Advertisers

Advertisers

PAGHAHANDA NG MUNTI LGU, NCRPO, MPD, AT QCPD SA UNDAS 2022

0 260

Advertisers

HANDANG-HANDA na ang lahat sa darating na All Saints’ Day sa Nobyembre 1.

Ito ay kilalang pagdiriwang ng mga Kristiyano bilang pagpupugay sa lahat ng mga santo. Siyempre, kasama na riyan, ang All Souls’ Day naman sa Nobyembre 2 na ginugunita sa Pilipinas bilang Undas.

Ngayong 2022, matapos ang mahigit dalawang taon, balik na ang lahat sa tradisyunal na pagbisita sa mga sementeryo. Hindi na ito gagawin sa ating mga tahanan at sa ating mga puso lamang dahil sa pagbaba ng COVID-19 cases, hindi lang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo.



Maging ang ating mga awtoridad at mga lokal na pamahalaan ay ‘all systems go’ na.

Sa Muntinlupa City, naglabas ng guidelines si Mayor Ruffy Biazon para sa pag-obserba ng Undas season.

Ayon kay Public Information Office (PIO) Chief Tez Navarro, lahat ng mga sementeryo at memorial parks sa lungsod ay bukas mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 1, alas-6:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi.

Para sa maayos at ligtas na paggunita ng Undas, sinabi ni Navarro na hindi papayagan ang paglilibing at pagsasagawa ng cremation sa loob ng nasabing panahon, maliban na lamang sa mga espesyal na kaso.

Hanggang tatlong oras lang maaaring bumisita ang bawat pamilya sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay. Bagama’t optional o boluntaryo na ang pagsusuot ng face mask, binanggit ng Munti LGU na mahalaga pa ring sumunod sa minimum health protocols, kabilang ang physical distancing at paghuhugas ng kamay.



Hinimok din ng lokal ng pamahalaan ang mga matatanda na 60 taong gulang pataas at mga batang 12 taong gulang pababa na huwag nang magtungo sa sementeryo.

QCPD GAGAMIT NG DRONES KONTRA KRIMEN

Inihayag nga pala ni Quezon City Police District (QCPD) director Brig. Gen. Nicolas Torre III na asahan na raw ang mas mabilis na pagtugon ng mga pulis sa anti-crime operations dahil gagamit na sila ng unmanned aerial vehicles (UAVs) o drones.

Makakaagapay aniya ng mga awtoridad sa kanilang pagpapatrulya ang mga drones na ito. Isang buwan na raw na nagsasanay ang mga tauhan niya sa paghawak ng mga UAVs.

Inaasahan daw na magagamit na ang 20 drones sa mga susunod na araw, lalo na sa panahon ng Undas.

1,000 MPD COPS IDE-DEPLOY NEXT WEEK — PBGEN DIZON

Aba’y maging ang Manila Police District (MPD) ay ready na rin sa Undas season.

Sa panayam ng inyong lingkod sa programang “BRGY.882” sa DWIZ 882, sinabi ni MPD Director Brig. Gen. Andre Dizon na tinatayang 1,000 personnel ang ide-deploy nila sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day sa lungsod.

Siyempre, tututukan nila ang mga pribado at pampublikong sementeryo sa kanilang area of responsibility (AOR). Binanggit din ni Dizon na ilan daw sa mga bawal na aktibidad sa mga sementeryo ay ang pagsusugal at pag-inom ng alak, gayundin ang pagdadala ng baril, matutulis na bagay, kutsilyo, box cutters, at flammable materials.

Tandaan na bawal din sa mga sementeryo at memorial parks ang paggamit ng videoke at sound system.

WALANG BANTA SA SEGURIDAD SA UNDAS SEASON—NCRPO SPOX VERSOLA

Nilinaw ni National Capital Region Police Office (NCRPO) spokesman Lt. Col. Dexter Versola na wala silang natatanggap na security threats ilang araw bago ang Undas 2022.

Gayunman, sa panayam ng inyong lingkod sa programang “BRGY.882” sa DWIZ 882, binanggit ni Versola na mas paiigtingin pa rin ang police visibility at mobile patrols sa kanilang mga nasasakupan bilang preparasyon sa espesyal na okasyon.

Bahagi pa rin daw ito ng S.A.F.E. NCRPO project ni Regional Director PBGen. Jonnel Estomo.

Bukod aniya sa mga force multipliers, tinatayang 10,000 pulis ang ipapakalat nila sa 80 cemeteries at 24 columbariums sa Kalakhang Maynila.

Mabuhay po kayong lahat, mga bossing, at God bless!

***

Katuwang ang SM Foundation at iba pa, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa IZTV Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!