Advertisers
Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang gobyerno na bumuo ng mga hakbang upang matugunan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.
“‘Yun po ang dapat nating i-address sa ngayon. Pagtataas ng presyo. Alam n’yo, bawat sentimo, bawat isa ay mahalaga sa mga ordinaryong Pilipino, lalo na po ‘yung mga minimum wage earners,” ani Go sa isang panayam matapos magbigay ng tulong sa mga residente sa San Juan City.
“Yung nagtatrabaho po araw-araw para kumita at may madala sa pamilya, napakahalaga po ng bawat piso,” aniya.
Nanawagan si Go para sa kooperasyon at diskarte sa buong bansa sa pagtugon sa isyu ng inflation, sa pagsasabing ang karaniwan at mahihirap na Pilipino ang higit na apektado ng masamang epekto sa ekonomiya ng iba’t ibang pandaigdigang krisis kabilang ang patuloy na pandemya.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang taunang inflation sa bansa ay tumaas sa 6.9% noong Setyembre mula sa 6.3% noong Agosto, ang pinakamataas na antas mula noong Oktubre 2018. Ang pinakahuling figure ay tumaas ang average ng inflation rate ng bansa sa unang siyam na buwan hanggang 5.1 %.
Ang pagtaas ng halaga ng kuryente at mga pangunahing pagkain, kasabay ng pagbaba ng halaga ng piso, ayon kay PSA head Dennis Mapa, ang pangunahing dahilan ng inflation rate noong Setyembre.
“Ako naman po bilang senador, as a legislator, tutulong po ako kung ano ang mga panukala na makakatulong to contain the increase rate of inflation,” ayon kay Go.
Nang tanungin kung papayuhan niya ang ehekutibong sangay na magbigay ng tulong pinansiyal sa mga nahihirapang Pilipino dahil sa tumataas na inflation, sinabi ni Go na dapat gawin ng gobyerno ang lahat ng kanyang makakaya upang mapagaan ang pasanin ng mga mahihirap na sektor.
“Bakit hindi? Dahil marami pong nawalan ng trabaho, tumataas ang unemployment rate natin. Gamitin natin ang pera ng gobyerno sa pagtulong sa mga mahihirap,” ani Go.
“Importante po walang magutom na mahihirap. Importante dito laman ng tiyan. Kapag maraming nagugutom, diyan po tataas ang kriminalidad, diyan rin po tataas ang panloloko sa kapwa,” dagdag niya.
Hinimok din ng senador ang kasalukuyang administrasyon na ipagpatuloy ang pagpapahalaga sa kapakanan ng mahihirap para maiwasan ang sinumang Pilipino na magutom bunga ng pagtaas ng bilihin.
“Kaya tulungan natin ang ating mga kababayan na walang magutom, walang maghirap, walang matulog sa gabi na walang laman ang tyan. Unahin po natin ang ating mga kababayan na mahihirap po,” idiniin ng senador.
Dati na ring hinikayat ni Go ang gobyerno na palakasin ang mga hakbang laban sa iba pang banta sa pagbangon ng ekonomiya, partikular na ang tumataas na presyo ng langis at gas na dala ng giyera ng Russia-Ukraine. Ipinunto ni Go na ang sigalot ay mayroon ding malalim na epekto sa pandaigdigang pamilihan, na nagiging bulnerable sa bansa sa pagtaas ng presyo ng langis.
Sa kabila ng mga hamon na ito, sinabi ni Go na maraming natutunan ang bansa sa nakalipas na dalawang taon at idinagdag na hangga’t napapanatili ng mga Pilipino ang kanilang disiplina, pagtutulungan at pakikiramay sa isa’t isa, ang Pilipinas ay patuloy na susulong tungo sa inclusive recovery.