Advertisers
ANG kaganapan sa Kuta Crame ay nagsisilbing isang maliwanag at nagbabadyang panganib para sa seguridad ni dating senador Leila de Lima. Napuntahan ko ang PNP Custodial Center sa loob ng kampo noong magdaos si Leila ng kanyang kaarawan. Masasabi ko na hindi basta-basta makapasok ang sinuman sa loob ng Custodial Center dahil sa masidhing pagsala sa mga tao at kagamitan na ipinapasok sa loob. Ilang hanay ng seguridad ang dadaanan bago makapasok sa mismong piitan. Hindi ito katulad ng loob ng Maximum Security Compound ng New Bilibid Prisons dahil, bukod sa mas minamanmanan ang mga nagsisipasok dito, kakaunti lang ang mga nakapiit dito. Bukod diyan, may mga naatasang nilalang na nagsisilbing mayor at gobernador upang panatilihin ang katahimikan at orden para sa libu-libong bilanggo.
Sa PNP Custodial Center walang umaakit sa mga pulis na nagbabantay. Kaya isang tanong lang mga giliw na namamahala sa PNP Custodial Center: BAKIT NIYO HINALO ANG MGA TERORISTA AT HINDI TERORISTA!?! Para sa karagdagang-kaalaman sa mga giliw nating na pulis, “in-aid-of-police-intelligence” lang kaya pag-aralan natin: Malaki ang pagkakaiba ng “high profile” at “high risk”. Kapag sinabing “high-profile” ang detenido, ang ibig sabihin ay mataas sa kamalayan ng madla sa kanya dahil nakapiit ito bunga ng mga kasong politikal na malamang bunga ng paratang ng ilan. Si Leila de Lima ay pasok sa kategorya ng isang “high-profile” inmate.
Ang “high profile” ay maaaring “high risk” din. Si Arnel Cabintoy, Idang Susukan, na kasapi ng Abu-Sayaff, at Feliciano Sulayao Jr. ay pawang mga “high risk” detainees. Bukod kay Susukan na Abu Sayaff, ang dalawa ay kasapi ng Dawlah Islamiya sa Maute Group, at sangkot sa pagsalakay sa Marawi City. Maaaring “high profile” sila, pero sa PNP lang dahil nasukol at detenido na sila. Sa madla at PNP, sila ay ay maituturing na mga “high-risk” na inmates. Simple lang ang tanong ng abang kolumnistang ito BAKIT PINAGSASAMA NG PNP ANG MGA “HIGH-PROFILE” AT “HIGH-RISK” DETAINEES SA ISANG PIITAN?!? Si Leila de Lima ay maituturing na isang “prisoner of conscience” at lantad sa balita at kamalayan ng marami na nakapiit siya dahil sa kagagawan ni Rodrigo Duterte at mga kasapakat. Hindi kailanman matatawag matatawag na “high risk” dahil, kahit nakakulong dahil sa paratang ng kasapakat at ni Duterte, kailanman hindi siya tatakas. Ito ay dahil may kumpiyansa siya na manaig ang batas.
Alam ng butihing senador na sa kalaunan, mangingibabaw siya sa huli. Samantala, ang tatlong “high profile” na napatay sa huli, ay ipinakita ang kanilang mapagtaksil, kahit nagmistulang mga maamong tupa, at pinagkakatiwalaang tagapamahagi ng pagkain ng mga preso. Talaga lang ha PNP? Ano ito “reverse-Stockholm syndrome? Kung hindi alam ang kahulugan ng “Stockholm Syndrome” wala pong bayad mag-Google. Mantakin na muntik naging sanhi ng isang napakalaking trahedya ang tiwala niyo. Bagkus, nagpapasalamat ang abang kolumnistang ito sa agarang pag-responde ng mga matino at matalinong pulis. Lalo na agaran at matalinong pagtugon ni Col. Mark Pespes na nagpakita ng agap, na naging sanhi sa pagwawakas ng “hostage situation”. Kahit naospital, ligtas sa kapahamakan si Leila de Lima, sampu ng kanyang mga kabarong nasugatan. Kasama po ako sa panalangin ng agarang paggaling nila. Kasama din ako sa mga nananawagan sa kinauukulan na palayain na siya. FREE LEILA DE LIMA NOW!!!
