Advertisers

Advertisers

PCKDF tuloy ang ensayo kahit kapos sa pondo

0 171

Advertisers

LIMITADO man ang pondo, tuloy sa pagsasanay at paghahanda ang mga atleta ng Canoe-Kayak and Traditional Dragon Boat Federation para sa pagsabak sa international competition kabilang na ang 31st Southeast Asian Games sa Cambodia at Asian Games sa China.

Iginiit ni National head coach Len Escollante na sa kabila nang limitadong resources at lugar para pagdausan ng mga local tournament at grassroots program ng asosasyon, hindi tumitigil ang pamunuan upang maipakilala ang sports at mahikayat ang mas maraming kabataan na subukan at pagyamanin ang talent sa paddling sports.

“Unlike any other sports, itong canoeing-kayak at dragon boat ay nangangailangan ng tamang lugar para pagsanayan at magsagawa ng tournaments. Maraming tayong ilog at katubigan pero hindi lahat ay akma para sa sports. Sa kabila nito, hindi kami tumitigil para pagyamanin ito, lalo na source of pride ang sports naming,” pahayag ni Escollante sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa Behrouz Persian Cuisine sa Quezon City.



“Very challenging sa amin dahil mahirap makakuha ng sponsors at sa kasalukuyan nakabinbin yung mga request namin sa PSC. Atleast sa SEA Games sa Cambodia yung traditional dragon lang yung isinama sa event ng Cambodia organizers,” sambit ni Escollante sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB), Pagcor at Behrouz Persian Cuisine.

Inamin ni Escollante na hindi pa niya binubuo ang line-up sa lalahukan event dahil pinag-aaralan pa niya ang istratehiya na gagamitin matapos maglagay ng restriction sa regulasyon ang Cambodia na tatlong events lamang sa nakatayang siyam na event ang libreng malalahukan ng mga bansang kalahok.

“Ipinaglaban naming ito ni POC president Bambol Tolentino, pero yun na daw ang desisyon ng organizers kaya yung anim na events good na yung medalya sa Cambodia,” ayon kay Escollante na itinalaga ni Tolentino na Deputy Chief of Mission ng Philippine delegation sa Cambodia.

“Nagpapasalamat ako ng Com. Bambol dahil first time itong mangyari na isang coach ang ma-appoint na deputy chief of mission. Itong duty na ito ibinibigay lang sa NSA heads at government officials.,” aniya.

Sa kasalukuyan, balik na rin sa face-to-face ang ensayo ng mga atleta sa kanilang training facility sa Taytay, Rizal at ibinida ni Escollante na maraming batang miyembro ang National Team na nakuha nila sa isinagawang training camp at tournament sa mga lalawigan.



Sa tulong ng mga local na pamahalaan sa Batangas, matagumpay na naisagawa ang torneo ng asosasyon, habang nagpahayag ng kahandaan ang Talisay para maging host ng international competition sa susunod na taon.