Advertisers
ANG Cavite ay kilalang lugar ng mga matatapang nating bayani, isa ito sa mga lalawigang tanyag din bilang “Duyan ng mga Magigiting,” pero sa paglipas ng panahon, ang kinang nito’y unti-unting kumukupas dahil sa pagsulpot ng mga bisyo na naghahari na ngayon sa lalawigan ni Gov. Junvic Remulla.
Ang alaala ng pakikibaka ng ating mga bayaning sina Emilio Aguinaldo at ng 13 Martir ng Cavite, ay nababalewala pagkat hindi lang vice dens ang nagkalat sa buong probinsya kundi tumaas pa ang insidente ng kriminalidad dahil sa agawan ng balwarte ng mga operator ng mga iligal tulad ng sakla, card games, jueteng, lotteng, video karera at maging ng paihi operation.
Pero bilang AMA ng Cavite, hindi maiaalis sa malikot na isipan ng taumbayan, lalo ang mga kalaban sa pulitika, na may pananagutan si Gov. Remulla sa mga nagkalat na bisyo, illigal gambling at kaliwa’t kanang pagkakaroon ng krimen.
Hindi kuwestiyon ang pagiging magaling at maayos na lingkod bayan nitong si Gov. Remulla, dahil gumanda at umunlad ang Cavite, pero sa isang pamumuno hindi maiiwasan ang mga negatibong pahayag o kritiko.
Nguni’t ang masaklap, nagagamit ang pangalan ni Gov. Remulla sa pagpapakalat ng naturang iligal na sugal ng apat na nagpapakilalang tauhan ng gobernador at isang close-in kuno ni Cavite OIC PD P/Col. Christopher F. Olazo.
Ang lima-kataong ito ang nagbigay kuno ng go- signal sa isang nagngangalang alyas “Erik Turok” at ilan pang sakla operator para magpasakla sa Cavite.
Bukod sa sakla, sila din ang itinuturong nasa likod ng operasyon ng ilan pang iligal na sugal at nangongolekta ng weekly protection money karay- karay pa rin, hindi lamang ang pangalan ng gobernador kundi maging ni OIC PD Olazo.
Apat sa kanila ang nagpapakilalang bata-bata at bagmen ni Gov. Remulla, ay kinilala ng ating mga KASIKRETA na sina alias Minong Kupal¸Totoy Tiyanak, Elwin at Hero.
Isang alyas Tagoy naman na retiradong pulis ay nagpapakilalang close-in ni PD Olazo, lahat sila ay mga “kasosyong laway” naman ni alyas Erik Turok sa pag-ooperate ng mga saklaan sa mga bayan ng Tanza at Indang.
Sila ang mga anay ng Cavite, batik at dungis sa imahe nina Gov. Remulla at PD Olazo, ngunit di masupil ang mga kawalanghiyaan, pagkat protektado nga ng ilang matataas na opisyales ng LGU at kapulisan.
Silang lima ay pawang “kasosyong laway” ni alyas “Erik Turok” pagkat di naman ang mga ito nagbibitaw o nag-invest ng puhunan, pero regular at malimit pa nga ay adavance kung komolekta ng kanilang kaparte sa salaping kinikita sa pagpapasakla gamit na panakot sa mga di kakamping mga awtoridad ang pangalan nina Gov. Remulla at PD Olazo.
Ngunit hindi lamang pala sina Gov. Remulla at PD Olazo, ngunit sa pinakahuling ulat ng ating mga KASIKRETA pati pala pangalan ni PNP Director Gen. Rodolfo Azurin Jr. ay kasali na din sa pangalang ginagamit sa pangongotong ng grupong kilala na din sa Cavite bilang Governor’s Squad at PD Olazo Boy?
At ang “pinaka-baka” o kalabaw nga nila (Minong Kupal, Totoy Tiyanak, Elwin, Hero at Tagoy ) ay si alyas “Erik Turok.
Baka at kalabaw ng Governor’s Squad at ni close-in Tagoy si alyas “Erik Turok” pagkat ito ang tagahatag ng mga protection money para sa mga sinusuhulang awtoridad mula sa tanggapan ng barangay, ilang hepe ng kapulisan, provincial police office, CIDG, hanggang Camp Crame, Quezon City.
Talaga naman kayang nakakarating sa tanggapan ni PNP Chief Azurin Jr. ang kanilang kinokolektang padulas? Anyare na ba talaga sa “No Take Policy” ng PNP?
Unang nalatagan ng mga saklaan nina alyas “Erik Turok”, Governor’s Squad at Tagoy ang mga matataong lugar sa bayan ng Tanza tulad ng Poblacion 1, mga kanugnog na barangay na Daang Amaya 1, Daang Amaya II, Julugan VI, Julugan VII at Julugan VIII na pawang nasa delantera o lantad na lugar.
Ang mga pwestuhan ng sakla tulad ng nasa tapat ng Goldilocks Bake Shop sa Daang Amaya I at sa malapit sa Sea Oil Gasoline Station sa Daang Amaya 2 ay parehong dinudumog maging ng mananayang mga menor de edad at drug adik.
Sa kabuuan ng 41 barangay sa Tanza at 36 komunidad sa munisipalidad ng Indang ay umaaabot na sa may 50 saklaan ang nailatag nina alyas ” Erik Turok”, Governor’s Squad at Tagoy kaya nagpuputok naman ang butse ng mas maraming lokal na pulis lalo na yaong di naambunan ng payola mula sa pasakla.
Ang payola din kayang ito ang dahilan kung bakit di gumagalaw laban sa naghambalang na saklaan sa kanilang hurisdiksyon sina Tanza Municipal Police Chief P/LtCol. Gerry Laylo at Indang Police Commander, P/Maj. Ernesto Caparas Jr?
Sayang naman ang maningning na pangalan nina PD Col. Olazo, Police chief, LtCol. Laylo at P/Maj. Caparaz Jr. kung dudungisan lamang ng isang alyas “Erik Turok”, Governor’s Squad (Minong Kupal, Totoy Tiyanak, Elwin Hero) at Tagoy.
Baka mahawa ps sa kapalpakan ng mga ito (PD Olazo, LtCol. Laylo at Maj. Caparaz Jr.) si Region 4A Director, PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr.? Huwag naman sana…
Sa kabila ng mainit na pagtututol ng mga civic-spirited group laban sa talamak na operasyon ng bawal na bisyo sa naturang lalawigan, lalo na sa mga bayan ng Tanza at Indang, ay naghahanda naman palang magbukas na din ng saklaan ang grupo nina alyas “Erik Turok”, Governor’s Squad at Tagoy sa mga siyudad ng Imus, Rosario at Cavite at mga munisipalidad ng Kawit at Noveleta.
Hangga’t di nasasawata nina PD Olazo at Gov. Remulla ang salot na grupong ito sa Cavite ay walang magandang patutunguhan ang naturang lalawigan…
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; sikretangpinas@gmail.com.