Advertisers
P26,000 biil para sa kinain na seafood ng mga turista sa Virgin Island sa Panglao, Bohol? Hanep! Hindi na tayo magtataka na balang araw ang isla ay pag-aari na ng mga vendor sa isla dahil nga sa nabili na nila ito sa paraan pananamantala sa mga turista. Heto lang naman ay kung totoo ang akusasyon.
Kamakalawa ay nag-viral sa social media ang bill o binayaran ng mga turista na dumayo sa isla. Hindi man kapanipaniwala pero may ipinakitang ebidensya o listahan ang mga turista. Grabe ang presyo. Legal na panghoholdap sa mga kababayan natin nagbibigay buhay sa turismo sa bansa.
Isa sa nasa listahan ay inihaw na baby squid na nagkakahalaga ng P1,500 at makikita sa photo naman kung ilan piraso lang ito. Apat na stick na may laman ng tig-dalawang kapiranggot na pusit. Kung titingnan ay wala pang kalahating kilo ito o baka nga one-fourth lang. E magkano lang ang one-fourth nito? Sa palengke dito na sa Metro Manila ha…P200.00 to P250.00 lang ang isang kilos ng baby pusit at ang mahal na pusit ay iyong pang-ihaw na “lumot”.
Heto pa ang mga nasa listahan; Abalone P2,500; isda (sabaw) P1,800; isda (kilaw) P3,000; isda (sugba) P2,500; scallops P3,000; oyster P3,000; squid P2,500; lato P800; baby squid P1,500; urchin P2,300; at saging P900.
Talo pa ang mga 5-star restaurant ha. Mabuti na lang at nakauwi ng buhay ang mga umorder o kumain nito. Ibig kong sabihin, mabuti na lamang at hindi sila inatake sa puso nang makita ang kanilang bayarin. Lamang, hindi na naiulat kung binayaran ba nila ang ganitong halaga o nakipagtawaran sila.
Ano pa man, totoo kaya ang nag-viral na ito? E kung hindi naman, anong mapapala ng nag-post sa social media ng kanilang bill? Sirain ang mga vendor sa isla? Bakit?
Makaraang mag-viral, tama lang ang hakbanging ginawa ni Bohol Gov. Aris Aumentado na pangsamantalang suspendehin ang biyahe sa isla. Hindi muna bibiyahe ang mga motorbanca patungong Virgin island, Panglao. Kawawang mga motorbanca, nadamay tuloy ang kanilang hanapbuhay.
Kasabay ng pagsuspendi sa mga biyahe patungong isla, ipinag-utos na rin ni Gov. Aris ang imbestigasyon sa overpriced seafood sa isla.
Siyempre, ito naman ay para malamang kung may katotohanan ang kumalat sa social media – ang resibo ng mga turista na umabot sa P26,000 ang kanilang kinaing seafood.
Kasiraan din kasi ito sa pamahalaang panglalawigan ng Bohol kung totoo ang overpricing na ito. Akalain mo, matapos na manawagan sa mga kababayan natin na pasyalan ang Bohol, pagkatapos ganito naman ang mangyayari sa mga turista na nagbibigay buhay sa Bohol lalo na mga kababayan natin na naghahanap buhay sa isla matapos na “magutom” sa loob ng halos dalawang taon dulot ng pandemya dahil sa COVID 19.
Salamat po Gov. Aris na ipinakikita niyong concern sa mga turistang dumadayo sa inyong magandang lugar.
Pero, sa gagawin imbestigasyon hindi lang mga vendor ang dapat na isalang kung hindi maging ang grupo ng turista na nag-post sa social media hinggil sa masamang karanasan nila. Ipatawag ang grupo para ituro ang mga nanamantala sa kanilang pamamasyal sa isla.
Kinailangan humarap sila sa imbestigasyon para patunay ang kanilang alegasyon upang hindi na maulit ang pangyayari – wala ng susunod na mabiktima.
Pero ang tanong, totoo ba ang akusasyon? Hintayin natin ang resulta ng imbestigasyon.
Sa bahagi naman ng Department of Tourism (DOT), kanilang pinasasalamat ang mga lokal na pamahalaan ng Bohol at Panglao sa kanilang agarang aksyon.Hindi naman kasi biro ang isyu – nanawagan ang DOT sa mga kababayan natin na buhayin ang turismo sa kalagitnaan ng pandemya pagkatapos…heto naman ang mangyayari sa mga bisita.
Sa Boracay, mangilan beses na kami nagpabalik-balik sa isla pero, patas naman ang lahat.
Pero in fairness ha, wait natin ang imbestigasyon…totoo kaya itong nag-viral?