Advertisers
NILINAW ng pulisya na dalawa ang “middlemen” sa kaso ng pagpaslang sa mamamahayag na si Percival Mabasa, mas kilala bilang “Percy Lapid”.
Sinabi ni Police General Kirby Kraft, hepe ng Southern Police District (SPD), na ang isang middleman ay nakakulong sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at ang isa ay nasa New Bilibid Prison na siyang namatay.
Matatandaan na sinabi ng sumuko na gunman na anim ang kasabwat niya kaya may dalawang middlemen.
Nitong Huwebes kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pumanaw ang middleman sa Bilibid na siyang pinangalanan ng self-confessed gunman na si Joel Escorial.
Kinilala ang naturang PDL na nasawi na si Crisanto Palana Villamor, Jr. (Jun Villamor), at base sa death certificate nito, ‘Undetermined’ ang cause, namatay Martes ng hapon, Oktubre 18, 2022.
Sa nabanggit na araw din iniharap ng pulisya sa mga mamamahayag si Escorial, ang sumuko at nagpakilalang bumaril kay Lapid.
Sa naturang araw, sinabi ni Escorial na isang tao na nasa Bilibid ang kumontrata sa kanila para patayin si Lapid.
Sa extrajudicial confession ni Escorial, sinabi niya na si Villamor o Idoy ang nag-utos sa kanila na patayin si Lapid kapalit ng P550,000.00.
Isang Christopher Bacoto alias Yoyoy na kilala rin bilang Jerry Sandoval ang kumausap daw sa iba pa niyang nakasama sa pagpatay kay Lapid na sina Israel at Edmon Dimaculangan at isang alyas Orly/Orlando.
Iniutos na ang mas malalim na imbestigasyon tungkol kina Villamor at Bacoto.
“Merong autopsy na ginagawa ngayon at malaman muna namin ang autopsy (result). Dahil once talagang merong foul play dito, talagang galit kami. Galit na galit kami. We are demanding, kung mangyari man yun, ang mananagot ay dapat managot,” sabi pa ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.
Nito ring Huwebes nagpalabas ng pahayag si PNP Officer-in-Charge Lt. Gen. Rhodel Sermonia na nasa kulungan pa ang nasabing middleman.
“The middleman who contacted Joel Escorial is now in jail. He is still undergoing trial waiting for a decision (sa ibang kaso). It’s a drug-related case. We need to secure the middleman because he will be a great help in establishing who is the mastermind,” sabi ni Sermonia.
Samantala, napuna ni Roy Mabasa, kapatid ni Percy Lapid na isa ring mamamahayag, at sinasabing hindi nakipagtulungan ang Bureau of Corrections (BuCor) sa Philippine National Police (PNP) sa misteryosong pagkamatay ng middleman sa Bilibid.
Sabi ni Mabasa, mayroong malawakang sabwatan sa pagpatay sa kanyang kapatid.
“Ito’y nagpapatunay na mayroong malawakang sabwatan na nangyayari dito sa pagpatay sa aking kapatid,” wika ni Mabasa. “Magiging stumbling block ito dun sa pag-usad ng kaso. Saan na aabot ‘yung kaso kung walang middleman na magtuturo dun sa mastermind?”
“Sobrang lungkot po ng pamilya namin sa pangyayaring ito. Hindi po namin maubos maisip kung papaanong nangyayari ito sa supposedly ay isang sibilisadong bansa na kagaya natin. Nanlulumo po kami sapagkat napakalaking breakthrough sana itong mga development na nangyayari. Ilang araw pa lamang ay meron nang mamamatay na supposedly vital dito sa magiging kaso na isinampa natin,” dagdag pa ni Mabasa.
“Parang merong nangyaring hindi maganda diyan between the PNP and the BuCor. Hahayaan natin ang PNP at ang BuCor magpalabas ng kanilang mga statement itong mga susunod na araw, sapagkat ito ay clearly na kapalpakan sa coordination,” diin ni Mabasa.
Ayon pa kay Mabasa, ilang araw na rin nilang sinasabi na protektahan ang lahat ng taong may kinalaman sa kaso ng pagpatay sa kanyang kapatid.
“Subali’t ito nga biglang mag-announce ang DoJ na patay na pala ‘yung nasa kustodiya ng isa sa mga ahensya sa ilalim nila. Dapat may mananagot sa ganito.”