Advertisers

Advertisers

Bong Go: Seguridad sa pagkain mahalaga sa ekonomiya

0 257

Advertisers

Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go kung gaano kahalaga ang pagtiyak sa food security ng bansa para makamit ang inclusive economic recovery ng bansa.

Hinimok din ni Go ang mga awtoridad na tugunan ang iba pang isyu na bumabagabag sa sektor ng agrikultura nang hindi alintana kung pipiliin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na humirang ng isang kalihim o manatili bilang pinuno ng Kagawaran ng Agrikultura.

“Gaya ng sinabi ko, prerogative po ‘yan ng Pangulo. Nasa Presidente na yan,” ani Go sa isang ambush interview matapos personal na tulungan ang mga nasunugan sa Malabon City.



“Importante naman po para sa atin, whether meron tayong full-fledged (DA) secretary or kung si Pangulong Marcos po ang mananatili, ay mabigyan ng agarang solusyon ang isyu ng matataas na presyo ng farm products, mababang farm gate prices, at smuggling ng agrikultura. Dapat mapigilan itong smuggling,” dagdag niya.

Iginiit ni Go na ang mga ordinaryong Pilipino, hindi mga smuggler, ang dapat na umani ng higit na benepisyo sa agrikultura.

“Dapat po ang mga ordinaryong mamamayan ang makikinabang dito sa agriculture, hindi ‘yung mga smuggler, hindi lang ‘yung mga (malalaking) negosyante,” aniya.

Hinikayat din ng senador ang mga awtoridad na unahin ang kapakanan ng mga Pilipinong magsasaka upang matiyak ang isang produktibong sektor ng agrikultura habang nagbibigay ng mga oportunidad sa ekonomiya sa mga kanayunan.

Bilang karagdagan, itinaguyod ni Go ang mas malaking pamumuhunan sa agrikultura upang mapataas ang produktibidad ng mga magsasaka. Kung patuloy na lalago ang ekonomiya ng bansa, dapat matiyak ang food security, at matugunan ang inflation, diin ng senador.



“Ang pinakaimportante sa issue ngayon is itong food security. It’s very essential in our full and inclusive econmic recovery. Tsaka maagapan po ‘yung pagtaas ng presyo,” dagdag ni Go.

Si Go ay nagsusulong para sa iba pang mga programa upang suportahan ang mga magsasaka at mangingisda sa bansa. Dati, itinulak niya ang pagpapahusay ng irigasyon ng mga lupang sakahan at pagpapalawak ng National Rice Program, Rice Competitiveness Enhancement Fund, at iba pa.

Muli ring iginiit ng senador ang pangangailangang bigyan ng mas maraming insentibo ang mga anak ng mga magsasaka, tulad ng scholarship grants, upang himukin silang ipagpatuloy ang pag-unlad ng sektor ng agrikultura.

Kasama rin sa pag-akda ni Go ang panukala ng Senado na naging Republic Act No. 11901 o ang “Agriculture, Fisheries and Rural Development Financing Enhancement Act of 2022”. Ang batas ay nagtatadhana ng sistema ng pagpopondo sa agrikultura, pangisdaan at pagpapaunlad ng kanayunan upang mapabuti ang produktibidad, kita, pagiging mapagkumpitensya at kapakanan ng mga benepisyaryo ng komunidad sa kanayunan.