Advertisers
NASAWI ang isang senior citizen at dalawa ang nasugatan nang dumausdos ang isang truck ng bumbero na rumesponde sa sunog sa Makati City.
Kinilala ang nasawi na si Florencio Balaoing Jr. na pumailalim sa truck nang tumulong sa pag-apula sa sunog.
Isinugod naman sa ospital ang dalawang sugatan na sina Rita Roxas at Relin Azuelo na kapwa nagtamo ng bali sa katawan.
Ayon sa Makati City Police, nakatayo ang mga tao at bumbero sa kalsada ng Barangay Guadalupe Viejo nang biglang nagdiretso ang fire truck sa Barangay Poblacion hanggang masagasaan ang mga taong naroon.
“Pababa ‘yung kalsada, binigyan ng kalso pero ang problema, noong bumaba itong driver para kunin ‘yung hose at tumulong sa pagpatay ng sunog, biglang umabante itong firetruck,” pahayag ni Makati City Police chief Colonel Edward Cutiyog.
Sumuko naman sa awtoridad ang driver ng fire truck na si John Polinar Orbeta.
Pinag-iisipan pa ng pamilya ng nasawi kung magsasampa ito ng reklamo laban sa driver o makikipag-areglo na lamang.