Advertisers
Inaresto ang dalawang katao sa kasong pagdukot at illegal detention ng isang babaeng Malaysian national ng DILG at PNP sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
Kinilala ang mga naaresto sina Justine Alaraz, 28, Pinoy; at Chan Yong Howe, 29, Malaysian national.
Ayon sa ulat ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG), kinilala ang biktimang si Voon Pei Lim, 35, na pumunta sa Pilipinas para personal na makita ang kanyang nobyo na nakilala sa isang dating app.
Sa report, sinundo si Lim ng isang lalaking Chinese mula sa airport at dinala sa Carmona sa Cavite noong Setyembre 9 at doon na siya na-detain. Mula sa Cavite, naipasa ang biktima sa iba’t-ibang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ini-report ang insidente sa AKG ng amo ng biktima na si Jhon Basil Margarian, Australian national, na may negosyong naka-base sa Singapore, kasama ang kanyang Pinay na empleyado.
Sinabi ni Margarian na itinago ang biktima sa isang lugar at humihingi ito ng 26,000 Malaysian Ringgit o katumbas ng P300,000 sa kanyang pamilya para makaalis sa nasabing lugar.
Kaugnay nito, humingi ng tulong ang PNP-AKG sa Aviation Security Unit (AVSEU) habang hinahabol nila ang sasakyang naghahatid sa biktima mula Carmona patungong airport.
Naharang ang sasakyan sa NAIA premises kung saan inilatag ang checkpoint ng mga operatiba at na-verify ang lahat ng sasakyan at pasaherong papasok sa NAIA na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek at pagkakasagip naman sa biktima.
Kasalukuyang tinutunton ang Chinese na sumundo sa biktima sa airport. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)