Advertisers
TUSO man daw ang matsing, naiisahan din.
Maikakabit natin ang kasabihang iyan sa nangyari sa isang dating pulis na mailap o tila matsing at matagal nang tinutugis ng batas dahil sa mga kasong robbery matapos itong masakote ng mga elemento ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ilang taon din kasi itong nagtago nang ilabas ng hukuman ang mandamiento de arresto laban sa kanya. Ngunit natunton din ang kanyang kinaroroonan sa lungsod ng Maynila at matagumpay itong nahuli ng mga awtoridad.
Sa report na ipinadala sa tanggapan ni NCRPO Acting Regional Director PBGen. Jonnel Estomo, kinilala ang naaresto na si Eduardo Salamat Jr., 46 taong gulang, na may ranggong Police Officer 1 (PO1) bago natanggal sa serbisyo.
Sang-ayon sa impormasyon na nakalap ng SNIPER kina NCRPO Spokesperson PLCol. Dexter Versola at Public Information Office Chief PMaj. Anthony Alising, natuklasan na si Salamat ay nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Raxabago Police Station ng Manila Police Distrit (MPD) at Regional Special Operations Group-Regional Intelligence Division (RSOG-RID).
Naging successful ang ikasang operasyon makaraan ang ilang araw na intelligence gathering at sa bisa na rin ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Thelma Bunyi-Medina ng Manila Regional Trial Court Branch 32 laban para sa kasong robbery ay nasukol at naposasan nga si Salamat.
Sinasabing si Salamat ay Top 2 Most Wanted Person sa listahan ng NCRPO.
Nadiskubre na noong Pebrero 24,2013 ay hinoldap daw ni Salamat ang mga biktimang sina Fernando Alberta at Joseph Alindang kung saan tinangay mula sa kanila ang tinatayang P30,000 na cash. May dalawang vendors din ang nagreklamo laban kay Salamat nang tangayin daw ng pulis ang kita nila sa pagtitinda na halos P200,000.
Tinugaygayan din daw si Salamat dahil sa pagkakasangkot daw nito sa iba pang illegal activities tulad ng illegal gambling at nagsisilbi pang security escort ng mga delivery trucks ng mga Chinese businessmen. Nabatid din kina Versola at Alising na gumamit ang mga operatiba ng RSOG-RID ng Alternative Recording Devices (ARD) o body cams sa nasabing operasyon.
Agad na pinuri ni Gen. Estomo sina RSOG-RID team leader PCol. Romano Cardiño, Chief LtCol. Wilfredo Valerio Sy at ang mga operatiba sa pagkakaaresto nila kay Salamat na mahalaga upang mapanatili aniya ang katahimikan at kaayusan sa komunidad.
Pahayag ni Estomo, bahagi ito ng mas pinalawak na S.A.F.E. Program ng NCRPO na layong supilin ang mga gumagalang kriminal sa kanilang nasasakupan.
Kasabay nito, binanggit nga rin pala sa SNIPER ni PLtCol. Versola na si Salamat ay sinibak sa serbisyo matapos mag-AWOL o absence without leave ilang taon na ang nakararaan. Karamihan daw mga krimen na kinasangkutan ni Salamat ay nangyari noong miyembro pa ito ng MPD hanggang sa nailipat ito sa NCRPO-Bicutan at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Noong 2017, ipinag-utos daw ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilipat si Salamat sa BARMM dahil, kung hindi ako nagkakamali, ay nakasama raw ang pangalan nito sa listahan ng mga tiwaling alagad ng batas. Gayunman, mula noon ay hindi na raw nag-report sa trabaho ang pulis at hindi na rin ibinalik ng mamang pulis sa mother unit niya ang kanyang service firearm.
Ayon pa kay PLtCol. Versola, natunton ang kinaroroonan ni Salamat dahil sa personal conversation nito sa isang confidential informant at siyempre, sa tulong na rin ng mga tiktik at intel counterparts ng mga masisipag nating NCRPO at MPD personnel (na nasa ilalim ng liderato ni MPD District Director PBGen. Andre Dizon).
Aba’y kung hindi dahil sa inyo ay hindi po mahuhuli si ‘Salamat’. Kaya maraming ‘Salamat’ sa inyo.
God bless & more power po, mga bossing!
***
Gusto mo ba ng ayuda o tulong pangkabuhayan? Bet mo rin bang matuto tungkol sa pagsasaka, sa mga programang pang-agrikultura, pambarangay, atbp.? Aba’y tayo na’t manood at makinig ng “Barangay 882” sa IZTV (Channel 23) at DWIZ. Katuwang ang SM Foundation at iba pa, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa DWIZ 882 FB page, IZTV/Radio, at Youtube DWIZ ON-DEMAND tuwing Sabado ganap na alas-4:00-5:00 ng hapon.
***
At para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa aking FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!