Advertisers
KUNG binawasan ang budget ng mga pangunahing ahen siya ng pamahalaan tulad ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DoH), nag-uumapaw naman ang budget na hinihingi ng tinaguriang “spare tire” na posisyon sa gobyerno, ang Office of the Vice President (OVP) ni “Inday” Sara Duterte-Carpio.
Oo! Sa proposed budget para sa taon 2023, humihirit ang OVP ni Atty. Inday Sara ng mahigit P2.2 billion, bukod pa rito ang P500 million na intel fund kuno. Wow!
Samantalang ang nakaraang VP (Atty. Leni Robredo) ay nagkaroon lamang ng P428,6 million sa kanyang unang taon (2017) at P702 million sa kanyang huling taon (2022).
Walang pinag-iba itong si VP Inday Sara sa kanyang ama (ex-President Rody Duterte) kung humirit ng budget, parang napakagaan lang sa kanila ng kuwarta.
Si ex-President Duterte ay mayroon noong P4.5 billion intel fund, kumpara sa P500 million lamang ni late ex-Pres. Noynoy Aquino. Sinilip pa noon ni Senador Win Gatchalian ang maliit na intel fund na ito ni Aquino, kung saan daw ito gagamitin; habang tikom ang bibig niya sa P4.5 billion ni Duterte.
Ang kasalukuyang Pangulo na si “Bongbong” Marcos Jr ay humihingi rin ng intel fund na P4.5 billion.
Ang intel fund ay walang auditing. Kaya hindi natin alam na mga taxpayer kung saan ito ginagastos ng presidente.
Si ex-VP Robredo ay walang intel fund sa kanyang buong termino, gayundin ang mga nakaraang Vice Presidents. Tanging itong si Inday Sara lang ang gusto magkaroon ng intel fund.
Bukod dito, gusto rin ni VP Inday Sara magkaroon ng sariling opisina at sariling Vice Presidential Guards. Lupet!
They’re enjoying of people’s money…habang tayong nagkakandakuba sa pagbabayad ng tax ay nganga, laging nagmamakaawa ng ayuda sa panahon ng krisis!
***
Tama si 1-Rider Party-list Representative Bonifacio Boseta na walang kapangyarihan ang mga LGU traffic enforcers na mangumpiska ng lisensya, tanging Land Tranrportation Office at deputized agents lamang nito ang puwede, ayon sa Republic Act 4136 Section 3.4 ng Land Transportation and Traffic Code of the Phlippines.
Ang LGU ay maari lamang mag-isyu ng tiket sa violators pero hindi puwede mangumpiska ng lisensiya. Mismo!
***
Tama si PNP Chief Rodolfo Azurin na hindi na kailangan ng pulisya at maging ng militar na humingi ng permiso sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) kapag pumasok sila sa teritoryo nito para arestuhin ang mga kriminal na mayroong arrest warrant at nagtatago sa erya. Dahil kapag ginawa nila ito ay siguradong wala silang mahuhuling kriminal.
Iisa lang ang PNP at AFP na silang may mandato para manghuli ng mga kriminal at mag-secure sa bansa. At ang teritoryo ng MILF ay bahagi ng Pilipinas.
Naungkat ang isyung ito nang ma-ambush ang grupo ng pulis na pinamunuan mismo ng hepe ng Ampatuan, Maguindanao matapos ang bigong pagsisilbi ng arrest warrant sa mga kriminal na nagtatago sa MILF area kamakailan.
Ang lugar ng MILF ay naging taguan na umano ng mga kriminal.