0 204
Advertisers
BINIGYAN ng Korte Suprema ng 15 days ang Commission on Elections, Kongreso, at ang petitioner na si Atty. Romulo Macalintal para magsumite ng kanilang memoranda pagkatapos ng oral argument noong Biyernes (Oktubre 21) tungkol sa kinukuwestiyong batas sa pagpaliban uli sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Inatasan din ng Korte Suprema ang COMELEC na magtakda ng petsa ng BSKE sakaling magpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang kataas-taasang hukuman.
Dapat ay sa Disyembre 5, 2022 idaraos ang BSKE. Pero binaril ito ng Republic Act 11935 na ipinasa ng Kongreso at pinirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. noong Oktubre 12.
Kinuwestyon ng election lawyer na si Macalintal ang panglimang beses nang pagpaliban sa BSKE simula 2016. Sa isang isang petition, hiniling niya sa Korte Suprema na pigilan ang bagong pasang batas para sa pagpaliban sa village election dahil lamang sa “gagamitin muna ang pondo nito para sa pagbangon ng ekonomiya na pinadapa ng Covid-19 at magamot ang sugat na dulot ng nakaraang national election”.
Malalaman natin bago matapos ang Nobyembre kung ano ang magiging desisyon rito ng Korte Suprema. Wait and see tayo rito, mga pare’r mare.
Kapag pinaboran ng kataas-taasahang hukuman ang petition ni Atty. Macalintal, malamang na mag-adjust ng at least two months ang COMELEC para ituloy ang BSKE. At kapag pinaboran naman ng mga Mahistrado ang RA11935, sa huling linggo na ng Oktubre 2023 ang BSKE.
Unang na-postpone ang BSKE pag-upo ni ex-Pres. Rody Duterte noong 2016, tapos 2017, 2018 at itong 2022, kungsaan overstaying na ang mga kasalukuyang opisyal ng barangay at nagsipag-asawa narin ang mga SK official.
***
Tama ang mungkahi ng kinatawan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Partylist na si France Castro na isalang sa lifestyle check ang mga opisyal ng Bureau of Correction (BuCoR) partikular si Director General Gerald Bantag, isa sa 160 ‘persons of interest’ sa pagpaslang sa hard-hitting radio commentator at tabloid columnist na si Percy Lapid.
Si Bantag, kasalukuyang nasa preventive suspension, ay binatikos ng todo ni Lapid sa kanyang programang ‘Lapid Fire’ sa radio DWBL na nakapagpatayo umano ng mansion nang maitalaga sa BuCor.
Sa pagsuko ng hitman ni Lapid na si Joel Escorial, ikinanta nito ang “middleman” na nakakulong sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Namatay naman ang sinasabing middleman na si “Jun Villamor” ilang oras matapos banggitin ni Escorial sa press briefing na ito ang nag-utos sa kanila para likidahin si Lapid sa presyong P550,000.
May isa pang middleman na nagngangalang Christopher Bacoto alyas “Jerry Sandoval” alyas “Yoyoy” na nakakulong sa BJMP sa Taguig City.
Itong Bacoto raw ang komontak sa magkapatid na Edmund at Israel Dimaculangan para maging katuwang ni Escorial sa paglikida kay Lapid.
Lumabas naman ang sister ni Escorial na si “Marisa” at ikinuwento niya na nag-usap sila sa telepono ni Villamor bago ito pinatay este mamatay kung sino ang mastermind sa pagpatay kay Lapid.
Si Marisa ay kay Sen. Raffy Tulfo lumapit.
Hinihingi ngayon ng PNP kay Tulfo ang cellfone na ginamit ni Marisa sa pag-text kay Villamor. Subaybayan!
0 204