Advertisers

Advertisers

Sindikato sa likod ng ‘expanded parking scheme’, at mga hirit na pondo ni VP/Sec. Sara

0 221

Advertisers

Tsk tsk tsk… talagang hindi na mauubusan ng paraan ang ilang taga-gobyerno na makakulimbat mula sa pondo ng bayan.

Oo! Nakita na natin ito sa mga nakaraang taon, ang sari-saring iskandalo tulad ng Fertilizer Fund Scam (2004), ang NBN-ZTE Deal (2007), ang Pork Barrel Scam (2013), at ang Parking Scheme (2019). Umani ang lahat ng ito ng batikos mula sa taumbayan at may mga nakulong na dito. Pero kahit na delikado at minsa’y buwis-buhay na ang pagiging korap ay gagawin at gagawin parin ito ng ilang tao. Ganoon nalang siguro kalaki ang nakukuha nila mula sa pera nating mga taxpayer.

Gaano kalaki kamo? Ayon kay dating Deputy Ombudsman Cyril Ramos, noong 2019 ay umaabot ang halaga sa P700 billion kada taon, katumbas ng 20 percent ng total budget appropriation ng bansa. Sa madaling salita, bente pesos sa bawat sandaan ay nauuwi sa bulsa ng gahamang government officials at workers na sana’y nagamit para sa serbisyo publiko. Kung ganyan kalaki nga naman ang halaga, hahanap at hahanap ang ilan sa atin ng paraan para makakupit. Mismo!



Eto ngayon!, may isa na namang scheme na inilantad ni Senador Alan Peter Cayetano na matagal nang kalaban ng corrupt officials. Kung may Parking Scheme noong 2019, may “Expanded Parking Scheme” naman ngayon, at ang nilalaro nila ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH). Araguy!!!

Sa dating parking scheme, ayon kay Sen. Cayetano, medyo mas maliit ang halaga at madalas ay sa bicam na ito nangyayari. Ngayon ay nakaka-alarma na dahil sa National Expenditure Program (NEP) palang ay nakasalang na ang parking bago pa man ito maihain sa Kongreso. Lupet! May mga distrito na babawasan ang allocation by as much as 90 percent, para malapitan sila at sasabihang ibabalik ang pondo pero may favored contractor na ang mga operator na ito. Kickback yarn?

Ang duda ni Sen. Cayetano at ng maraming nagsumbong sa kanya, may sindikatong gumagawa nito.

Kaya dapat madaliin ng gobyerno ang pag-imbestiga sa bagong pasabog na ito ng Senador. Dahil kung babagal-bagal ulit tayo, aba’y kahit mahuli at makulong pa ang mga magnanakaw na ‘yan, e naibulsa na ang pera!

Hindi tayo papayag nito kaya’t makikibantay tayo kay Senador Alan sa usaping ito. Mismo!



***

Grabe humirit ng mga pondo ang ating Vice President “Inday” Sara Duterte-Carpio, parang gustong simutin ang kaban ni Juan dela Cruz.

Mantakin mong ihirit niya kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. na bigyan siya ng P100 billion pondo sa DepEd para maresolba niya raw ang lahat ng problema sa basic education sa loob ng anim na taon, maliban pa ito sa P710-billion proposed budget ng DepEd sa ilalim ng National Expenditure Program. Araguy!!!

Humihirit din si VP Sara ng P150 million para raw sa confidential fund as DepEd Secretary.

Humihirit din siya ng P500 million intel fund para sa Office of the Vice President na may pondong P2.5 billion sa 2023.

Ang intel at confidential funds ay mukha ng korapsyon dahil hindi ito nau-audit. Mismo!!!