Advertisers
PINUPUTAKTE ng mga negatibong isyu ang nagbitiw na Executive Secretary na si Atty. Vic Rodriguez.
Isa sa mga nagda-down kay Rodriguez ay ang tinaguriang isa sa mga utak ng martial law at nagpatalsik sa ama ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. noon, si Juan Ponce Enrile na nagsisilbi ngayong chief presidential legal counsel.
Nagbitiw si Rodriguez as executive secretary dahil masyado raw maraming trabaho at gusto niya ring bigyan ng oras ang kanyang pamilya.
Pero sa kanyang pag-resign, humingi siya ng panibagong puwesto na kalebel din ng cabinet rank, ang Presidential Chief of Staff, kungsaan humirit pa siya ng mga special power na magtalaga, magpirma at mag-reject ng anumang transaksyon na dumadaan sa Office of the President.
Pero hindi nagustuhan ni Enrile ang pagbuo ni Rodriguez ng panibagong puwesto na dati nang binuwag dahil duplication nalang ito ng trabaho ng Executive Secretary at Presidential Management Staff (PMS). Kontra ito sa isinusulong ni PBBM na “right sizing” para makatipid ang gobyerno.
Bilang Presidential Chief of Staff, si Rodriguez ay mayroong isang Sr. Deputy Chief or Undersecretary at 2 Assistant Secretary. Ang pondo ay kukunin daw sa binuwag na Office of ther Cabinet Secretary at Presidential Anti-Crime Commission (PACC).
Si Rodriguez ay isinangkot sa iligal na pagpalabas ng Sugar Order No. 4 kungsaan nasibak ang isang Undersecretary sa Agriculture at mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration, at pagtalaga ng mga opisyales sa administrasyon nang hindi umano batid ni PBBM.
Pero bukod dito, may mga naglabasan pang isyu na si Rodriguez ay nagmamay-ari ng napakaraming bank accounts sa loob at labas ng bansa. Sinasabing higit isang bilyon ang laman ng naturang bank accounts, peso at dollars.
Kung totoo ang isyu sa napakalaking kuwartang ito ni Rodriguez sa bangko, ito’y dapat imbestigahan ng Kongreso, alamin kung saan galing ang yamang ito. Kung ito ba ay nakuha niya sa loob lamang ng 79 days niyang pagiging Executive Secretary o savings na niya ito noong wala pa siya sa gabinete ni PBBM?
Batid natin na si Rodriguez ay long time friend, chief of staff, at campaign manager ni BBM noong kampanya sa presidential election.
Noong kasagsagan ng kampanya, sinasabing bumuhos ang tulong pinansiyal sa kandidatura ni Marcos. Daang milyong piso raw, ang iba ay bumabagsak raw sa tanggapan ni Rodriguez, at ang iba ay sa kapuso ni BBM. Isa raw ang ang isyung ito sa mga sinisilip kay Rodriguez.
Sa dami ng isyung ibinabato ngayon kay Rodriguez, nagiging bagahe na siya ng pinakikinis na image ng Marcos.
Kung mahal talaga ni Rodriguez si PBBM, makabubuti sa kanya na mag-resign nalang, huwag nang humirit pa ng kung anong posisyon sa gabinete. Mangontrata nalang siya ng mga proyekto sa gobyerno tulad ng mga dating gabinete ni ex-President Rody Duterte. Mismo!
***
Ngayong wala na sa gabinete si Rodriguez, malamang na marami pang lalabas na mga negatibong ginawa niya sa loob ng higit dalawang buwan niyang Executive Secretary. Yung mga itinalaga niya na hindi dumaan kay PBBM, malamang na mabuking at masibak narin. Kasi marami sa mga ito ay incompetent!
Say nyo, mga pare’t mare?