Advertisers
Inulit ni Senate committee on sports chair, Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pangako na ipagpapatuloy ang sinimulang laban ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa iligal na droga kasabay ng paghikayat sa mga Pilipino, partikular sa kabataan, na mas makilahok sa mga aktibidad sa palakasan at lumayo sa mga bisyo.
Ginawa ni Go ang pahayag matapos magsagawa ng dalawang araw na aktibidad o pamamahagi ng ayuda sa mga mahihirap na naninirahan sa Aglipay, Cabarroguis, Diffun, Maddela, Nagtipunan, at Saguday sa lalawigan ng Quirino sa municipal gymnasium ng Aglipay at Saguday.
Sa kanyang video message, pinaalalahanan ni Go ang 1,635 residente lalo na ang mga kabataan na alagaan ang kanilang kapakanan at manatiling aktibo sa pamamagitan ng pagpasok sa sports.
Para mahikayat ang mga miyembro sa kani-kanilang komunidad na lumahok sa palakasan, namigay si Senator Go ng mga bola para sa basketball at volleyball gayundin ng mga bisikleta para sa mga piling indibidwal.
“Bilang inyong chair ng Senate committee on sports, ineenganyo ko po kayo na maglaro na lamang kayo ng basketball o volleyball o kahit anong sports. Mag-sports, lumayo sa droga,” ani Go.
“Huwag natin sayangin ang nasimulan ni dating Pangulong Duterte na puksain ang iligal na droga sa bansa. Dahil alam naman natin kung gaano kasama ang droga sa ating kalusugan at kung gaano kasama ang epekto nito sa ating lipunan. Kaya naman tulungan niyo rin po ako na hikayatin ang lahat na get into sports na lang po,” dagdag ng senador.
Habang patuloy na nananaig ang mga atletang Pilipino sa mga internasyonal na kompetisyon sa palakasan, binigyang-diin din ni Go ang pangangailangan ng pamahalaan na higit pang paigtingin ang programa sa palakasan ng bansa.
Kaugnay nito, inihain ng mambabatas ang Senate Bill No. 423, o mas kilala bilang Philippine National Games (PNG) Act of 2022, na magbibigay ng istruktura para sa isang mas komprehensibong national sports program na nag-uugnay sa grassroots sports promotion sa national sports development.
Ang PNG ay inaasahang maging isang pambansang multi-sport tournament na naglalayong palawakin ang base talent identification at mahusay na bubuo ng pambansang pool na sasanayin para sa internasyonal na kompetisyon sa palakasan.
“Tulungan po natin ang ating mga atletang Pilipino para matuloy nilang ipamalas ang kanilang galing sa larangan ng palakasan. Tiwala rin po ako na kung mas palalakasin pa natin ang sports sector sa bansa, it will encourage our young people to stay away from illegal drugs and criminality by getting into sports,” ani Go.
Bilang karagdagan, ang pangkat ni Go ay namigay din ng mga meryenda at mask sa bawat tatanggap. Namigay din sila ng mga cellular phone at sapatos sa mga piling indibidwal.
Gayundin, ang Department of Social Welfare and Development ay nagbigay ng tulong pinansyal sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program nito.
Samantala, nag-alok ng karagdagang tulong ang senador sa mga may problema sa kalusugan dahil pinayuhan niya ang mga ito na bisitahin ang Quirino Provincial Medical Center sa Cabarroguis kung saan mayroong Malasakit Center na magagamit upang tulungan sila sa kanilang mga medikal na alalahanin.
Pangunahing inakda at itinataguyod ni Go, ang Republic Act No. 11463, o kilala bilang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-uutos sa lahat ng ospital na pinamamahalaan at pinangangasiwaan ng Department of Health at Philippine General Hospital na magtatag ng sarili nilang Malasakit Centers para tumulong, lalo na sa mahihirap na pasyente sa buong bansa kasama ang kanilang mga gastos sa pagpapagamot. Sa ngayon, mayroong 152 Malasakit Centers sa buong bansa.