Advertisers
SHOCKING at nakapagtataka ang pag-disqualify ng Commission on Elections (COMELEC) Second Division kay Albay Governor Noel Rosal.
Bakit? Aba’y waring isinantabi ang napakataas na bilang ng mga boto na nakuha ni Albay Governor Noel na 469,481 nung nakalipas na eleksyon. Halos doble ito ng bilang ng boto na nakuha ng kanyang katunggali na si ex-governor Al Francis Bichara at walang puwang na iniwan para pagdudahan ang pagkapanalo.
Karaniwan na kwento ang bilihan ng boto o vote buying kapag dikit na dikit ang laban ng magkatunggaling kandidato. Pero sa kaso ni Rosal, kitang kita na ang sobrang laki ng botong nakuha niya ay ebidensya ng umaapaw na suporta ng taong bayan sa Albay. Mismo!
Klarong klaro na hindi kailangan bumili ng boto ni Rosal at hindi kayang bilihin ng pera ang ganun kalaking pagkapanalo sa buong Albay.
Pero, bakit ganon na lamang ang suporta ng taongbayan kay Rosal?
Nuong lumabas ang balita ng pag-“disqualify” sa kanya ng isang division ng Comelec, pwedeng isipin na magsasawalang kibo nalang ang mga mamamayan na bumoto sa kanya kung hindi tutoo ang kanilang suporta. Pero lampas 25,000 ang tao na sumalubong sa pagtawag ni Bishop Joel “Bong” Baylon ng Diocese of Legazpi City ng “DASAL PARA KAY ROSAL”.
Maalala natin na si Bishop Baylon ang nanawagan nuon na imbestigahan ang quarrying sa Mayon Volcano na sinisi niya sa pag-agos ng lahar na kinasira ng 300 bahay doon. Waring pag-uulit ng trahedya nuong 2006 kungsaan 1,400 na tao ang namatay sa lahar flow.
Maraming yumaman ng husto sa quarrying sa Mayon Volcano, pero ang naging kapalit naman eh buhay ng tao. Si Governor Rosal lamang ang tumayo at tumakbo para labanan ang nakakamatay na quarrying sa kanyang probinsya.
Kaya nuong nahalal si Rosal bilang Governor, ‘STOP QUARRYING’ ang naging kauna-unahang utos niya. Kaya hindi maiwasan isipin na baka ang nawalan ng delihensya sa quarrying ang sumuporta sa pagpapa-disquaify sa kanya. Mismo!
Hindi masasabing nabibili ang desisyon ng COMELEC sa mga protesta at pagpapa-disqualify, pero hindi rin yata kapani-paniwala na tamang tanggalin ang nahalal na gobernador ng Albay at hayaang manumbalik ang nakamamatay na quarrying sa Mayon. Mismo!
Comelec Chairman George Garcia, Sir! Hello!!!
***
Planong bumalik sa politika ng natalong presidential candidate na si Manny Pacquiao, ang tanging boksingero sa mundo na nagkampeon sa walong iba’t ibang dibisyon mula sa flyweight hanggang super welterweight na pumasok sa politika.
Sinabi ito ni Pacquiao sa isang Korean variety show. Aniya, pumasok siya sa politika para makatulong sa mahihirap at mawala ang korapsyon sa ating bansang Pilipinas.
Bago sumabak sa presidential derby noong 2022 kungsaan pumangatlo siya, si Pacquiao ay nakatapos ng isang termino bilang Senador (2016-2022) pagkatapos ng isang termino bilang kinatawan ng General Santos City.
Maaring Senador uli ang takbuhin ng 43-anyos na Pacquiao.
Iboboto nyo ba uli siya? Hehehe…