Advertisers
HAPPY 90th BIRTHDAY sa aking ama si Atty. Rodrigo Ponce Villaroman. Kung nabubuhay ka ngayon naririnig ko ang iyong malutong na pagmumura habang nagbabasa ka ng peryodiko. Bakit ko nasabi yon? Walang pagkakaiba ang sitwasyon mo sa sitwasyon namin ngayon. Oo, “old school” ka at, dahil nagisnan mo ang “peacetime,” alam mo ang panahon ng katahimikan. Simple ang pamumuhay mo noon na nakapaikot sa pamilya, Simbahan at eskwela.
Samakatuwid, nagisnan mo ang buhay na masasabi nating mas payak at simple na nahambalang lang nang sumambulat ang Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Nasaksihan mong ideklara ang Maynila na isang “open city”. At nagulantang ka nang nakita mo ang panaderong Hapones na may panaderya malapit sa bahay ninyo sa kanto ng Solis at Antipolo, biglang lumabas na naka-uniporme dahil kapitan pala ng hukbong Hapones. Natatandaan ko ang mga kwento mo na puno ng hirap at, pighati at pagsubok.
Naikwento mo na nasaksihan mo ang mga bagay na hindi dapat masaksihan ng isang paslit. Mahirap man, nangingibabaw pa rin ang pagiging makatao at disente. At kahit kumakain kayo ng “kastaniyog” at “sisid rice,” tuloy ang pakikibaka. Kung ngayon nauso ang mga katagang ” para sa ekonomiya,” ito noon ay “para mabuhay bukas.”
Kinukwento mo kahit gula-gulanit ang baro mo, kahit kalam ang sikmura, mariin ang pananampalataya at panatag ang kalooban na lilipas din ang unos. Hindi nalalayo ang panahon mo sa kasalukuyan. Tulad noon dumaranas kami ngayon ng paghihirap. Tulad noon, may naghihirap at may nakikinabang; may inaapi at may nagsasamantala; may pinagkaitan ng katarungan at may kinakatigan dahil ito ay kasapakat.
Kung dati may “collaborators” at Makapili, ngayon mayroon mga Makabagong Makapili, mga nagbabalatkayong mga “honorable.” Mga “enemies from within.” Ito ang mga kaaway na lubos na kinatatakutan ni Gat Jose Rizal. Sila ang mga anay na nakabalot sa ginto, titulo, at magagarang baro. Sila ang dapat katakutan.
Iba na ang panahon ngayon Dad, wala nang itinali sa kalabaw at hinihila. Hindi sila hinihila ng kalabaw ngayon dahil Makapili, pero mas malupit ang kinagisnan nila dahil panahon ng ” social media.” Iginigisa sila sa sariling mantika. Sila ay nahaharap sa opinyon ng madla na minsan mas mahapdi pa sa itali sa kalabaw dahil tiyak ang paghatol at panunumpa sa kanila sa mahabang panahon. Dahil katulad ng tattoo na isa sa kinamumuhian mo hindi mabubura ito.
Kung nabubuhay ka tinitiyak kong magugustuhan mo ang platapormang ito, at nakikita kong aabot ng malayo ang pagmumura mo. Iyon nga lang kadalasan “in-aid-of-legislation.” Pero malay natin. Happy birthday Dad.
Kasihan Nawa Tayong lahat ng Poong Kabunian.
***
“A CHOPPER ride to get home so she can tuck in her kids in time for bedtime. While the masses struggle for a ride home…” Ito ang obserbasyon ng beteranong Rock Jock Bob Magoo sa balitang ginamit ni bise-presidente Sara Duterte (aka Inday Sapak) ang presidential helicopter para gamitin sa pag uwi at magpa-hele ng mga anak.
Ayon sa pagsusuri ni kasamang Gerry Cacanindin, ang presidential helicopter na isang Bell 412 ay may average operating cost na US$ 2,193 o PHP125,000 bawat oras. Inamin ni Inday Sapak na ginamit ang naturang helicopter para umuwi at ihele ang mga anak, at nagpasalamat pa sa kasalukuyang pangulo.
