Advertisers
SA pag-arangkada ng takbuhan ng mga kabayong lumahok sa Stake Race kamakailan, maganda ang pagkaka lundag ng double entrée na llamado sa tayaan ng lumabas sa starting gate. Maganda ang pwesto na masasabing tiyak na mabibigyan ng pamasko ang mga mananaya na sumugal sa kabayong napili. Hindi nahirapan ang hinete sa pagdadala na kusang tumatakbo ang kabayo na hinihintay na lang ang pagtawid sa finish line ng makubra ang panalo. May kaba ngunit hindi kinakitaan ng problema sa pagtakbo ang nakangiwi este nakangisi sa ganda ng pwesto at takbo. At tila hinihintay ang katambal ng masiguro ang forecast na kumbinasyon para sa limpak na paghakot ng premyo. Maganda ang dibidendo sa forecast subalit hindi masaya ang katambal at humirit sa pwestuhan at bigayan. Mukhang pinigil ang sarili sa takbuhan sa ngalan ng Inutile subalit may limpak na kapalit.
Sa ganda ng ipinakita sa pista, hindi inaasahan na magkakaroon ng malaking usapin lalo naging magaan ang panalo na nagpapakita ng husay sa pagtakbo. Nariyan na biniyayaan ang hinete na maging regular na sasakay ng matiyak na ang susunod na takbuha’y makukuhang muli ang panalong asam. Hindi balakid sa sino mang tiyempista na may magandang itinakbo ang kampeong kabayo na nakuha ang pinakamabilis at pinaka malayong agwat sa takbuhan. Madaling nakumbinsi si Mang Juan na patok sa takbuhan ang nasabing kabayo kaya’y laging karay karay ang bisiro saan man pumunta ito. Maging sa karera ng mga kotse na siyang ibig.
Sa totoo lang, walang forever, maging sa relasyon ng mag-asawa o magkatuwang. Ang hindi mapagbigyan ang nais ng kapera’y isang isyu na hindi ilalabas ngunit kinikimkim sa sarili. Sa sitwasyong ganito, ang paghahanda’y isang matuwid na gawain upang kung dumating ang hindi inaasahan may kakayahan itong harapin. Hindi kailangang magmakaawa, sa halip ang harapin ng walang takot ang malapit na kaibigan o kalaban ng may kakayahan ang maipapakita. At dito nagsisimula ang respeto na hindi ipinapakita sa kasalukuyan dahil sa pansin na kahinaan. Hindi tuwirang gagawa para sa ikakasira ngunit magiging usapin ang pagpapatakbo na isang mabigat na pasanin sa balikat. Mapapansin ng bayan na mahina ang palakad na siyang inaabatan ng malapit na kalabang tago. Huwag ipakita na iniinda subalit hindi maihirit ang ibig na takbo at magiging mabagal ito sa mata ng tao lalo sa pangakong binitiwan. At nagtatanong bakit nagkaganito? Ano ang nangyari?
Sa paghahanda sa laban nariyan na may kilos ito na nagpapasakit sa timpla ng bayan na dahilan ng ilang katanungan. Hindi ito papansinin dahil baka nasa panahon lang ngunit ang pagpapabaya’y maaaring mauwi sa mas maraming katanungan na magpapabagal sa takbong inaasahan. Sa pagdami ng katanungan, nariyan na naghahanda ang katambal na naglalaway sa pwestong tangan. At baka mabigla, ito ang nais na sitwasyon ng trainer na saksakan ng galing lalo sa mga gimik na nawawala ang ‘di ibig. Tandaan, hindi magdadalawang isip ang tagapagsanay lalo natikman ang tamis ng paglilingkod sa bayan. At nagsisiguro na hindi ihahain upang paharapin sa liga ng ICC.
