Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SA isang zoomcon, nagbigay ng pahayag ang pop rock diva na si Rozz Daniels sa umano’y pambubudol sa kanya at sa kanyang kaibigang singer na si Irelyn Arana ng OPM singer na si Ivy Violan.
Aniya, kinontrata raw kasi sila ng beteranang singer bilang talents nito na kapag may shows sila ay entitled ito sa kumisyon.
Gayunpaman, iba raw ang nangyari sa kanilang inaasahan.
Bagama’t ipinag-compose raw sila nito ng mga piling awitin na kanilang ini-record, sila raw ang gumastos at nagpaluwal pa ng pera para umano sa kanilang recording.
Nangako pa raw si Ivy na lalakarin nito na mai-release sa Viva Records ang kanilang mga pinaghirapang kanta.
Pagkatapos ng kanilang paghihintay at natapos na ang kanilang recording, nagtataka raw sila dahil tila napako na ang ipinangako nitong mai-release sa nabanggit na recording company ang kanilang mga awitin.
Aniya, sobra raw ang laki ng respeto nila kay Ivy at nanghihinayang lang sila na aabusuhin nito ang kanilang pagtitiwala.
Nagsalita raw sila para maging babala na rin sa iba pang baguhang mang-aawit sa umano’y baka mahulog sa modus ng singer.
Gusto raw nilang maibalik nito ang lahat ng kanilang mga ginastos o kung hindi man ay ibigay sa kanila ang rights ng nai-record nilang mga kanta na kinompose nito.
Sina Rozz at Irelyn ay regular na napapanood tuwing Sabado sa kanilang kumu show na The Rocks and Rozz Show.
Si Rozz ay pinarangalan bilang “most promising female rock diva” sa Phoenix Excellence Awards noong 2021.
Bukas naman ang pitak na ito sa panig ni Ivy Violan sa usaping ito.