Ani Inday Sapak:
“Thank you PBB and your 250th PAW for ensuring that wherever I may be found in the country during the day, I am home in time to tuck my children to bed…”
Mabilis ang tugon ni Reynold Munsayac spooksperson ni VP na itatago natin sa pangalang Mister Kleen: “Fake news ho yan na araw araw ginagamit yung chopper para umuwi ng Davao. Una ho, Manila based na po si VP at ang kanyang pamilya. She will be the last person to waste government resources ‘no… ”
Unang-una, walang nagsasabi na araw-araw ginagamit ni Inday Sapak ang presidential chopper kaya kathang-isip mo lang ito. Tingnan ang sinasabi ng batas: Ang Administrative Order 239, Serye ng 2008 ay mariing ipinagbabawal ang paggamit sa mga sasakyang pang-gobyerno sa mga lakad na hindi opisyal. Maliwanag ang nakapaskil sa mga government vehicles: FOR OFFICIAL USE ONLY. Walang nakalagay na FOR FAMILY USE ALSO.
Tuloy sumasalamin kay netizen Leonor Bustamante-Cinco ang aking pagka-lito. Ani Leonor: “Am I the only one confused with the statements being issued by SWOH? Her ‘Thank you’ message was very clear. Then her spokesperson ‘Mr. Clean’ came out with the statement saying that it was fake news! FAKE NEWS? It was a post that SWOH herself who posted it! And now, she came out again with her latest statement, making it appear like it was the fault of netizens! It’s as if it was the netizens who came out with the supposed fake news.’
Hay naku Inday Sapak. Maliwanag na “graft” o katiwalian ito. Kaya payo ko kay Mr. Raymond Munsayac, na itago lamang natin sa pangalang Mister Kleen: Sana mag-usap kayo ng kargo mo nang hindi ka napapatid sa sarili mong dila.
Iniisip ko tuloy ang lahat ng mga nanay na nasa malayo at walang kakayahan na mag helicopter para mahele ang kanilang anak. Masasabi ko lang: SANAOL.
***
Panghuling sultada dahil natawa ako. Ang paborito kong si Boy Sinungaok na itatago ko sa pangalang Rodente Marcoleta ng SAGIP Partylist ay umutot na naman dahil nakatatanggap siya ng kaliwa’ kanang batikos lalo na sa social media. Dahil nagnisnis ang peluka sa pagiging pikon at “butt-hurt,” nagpasya siyang habulin ang mga bumabatikos sa kanya, partikular ang mga netizens sa social media na naalibadbaran tuwing nagigisnan ang nakaputong niyang pustiso sa tuktok. Tinanong ang CHR kung lumihis sa alituntunin ito na habulin ang lumalabag sa karapatang pantao? Ito ang masasabi ko kay Boy Sinungaok: Mandato ng CHR ang habulin ang nasa gobyerno hindi ang mamamayan. NAPIPIKON KA LANG. Walang lumalabag sa karapatang pantao mo. Binabatikos ka lang na may “extra serving” ng pang a-alaska.
Para maliwanag: mandato ng CHR ay ipagtanggol ang karapatang pantao ng pangkaraniwang mamamayan. Ang mandato nila ay habulin ang mga taong nasa pamahalaan, pulis man o sundalo, presidente man o party list representative, na ginamit ang kanilang katungkulan para paglabag ng karapatang pantao. Basta nasa katungkulan, ito ang tutugisin nila. Pangalawa: ANG PIKON TALO.
Dalawang klaseng tao ang kinamumuhian ng yumao kong ama. Ang maraming tattoo, dahil noong panahon niya ito ay tatak ng nakaranas ng buhay sa ” oblo”; at ang naka peluka; dahil tatak ito ng isang taong walang kumpiyansa. Isa lang tinitiyak ko sa iyo Boy Sinugaok, at mga namamayagpag ngayon sa pamahalaan: Kung buhay ang ama ko ngayon at nakasalubong kayo, tiyak, reregaluhan niya kayo ng mag-asawang buntal.
***
mackoyv@gmail.com