Advertisers

Advertisers

Pagbili ng mga kailangan ng ahensiya ‘wag nang idaan sa PS-DBM at PITC

0 282

Advertisers

TAMA si Senador Ralph Recto sa kanyang kahilingan kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na ipahinto na ang pagpasa sa Department of Budget and Management Procurement Services (DBM-PS) at Philippine International Trading Corporation (PITC) ang pagbili ng supplies o equipments na kailangan ng mga ahensiya ng gobyerno.

Oo! Ibalik nalang ang dating gawi na ang Bids and Awards Committee (BAC) ng bawat ahensiya ang pagbili ng mga kailangang gamit o suplay ng kanilang tanggapan.

Kasi nga itong DBM-PS at PITC simula nang ibigay sa kanila ang kapangyarihan para sa procurements ng mga kailangan ng bawat ahensiya ng gobyerno ay naging starring na sa taunang Commission on Audit (CoA) Report. Na kung hindi overpriced ang pagkakabili, substandard, hindi kumpleto o kaya’y delayed ang delivery ng mga pinabiling gamit ng isang ahensiya.



Tulad dito sa 2021 CoA Report, nabuking na overpriced, outdated at kulang ang biniling laptops ng DBM-PS para sa mga guro ng Department of Education (DepEd) na nagkakahalaga ng P2.4 billion. Tapos ang kontraktor ay isang construction company, Sunwest, na pag-aari ni Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co.

Noong 2020 CoA Report, nabunyag din na overpriced at expired ang mga biniling personal protective equipments (PPE) ng DBM-PS para sa Department of Health (DoH) na nagkakahalaga ng mahigit P8 billion. Na ang kontraktor, Pharmally, ay ilang buwan palang naitayo na may kapital na higit P600,000 lamang.

Nasilip din ng CoA ang kulang o hindi kumpleto na mga biniling gamit ng DBM-PS para sa PNP noong 2020.

Ganito rin ang mga nasilip ng CoA sa kaso ng PITC.

Sa totoo lang, yumayaman na ng todo ang mga opisyal ng DBM-PS at PITC sa pag-procure sa mga kailangan ng ibang ahensiya ng pamahalaan.



At naniniwala ako, mga pare’t mare, na naghahatag din ang taga-DBM-PS sa namumuno sa ahensiya na ipinapasa sa una ang procurement ng kanilang mga kailangan. Oo! Hati-hati sila dyan! Peks man!!!

Mantaki mo, mga pare’t mare, ang DBM ang nagbibigay ng pondo sa bawat ahensiya ng gobyerno. Tapos ibabalik ng ahensiya sa DBM ang budget para ito ang bumili ng mga kailangan ng ahensiya. Anong kalokohan ito?

Kaya sang-ayon ako rito sa hirit ni Sen. Recto kay PBBM: Tanggalin na ang kapangyarihan ng DBM-PS at PITC sa pagbili sa mga kailangan ng bawat ahensiya ng gobyerno. Ibalik na ang BAC sa bawat ahensiya. At least madali mapanagot ang opisyal ng BAC kapag gumawa ito ng kalokohan. Mismo!

***

Naghain na ng resolusyon sina Senador Alan Peter Cayetano at Koko Pimentel para imbestigahan itong DepEd laptops anomaly.

Malalaman natin dito kung sino-sino na naman ang kumamal ng daan-daang milyong piso sa katiwaliang ito. Abangan!

***

Duda ako sa pagpirma ni Agriculture Usec. Leocadio Sebastian at Sugar and Regulatory Administration (SRA) Administrator Hermenegildo Serafica sa import permit sa asukal nang hindi batid ni PBBM. Hindi kaya nakapag-advance na sila sa importers?

Kalkalin!