Advertisers

Advertisers

Killer ni Lapid nahagip ng dash cam; reward umakyat na sa P1.5m

0 193

Advertisers

Nasapul sa dash cam ng sasakyan ng broadcaster na si Percy Lapid ang mga nakamotorsiklong salarin nitong Lunes ng gabi sa Las Piñas City.

Sa ulat, makikita sa dash cam ng sasakyan ni Lapid ang dalawang lalaking nakamotorsiklo na nagmula sa isang kanto at bumubuntot dito.

Ilang saglit pa, nawala na ang mga lalaki sa frame, at narinig ang ilang putok ng baril.



Sunod namang bumangga nang ilang beses ang sasakyan ni Lapid sa kotse sa harapan.

Makikita pa sa dash cam na nag-U turn ang mga salarin bago lumayo.

Hindi naaninag ang mga mukha ng salarin dahil nakasuot ng helmet at dahil na rin sa ilaw ng mga sasakyan.

Nasa pulisya na ang video na bahagi ng ebidensya sa imbestigasyon sa pagpaslang kay Lapid.

Lumabas sa ballistic examination na .45 pistol ang ginamit ng mga salarin.



Ayon kay Police Brigadier General Kirby Kraft, District Director ng Southern Police District, magsasagawa sila ng cross matching sa iba pang insidente ng pamamaril kung saan .45 ang ginamit.

Hindi pa rin masabi ng pulisya ang motibo sa pagpatay sa broadcaster, at patuloy pa silang nangangalap ng ebidensya.

Samantala, umaabot na sa P1.5 milyon ang pabuyang inilaan para maaresto ang pumaslang sa kay Lapid.

Una ng nag-alok ng P1 milyon pabuya ang kaibigan nito na si Atty. Alex Lopez at sa pagbisita naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, nag-alok ito ng kalahating milyon na pabuya.

Sinabi ng kalihim na sarili nito ang perang pabuya dahil sa naging kaibigan rin niya ang pinaslang na mamamahayag.