ni Boccoz ang tinaguriang punto ni PBBM sa kanyang SONA na ang Pinas ay magiging “a friend to all and an enemy to none,” pagkat tinitiyak nito na tayo ay isang mahusay na kapit-bahay o isang “good neighbor.”
Ang France ay isa lamang sa mga bansang pumupuri sa kahandaan ni PBBM na pamunuan ang bansa. Nauna na nang nagpugay ang bansang Amerika sa katauhan ng bagong Ambassador nito sa Pilipinas na si MaryKay Carlson. Hindi lang ang dalawang super power ang nagpugay Kay PBBM, marami pang iba, kabilang na ang China.