Kung sisilipin ang kalagayan ng takbo ng pamahalaan sa kasalukuyan, hirap ito sa mga kaganapan na parang kandilang unti-unting nauupos. Nariyan ang usapin sa pagpatay sa isang peryodista ngunit tahimik si Boy Pektus at tila ‘di binibigyan pansin. Negatibo ang dating nito sa tao lalo sa mga kalaban na parang hindi ito uunahin at hahayaan. Sa puntong ito, asahan ang pagbulusok pababa ng tiyempo ni BP lalo na isang daang araw sa pwesto at hindi nagpakita ng husay sa pagpapatakbo. Bukod dito, madalas na wala ito sa laban na siyang hanap ng bayan. Nariyan din na lagi itong nasa piging ng kasarapan at inuuna ang hayahay na buhay sa halip na magpataas ng serbisyong bayan. At sa totoo lang, ito ang inaabangan ng katambal na magpatay trangko sa takbuhan at ng mapalitan.
Sa pagtakbo ng mga araw, at ‘di pa nalilibing si Lapid Fire, nariyan naman ang usapin ng mga nais pumuslit upang makalaya at makatakbo ng malaya. Ngunit tila nagkamali at nakapasok sa karsel ni D5 na iniingatan dahil nagbibigay ito ng problema sa pamahalaan kung may masamang mangyari. Salamat at hindi naganap ang nais ng nag-isip o nagplano. Sa totoo pa rin, mahirap makapasok o mapasok sa lugar ni D5. Maging ang mga dayuhang nais bumisita dito’y kinailangan ng ilang araw bago pinayagang makita ang dating senadora.. Parang may naamoy si Mang Juan na kakaiba sa pangyayaring ito.
Hindi maganda ang kaganapang kung pagbabasehan ang kalagayan panglipunan. May nabubuo o binubuo bang pagka dismaya sa pagpapatakbo ng bayan na naiirita ng ilan. Maselan ang mga pangyayari lalo’t kilala ang IDG sa mga masamang gawain na nagbunga ng pagkamatay. Walang masabing dahilan bakit naganap ang magkatambal na ‘di kanais-nais sitwasyon o may ibig na pababain ang tao sa puno ng Balite ng Malacanan dahil hindi ito sumasayaw sa nais ng IDG. Hindi man tuwiran ngunit nariyan na silip sa mga galaw ang pagkabahala na baka ibigay sa ICC ang tserman ng IDG. Na kahit ang partido political ay pinapagalaw upang pahinain ang hawak ni Boy Pektus sa pamahalaan. At ang pagbibitiw ng mga kasangga ang nagpatindi sa kaba nito na baka palapit na ang katarungan sa mga biktima ng pagkawala’t paglisan.
Huwag magpakampante Boy Pektus sa taong naglalapit-lapitan at nagbabait-baitan dahil mas malapot ang dugo ni Inday Sapak sa amang kinakabahan. Sa mga pangyayari gumawa ito ng hakbang na ‘di karaniwan sa pwestong tangan, ang paghingi ng malaking pondo sa mga tanggapan na pinangungunahan eh tila larawan ng kasakiman. Ang pagpapatawag ng command conference sa mga unipormadong tauhan ng gobyerno, isang no no na kilos ng isang opisyal na naghihintay ng pag-alis ng lider ng bayan. Indikasyon ito na hindi naibigan ang kilos ni Boy Pektus lalo sa paghawak sa usapin ng IDG. Mainam na maghanda sa kilos ng matanda sa Dabaw na mapagkunwari ngunit mabalasik. Tandaan na ang bawat kilos na gagawin nito ang anak ang may pakinabang. Ang paghahanda sa kinabukasan ang magdadala sa iyo Boy Pektus hanggang sa katapusan ng iyong panunungkulan.
Ang madaliang pagputol ugnayan sa inyo ni Inday Sapak ang tamang galaw ng hindi manganib ang pwestong tangan. Huwag magpasiguro sa malambing na katambal at baka lumamig ka na parang yelo na walang pakinabang. Ang tamang serbisyong bayan ang sa iyo’y nagpoprotekta at hindi ang mapag-imbot na kaibigan na ibig malutas ang usapin ng ama na hinahagilap ng ICC upang panagutin sa pagkakasala sa bayan. Masakit ang malilo ng kaibigan na ang ambisyon ay mataas pa sa Mt. Apo ng kanilang bayan.
Maraming Salamat po!!!