Advertisers

Advertisers

MATAGAL NA ‘YAN PERO GAN’AN PA RIN

0 205

Advertisers

TUMAAS na ang singil sa pasahe ng mga pampublikong sasakyan matapos ang matagal nang panahon na hiling ito ng mga drayber mula nang patuloy ang pagsirit ng presyo ng petrolyo sa bansa.

Ayos na sana pero maraming drayber ang nagreklamo dahil hindi nila nagamit ang bagong singil sa pamasahe noong unang mga araw na ipinatupad ito ng gobyerno. Meron naman iba na nagningil pero inaway ng mga pasahero.

Bakit ika ninyo, taumbayan? Ipinag-utos kasi ng gobyerno na hindi puwedeng maningil ang mga drayber ng bagong pamasahe kung wala itong kopya ng bagong taripa na mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).



‘Nanang ko po naman! Kulay dilaw pa ang taksi na minamaneho ko noon ay problema na ang sistema ng pagbibigay ng taripa tuwing mayroong bagong pasahe na ipinatutupad ng gobyerno. May tatlong dekada na ang lumipas pero gan’an pa rin ang eksena.

Mahirap naman sisihin ko ang bagong opisyal na itinalaga ni Pangulong BBM dahil posibleng hindi nila alam ang problema na ito lalo kung galing ang mga ito sa pribadong sektor gaya ni Transportation Secretary Jaime Bautista.

Nag-away ang mga drayber at pasahero na naningil nang bagong pasahe na walang hawak o kopya ng taripa. Umiiyak naman ang ibang drayber na gusto na maningil pero hindi magawa dahil walang taripa.

Siyempre naman… tuwa ang mga drayber na may kopya ng taripa sa unang araw pa lang ng pagpapatupad nito dahil siguradong abot-tanaw na ang magandang resulta ng kanyang pamamasada.

Sa kabilang dako naman ay pihadong humihiyaw ang mga pasahero na naka tikim ng bagong taas sa pasahe lalo na yung mga ayaw pa magbayad na kunwari’y hinahanap ang taripa pero nang ipakita ang kopya ay wala nang magawa kundi magbayad na lang.



Balik tayo sa problema ng pamimigay ng taripa tuwing may bagong taas ng pasahe. Yun na nga… napakatagal nang problema ito pero hanggang ngayon ay ganyan pa rin ang sistema lalo pa ngayon na ‘high tech’ na pero problema pa rin ang pagbibigay ng kopya.

Yung mga inugatan na riyan sa LTFRB… natitiyak kong ilang beses na ninyong nasagupa ang hinaing na ito ng mga drayber. Huwag [sana] balewalain ang paulit-ulit nang eksenang ito na madalas umaabot pa na manawagan sila sa Pangulo ng bansa para lamang sa kopya ng taripa.

Pati ba naman isyu ng pagbibigay ng kopya ng taripa ay kailangan pa na si Pangulong BBM pa ang magbigay ng solusyon diyan? Huwag naman… tsk tsk tsk

***

Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com