***
MATINDI ang kinakaharap ng kasalukuyang kalihim ng DoJ Jesus Crispin Remulla, na pinili ni BBM na mamuno sa DoJ. Simula’t sapul ng nabalot sa sunod-sunod na kontrobersiya ang kanyang panunungkulan. Kaalyado siya ni Rodrigo Duterte, at kasapakat sa pag-igting ng kanyang mga agenda. Batid ng lahat na si Boying Remulla alyas “Kabise” ay pro -China. Dahil pro-China, pro-POGO siya. Balintuna, dahil bilang kalihim ng DOJ, aprobado sa kanya ang pananatili ng POGO kahit ilegal. Pero mas balintuna nang madakip ang kanyang anak si Juanito Jose Diaz Remulla III, 38 na taong gulang, ng Block 6 Lot 7 Primrose St. Ponte Verde, BF Resort Village, Talon Dos, Las Piñas City dahil sa pagpuslit ng 931 gramong “kush”, isang malakas na uri ng cannabis o marijuana na may halaga na P1.3 milyon. Dinakip si Remulla ng mga operatiba ng NAIA/PDEA Inter Agency Drug Interdiction Task Group o NAIA-PDEA-IADITG nang nagsagawa sila ng isang “controlled delivery” noong Martes. Oktubre 11. Ayon sa isang tanod, hindi kilala si Remulla sa lugar kaya hinala na inuupahan ang lugar bilang bagsakan ng kalakal niyang droga.
Ayon sa mensahe ni Kabise, hindi siya makikialam o gagamit ng impluwensya sa kaso ng anak. Bagamat naaawa siya sa kalagayan ng anak at nararapat bigyan ng unawa, sumumpa siya bilang naninilbihan sa pamahalaan, at ito ay nangingibabaw sa lahat. Bagama’t wala siyang kaalam-alam sa pangyayari, nagpapasalamat siya sa PDEA at sumasang-ayon siya sa ginawa nila. Heto lang po ang munting opinyon ng abang mamamahayag: Ipalagay natin na ang marijuana ay ginagawa ng legal at “decriminalized” sa ilang bahagi ng daigdig, kasama ang Estados Unidos, nananatili ilegal ito sa Pilipinas, at ang mahuhuling nagpupuslit ay nahaharap sa pagkakulong dahil sa “drug trafficking. Liliwanagin na hindi ako kumokontra sa pag-alis ng marijuana sa listahan ng ga ilegal na droga. Ito ay alinsunod sa nagaganap na “decriminalization.” Isang halimbawa ang Thailand na kamakailan lang ay may isa sa pinakamahigpit na batas laban sa marijuana. Ang katotohanan? ITO AY ILEGAL SA REPUBLIKA NG PILIPINAS.
Maganda ang sinabi ni Kabise na liham na pinadala sa kapatid Johnvic. Inaasahan namin na susunod kayo sa isinasaad ng batas, kung saan ang DoJ secretary ay walang kinikilingan at patas. Magiging tuluyang balintuna kung walang mangyayari sa kaso niya. Heto ang sinabi ni Sahid Sinsuat Glang dating envoy at ngayon isang netizen. Hinalaw ko po sa Tagalog nang lalong maunawaan: Ilang legal principles at procedures sa kaso ng anak ni Boying Remulla. Itinuro sa akin ito ng isang abogado:
1. Juanito Jose Diaz Remulla III ay nahuli “in flagrante delicto” (caught in the act of wrongdoing) na ang ibig sabihin hinuli siya ng lantaran o sa Ingles “caught red-handed”.
2. Ang pagdakip ay hindi kailangan ng “warrant of arrest” mula sa mga hukuman.
3. Ang pagdakip ay alinsunod sa “principles of search incidental to lawful arrest”.
4.Ang kaso ay wala na sa PDEA. Ito ngayon ay nasa DOJ. At ang prosecutors nito ay magsasagawa ng inquest proceedings sa loob ng 36 na oras.
5.Ang problema:o ang mga prosecutors ay nasa ilalim ng DOJ Secretary. Kakasuhan ba nila ang anak ng kanilang boss?
6.Ang pangako na hindi makikialam si Boying Remulla sa kaso ng kanyang anak, at hayaan ang proseso ang manaig, ay isang kabulaanan.
7.Ang pangamba na ang makapangyarihang pamilya ng mga Remulla ay maghihiganti sa mga prosecutors kapag itinuloy nila ang asunto laban sa anak.
Para magkaroon ng tunay at impartial investigation at prosecution sa kaso, nararapat magbitiw bilang DoJ Secretary si Remulla! Bagaman, inaasahan na tototohanin mo ang sinabi mo noon na ninanais mo ang hatol na kamatayan para sa mga sangkot sa droga . Inihambing mo pa nga sila sa mga ipis na mahirap patayin. Andiyan na ang anak mo. Halatang obvious na nagtutulak ng marijuana di ba? Siya ang sampolan mo. Dahil Kalihim ka ng Kagawaran ng Katarungan sana walang salamankang magaganap. Pero, dahil sa delicadeza, at para mawala ang anumang agam-agam, inaasahan ang agaran mong pagbibitiw. Talagang ganoon Kabise. Minsan ang tadhana ay nagagawang bulagahin ka at batukan. Ng bonggang-bongga. Kaya wag ka na magpatumpik-tumpik? RESIGN!!!