Advertisers
KAMAKAILAN lamang ay nagtagpo ang mag-inang tatlong dekada nang di nagkikita.
Itinago sa pangalang Anne ang ina, at ang anak naman ay si Jennifer, minabuti ng International Committee of the Red Cross (ICRC) ang paraang ito upang maproteksiyunan ang kapakanan ng mag-ina.
Dangan kasi, itong si Anne noong anim na taon gulang pa lamang ang anak na si Jennifer, ay naenganyong magtrabaho sa Malaysia. At dahil sa kagustuhang mapabuti ang kanilang buhay, ay biglang naglaho si Anne at di man lang nagpaalam sa kanyang pamilya nang ito ay lumisan para mangibang bayan.
Ngunit nai-scam si Anne at napilitang maging entertainer na lamang sa Malaysia na tumatanggap ng maliit na sahod. Nang makatakas sa ganung kalagayan ay nagtiis naman bilang domestic help at kahit construction worker ay pinatulan niya na rin.
Hanggang natapos ang kanyang kontrata, nakabalik si Anne sa Pinas noong 2006. Ngunit di pa rin siya nagpakita sa kanyang pamilya at sa anak na si Jennifer. At sa halip ay sa isang liblib na bayan sa Mindanao kung saan inabot na naman siya ng indulto nang maaresto ng mga awtoridad nang dahil sa armed conflict noong 2017.
Salamat na lamang at nabisita siya ng ICRC sa Taguig City Jail bilang bahagi ng humanitarian mandate nito sa Pilipinas.
Matagal nang ginagawa ito ng ICRC, halos 150 taon na nga silang tumututok sa mga tinatawag na ‘people deprived of their liberty’. Nagbibigay daan din ito sa muling pakikipag-ugnayan ng pamilya sa mga naka-kulong dahil sa armed conflict at karahasan.
At sa pagkakataon ngang iyon ay sinamahan ng ICRC itong si Jennifer upang makita ang kanyang inang si Anne.
Malungkot ang pagtatagpong iyon ng dalawa, na tatlumpu’t taon (30 years) na di nagkita.
Dahil sa ICRC Family Visit Programme (FVP), sa ilalim ng kanilang Restoring Family Links (RFL) initiative, natulungan ang nagkahiwalay na mag-ina sa mahabang panahon.
Nabigyan ng ICRC ang ngayon ay 36-year-old na si Jennifer na maka-ngiting muli at sumaya, sa muli nilang pagkikita ng kanyang inang si Anne.
Para naman sa inang nawalay sa kanyang anak sa mahabang panahon, walang ibang ninanais si Anne kung di ang pasalamatan ang ICRC.