Advertisers
BAWAT buhos ng ulan, kahit hindi bagyo, binabaha na ngayon ang mabababang lugar lalo ang mga malapit sa ilog.
Hindi na ito tulad ng dati na kahit gaano kalakas ang buhos ng ulan at may bagyo ay hindi nagkakabaha sa mabababang lugar at hindi manlang umaapaw ang mga ilog. Noon iyon, hindi pa uso ang illegal logging at wala pang quarry o mining ang mga politiko. Mismo!
Ibang iba na ngayon. Bumuhos lang ang ulan, kahit isang oras, asahan mo na ang pagragasa ng baha na may halong putik mula sa kabundukan, lubog ang kapatagan! Sira ang kabuhayan!
Ganun din sa kalunsuran, partikular sa Metro Manila. Kaunti nalang kasi ang bahagi na may lupa. Halos lahat ay sementado na. Kaya hindi na naa-absorb ng lupa ang tubig. Tapos maliit pa ang imburnal at barado ng basura. Resulta: malalim na baha, lubog ang kabahayan.
Kaya ayaw mo man, kailangan mo nang mag-ari ng bangka kung ikaw ay nakatira sa mababang lugar, kahit sa Metro Manila.
Oo! Sa panahon ng mga bagyo, walang gamit ang mga sasakyan tulad ng kotse at motorsiklo. Ang kailangan ay bangka. Oo bangka!!! Ito na ang kailangang sasakyan ng mga tao sa mga bahaing erya.
Kaya dapat ang gobyerno natin ay maghanda na ng maraming bangka para sa mabababang lugar, para hindi na magkukumahog sa pag-rescue ‘pag may bagyo.
Dapat naring puwersahing paalisin ng mga local government unit ang kanilang mga residente na naninirahan malapit sa mga pampang. Dahil marupok na ang pundasyon ng lupa sa bundok, wala na kasing mga ugat ng puno na makakapitan, pinutol na ng mga “bata” ng mga politiko.
Again, para makaiwas sa trahedya ng baha at landslides, maghanda ng bangka sa bahay at ‘wag manirahan malapit sa ilog at pampang. Period!
***
Mahigit isandaan katao ang nasawi sa nagdaang bagyong Queenie, ayon sa NDRRMC. Karamihan sa mga nasawi ay mula sa Mindanao, mga natabunan ng gumuhong lupa at nalunod sa baha. Quarry at illegal logging daw ang dahilan ng malawakang pagbaha sa kanilang lugar. Kaya pinagmumura na naman ng mga residente ang mga politiko. Pero paulit-ulit naman nilang ibinoboto. Ewan!
***
Sa tantiya ng DPWH, bilyones ang halaga ng mga imprastraktura na nawasak nationwide nitong nagdaang bagyong Paeng.
Sa Mindanao lang ay ilang malalaking tulay ang nawasak, gayundin sa Visayas at Northern Luzon.
Tiba-tiba na naman dito ang mga kontraktor at politiko sa pagpagawa ng mga nawasak na proyekto.
Ang problema lang ay kung saan kukunin ang pondo para sa pagpagawa sa mga nawasak na imprastraktura. Wala nang pondo, inubos ng mga tulisan ng nakaraang administrasyon! Baon na baon na sa utang ang Pilipinas. God save Philippines!
***
Mukhang si suspended BuCor Director Gerald Bantag ang madidiin sa pagpaslang sa brodkaster na si Percy Lapid. Halos lahat ng ebidensiya ay sa kanya papunta. Siya kasi ang may pinakamalaking rason para ipapaslang si Percy matapos siyang banatan nito sa kanyang mga “tagong yaman”. Subaybayan!