Advertisers
Susmayorsep! Nakatatawa talaga itong Caloocan City Police, seryoso daw sila sa kampanya laban sa ilegal na droga at ilegal na sugal pero sa totoo lang lumalabas na kulang ang kanilang gera sa mga nasa likod ng ilegal na aktibidades.
Oo, may mga napaulat na nagkakaroon naman ng huli ang mga operatiba sa kanilang operasyon pero ang lahat ay “for compliance” – masasabing nagtatrabaho lang sila o may maisumite kay NCRPO Chief, Police Director Jonnel Estomo na accomplishment. Tapos heto naman si Estomo ay hangang-hanga naman sa mga maliitan huli.
Pero ano pa man, kamakailan ay umaabot sa P12 million halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nakumpiska sa lungsod ng Police Drug Enforcement Group at Northern Police District sa dalawang itinuturing na high value target drug personalities. Ewan ko lang kung kasama ang Caloocan Police sa nasabing accomplishment. But anyway, saludo tayo sa PNP sa trabahong ito.
E ang kampanya laban sa ilegal na sugal? Iyan ang masasabing ang lahat ay isang katarantaduhan kampanya ng Caloocan Police dahil talamak pa rin ang operasyon ng mga pasugalan sa lungsod.
Katunayan, naging mitsa ng kaguluhan o patayan ang ilegal na sugal sa lungsod. May kaso nga ng pasugalan sa lungsod kung saan iyong nagreklamo pa ang binugbog pa ng illegal gambling operator. Nabulag pa nga ang kaliwang mata ng complainant.
Hayun, balik na sa operasyon ang ilegal na sugal ng suspek kung saan ay protektado ng ilang pulis ng Caloocan. Kaya nagiging inutil ang pulisya ng lungsod laban sa mga pasugalan. Actually hindi naman inutil at sa halip ay nakikinabang lang ang nakararaming pulis ng lungsod sa mga pasugalan kaya may silbi sila at hindi inutil. Hehehehehe
Kaya hindi na rin nakapagtataka kung bakit hindi hinuhuli ang perya-sugalan “color games” ni alyas “Marissa” sa lungsod. Isang buwan nang tumatakbo ang pasugalan ni Marissa pero hindi hinuhuli ng Caloocan Police.
Siyempre, alam niyo na mga kababayan kung bakit untouchable si alyas Marissa. Obviously na intel ang dahilan. Ipinangangalandaka ng grupo ni Marissa na may basbas daw kanyang operasyon ang ilang tauhan ng Office of the Mayor. Naku ha, sinisiraan mo pa ang opisina ni Mayor Dale Malapitan ha.
Bukod kay alyas Marissa, binigyan na rin ng basbas ng ilang tiwali sa pulisya ng lungsod si alyas Emily para patakbuhin ang kanya perya-sugalan “color games” sa may Deparo Caloocan City.
Hayun ang dalawa, Marissa at Emily ay kapwa nagyayabang na kahit na 100 beses pang ipag-utos nina Mayor Malapitan at NCRPO RD Estomo ang gera laban sa illegal gambling ay hindi sila huhulihin ng Caloocan Police dahil sa wala naman silang pagkukulan pagdating sa intel.
Heto pa ang masaklap, naging tambayan na ng mga adik at tulak ang perya-sugalan nina Marissa at Emily. Hindi lang tambayan kung hindi sa lugar ginagawa ang transaksyon o bentahan ng shabu at “damo”.
Kamakailan nga din, nagkagulo sa perya-sugalan dahil sa pandaraya ng nagpapasugal.
Ops teka, talamak pa rin ang bookies karera naman nina Danny Kamote at pamangkin niya si JR Kamote at isang CIDG collector alyas Egay. Untouchable din ito. Bakit? Obvious ang dahilan. Malamang na may parating sa Caloocan Police.
Mayor Malapitan at NCRPO Chief Gen Estomo, wala pala kuwenta ang directives niyo. Pinagtatawanan lang nina Marissa, Emily, Danny, JR Kamote at Egay.