Advertisers
KUNG noon ay sinasabi ng mga DDS at BBM na hindi na dapat bigyan ng pondo ang tanggapan ni noo’y Vice President Leny Robredo dahil “spare tire” lang naman ito, ngayon nama’y sobra sobrang pondo ang inihirit ng tanggapan ni Vice President “Inday” Sara Duterte-Carpio.
Opo! Ang budget noon ni Leni ay nagsimula sa P428.6 million (2017), tapos naging P543.9m (2018), P663.3m (2019), P699.8m (2020), P900m (2021) at sa huling taon ng kanyang termino ay P702m (2022).
Sa kabila ng kakarampot na pondong ito ni VP Leni ay nagawa parin niyang makagawa ng napakaraming proyekto para sa mga nasa laylayan. Pero binaboy siya rito ng mga DDS at BBM. Nag-aaksaya lang daw ng pera ng taumbayan si Leni.
Pero sa loob ng termino ni Leni ay ginawaran siya ng pinakamataas na grado ng Commission on Audit (CoA) bilang most trusted govt. office noong panahon ng ama ni VP Sara na si ex-President Rody “Digong” Duterte.
Ang pondong ito ni Leni ay wala pa sa kalahati ng pondo ngayon ni VP Sara. Sa kanyang unang taon palang ay humihirit agad ito ng P2,292,035,000 (billion). Wow!
Kung si Leni noon ay kinuwestyon sa kanyang P702 million na pondo sa kanyang huling termino, si VP Sara naman ay pinalakpakan ng mga DDS at BBM sa kanyang higit P2.2 billion para sa kanyang unang proposed fund for 2023. Wala manlang nagreak na “saan gagamitin ni Sara ang napakalaking pondo niyang ito eh spare tire lang siya ng Marcos administration?”.
Bukod sa pagiging VP, si Sara ay binigyan din ng puwesto sa gabinete, Secretary ng Department of Education, ang may pinakamalaking pondo sa mga ahensiya ng gobyerno.
Si Leni noon ay hindi binigyan ng puwesto sa gabinete ni Duterte.
Natapos ni Leni ang kanyang termino na kawawa sa Duterte administration, pero most performing Vice President siya sa lahat ng naging VP ng Pilipinas.
Hanggang ngayong wala na sa gobyerno si Leni ay ipinagpatuloy niya parin ang pagtulong sa mga mahihirap sa pamamagitan ng kanyang foundation na “Angat Buhay”.
Bantayan naman natin ngayon kung ano ang mga programa ni Sara as Vice President.
Teka, bagama’t masyado pang matagal para pag-usapan ito ay maugong na ngayon ang 2028 Presidential Election. Ito raw ay malamang na maging labanan ng Marcos (Imee) at Duterte (Sara).
Oo! Gigil din daw kasi si Imee na maging Pangulo pagkatapos ng kanyang utol (PBBM). Tapos after Imee ay ang anak naman ni PBBM na si Congressman Sandro. This means, kapag nagkataon, matagal uli na maghahari ang Marcos sa Pilipinas. Araguy!!!
Kaya ngayon palang, sabi ng mga marites sa loob, mayroon nang namamagitan kina Imee at Sara. Tsk tsk tsk…
***
Dapat imbestigahan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang ilang opisyal niya sa Department of Assessment. Grabe daw ang katiwalian sa tanggapang ito, minamaneobra nila ang buwis ng mga negosyanteng tax evaders!
Partikular na tinukoy ng insider sina “Empoy”, “Atty Betka”, “Biker” at yung nalipat sa opis ni Mayora.
Matindi raw ang sindikato ng apat na ito, Mayora.