Advertisers

Advertisers

SUPORTAHAN NATIN ANG HB 3666 NI CONG. BOSITA; AT P14.7-M HALAGA NG ILEGAL NA DROGA , NAHARANG SA BOC-NAIA

0 350

Advertisers

TAMA lamang at dapat na suportahan, at maging ganap na batas ang House Bill 3666 ( An Act of Enforcing Fair Traffic Apprehension), na inihain ni retired police Colonel, ngayon ay partylist Congressman Bonifacio Bosita.

Bago naging kongresista, naging tanyag si Bosita sa pagtatanggol sa mga motorista, motorcycle riders at driver na madalas ay biktima ng maling paraan ng paghuli o akusa ng paglabag sa traffic violation.

Layunin ni Bosita sa panukala na maproteksiyonan sa malisyoso at maling paghuli, lalo na kung ang intensiyon ay kuwartahan o mapuwersang magbigay ng suhol ang kinakasuhang lumabag daw sa batas trapiko.



Madalas kasi, kahit walang violation, dahil sa quota system at porsiyentong nakukuha ng traffic at deputized enforcer, kahit walang nagawang mali sa kalsada, hinuhuli, tinitikitan at pinagmumulta ang kawawang rider at driver.

Upang makaiwas sa perwisyo – na makuha ang driver’s license o mahatak ang sasakyan o motorsiklo –, ayaw man, nagbibigay ng suhol ang biktima ng mga tiwaling enforcer.

‘Yung iba sa galit, upang makabawi sa tiwaling enforcer, sinasagasaan at may mga pinatay pa!

Ayon sa panukala ni Bosita, kawalan ng sapat na kaalaman at karanasan sa ilang enforcer sa mga batas trapiko ang dahilan ng paghuli o pagmumulta.

Kungdi naman, sa hangad ng ‘quick money’ kahit walang violation, nanghuhuli, at para makahabol sa quota system o maubos ang booklet na paniket na iniisyu ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at ng mga lokal na pamahalaan.



Hangad ng HB 3666 ni Bosita na makabawi sa perwisyo ang tinikitan sa maling paghuli ng mga enforcer.

Isipin nga naman ang abala ng maling paghuli: umaabsent ng ilang araw sa trabaho ang isang nais mabawi ang lisensiya o ang inimpound na sasakyan.
Sa karaniwang driver, nawalan na siya ng kita sa isang araw, nagmulta pa at naperwisyo at nagkaroon ng masamang rekord sa kanyang employer.

Hindi lang aplikado sa aktuwal na pagtupad sa traffic violation ang nais ng panukala kasi kasili rin dito ang tinatawag na ‘No Contact Apprehension Policy’.

Sa maraming natatanggap na reklamo sa MMDA at mga LGU, madalas na mali o kinukusa ang pagpapadala ng mga violations na kinukusang gawin ng mga taong naatasang magmonitor ng aparato sa digital na ‘No Contact Apprehension.’

E, napakalaki pa naman ng multa sa mga paglabag na tunay na perwisyo at napupuwersang mangutang sa 5-6 ang kawawang rider o driver.

Ang nakabubuwisit, pobreng driver o rider lang ang hinuhuli pero pag si mayor, si congressman o si police captain o si judge o piskal ang nagmamaneho o sakay ng lumabag na behikulo, padadalhan ba sila ng notice ng violation gamit ang digital na ‘No Contact Apprehension’?

Sa panukala rin ni Bosita nais na liwanagin ang ilang panuntunan sa ‘No Contact Apprehension Policy’ o NCAP.

Yun lang bang operator o traffic enforcer ang dapat panagutin sa maling paghuli at perwisyong nagawa sa biktima?

Paano ang LGU at ano ang parusa o penalty na maaaring ipataw sa nagkamali?

Kasunod nga ng HB 3666 ni Cong. Bosita na ngayon ay umaani ng napakaraming suporta sa publiko, umaapela rin ang Land Transportation Office (LTO) na rebyuhin ng mga lokal na pamahalaan na nagpapatupad ng NCAP at ang ipinatutupad na lokal na tuntunin sa trapiko sa kani-kanilang lokalidad.

Maging ang mga operator, driver at rider ay umaapela rin sa napakalaking multa sa mga paglabag na sa paniwala ng marami ay mapagsamantala na sa bulsa ng karaniwang mamamayan.

Ayon kay Bosita, tama lang ang magpatupad ng batas trapiko sa layuning magbigay disiplina sa mga gumagamit ng kalsada pero kung ang intensiyon ay gawing bitag para pagkakuwartahan ang di-kinukusang paglabag, iyon ay hindi na nararapat.

Una muna ang pagtulong, pagpapairal ng tamang disiplina at pagtupad sa batas, bago ang paghuli sa layuning ‘gatasan’ ang motorista.

Proteksiyon sa motorista ang panukala ni Riders Safety Advocates of the Philippines (RSAP) partylist Congressman Bosita laban sa mga abusadong traffic at deputized enforcer at sana ito ay mapag-aralang mabuti ngayon ng Kongreso.

Tulad ng alam natin at tungkulin ng batas ay magbigay ng proteksiyon sa publiko at hindi ang gamiting kasangkapan ito sa paggawa ng batas na perwisyo sa mamamayang Pilipino.

Dapat, sabi nga ni Bosita, may puso at pag-unawang makatao ang layon at dapat na intensiyon ng batas.

Hindi ang magparusa at mamerwisyo sa kaawa-awa at karaniwang tao.
***
Kamakailan ay hindi nakaligtas sa matang-agila ng mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) ang tangkang pagpupuslit ng tatlong parsela ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P14.7 milyon.

Ang pagkabisto sa kontrabando ay bunga ng mahigpit na pagbabantay ng mga opisyal ng BOC sa Port of Ninoy Aquino International Airport (NAIA)na ayon kay District Collector Carmelita Talusan ay nakumpiska sa DHL Warehouse .

Itinago ang 300 gramo ng methamphetamine hydrochloride (HCL) mas kilala sa tawag na shabu sa loob ng isang wall sticker, at dalawa pang pakete na may lamang Ecstasy na itinago sa loob ng karton at bed sheets sa Central Mail Exchange Center (CMEC) ng Port of NAIA, ayon kay DC Talusan.

Sa panayam, sinabi ni DC Talusan na matagumpay na nakumpiska sa kontrabando ay bunga ng pinalakas na kampanya ng ‘BOC-NAIA’ laban sa ilegal na droga at sa mahusay na koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at K-9 yunit nito.

Sa kabuuan, nasa P2.04 milyon ang nasakoteng shabu, P8.9milyon ang Ecstasy at dagdag na P3.8 milyong Ecstasy ang nakumpiska sa isang di-idineklarang kargamento, ayon kay DC Talusan.

Kumikilos na ang mga tauhan ni Talusan para madakip ang mga taong nagtangkang magpuslit ng ilegal na droga at masampahan sila ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165, or the Comprehensive Drug Act and RA 10863, at sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Dagdag ni DC Talusan patuloy ang mahigpit na pagmamanman ng BOC-NAIA sa lahat ng kargamento papasok at palabas ng bansa at nananatili ang komitment na mapalakas ang koleksiyon ng buwis, mapahusay ang takbo ng negosyo at proteksiyon laban sa mga ismagler.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.