Advertisers
Sa botong 264-6-3, aprubado na ng Mababang Kapulungan ang panukalang batas na House Bill No.4673 sa third and final reading kaugnay sa hangarin na pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Batay sa panukala, itinakda ang synchonized Barangay at SK elections sa unang Lunes ng December 2023.
Ayon sa pamunuan ng Kamara, ang pag-apruba sa naturang panukala nitong araw ng Martes, Setyembre 20,2022 ay patunay na on track sila sa kanilang agenda na aprubahan ang House Bill 4673 bago mag-October 1, 2022 at para mapirmahan na rin ito ng Pangulong Bongbong Marcos bago ang December 5, 2022 barangay and SK elections.
Sa Senado naman ay may kahalintulad ding hakbangin na inakda naman ni presidential sister, Senator Imee Marcos, chairperson ng Committee On Electoral Reforms and People’s Participation.
Sa nasabing bill naman ng senadora, layon din na ipagpaliban ang Barangay at SK Elections sa buwan rin ng Disyembre ng susunod na taon.
Itinakda rin ni Sen. Imee sa nasabing bill ang fix term ng mga Barangay at SK officials sa anim na taon na nagdaragdag ng tatlo pang taon sa termino ng mga ito na ipinatutupad sa ngayon.
Bagamat nasimulan na ang paghahanda ng Comelec para sa halalang naka-schedule sa buwan ng Disyembre ng taong ito, sinabi naman ni Comelec Chairman, Atty. George Garcia na di naman masasayang ang mga paghahandang ginawa ng kanyang tanggapan dahil magagamit din ito sa susunod na eleksyon.
Bagamat nakakasiguro na ang both houses of Congress na kanilang maipapasa ang batas na ito para sa postponement ng Barangay at SK elections on time, personal tayong naniniwala na posible pa ring matuloy ang halalan sa pamamagitan ng pag-veto dito ng Pangulong Bongbong Marcos.
Makailang beses na ring nag-veto ang Pangulo sa mga naipasang batas ng Kongreso at Senado kahit pa nga ilan sa mga na-veto ng batas ay akda o co-author ng kanyang Ate Imee Marcos.
Kaya kayong mga nakaupo at incumbent barangay at SK officials,’wag masyadong magpakampante, baka mabulaga na lang po kayo.
Remember ang kasabihang…” daig ng maagap ang taong masipag”.
Pero mas “daig ng taong magulang ang mga aanga-angang nakatunganga” hehehe.
Have a nice day everyone.
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com